Labinglima ( Unang Bahagi )

27 1 0
                                    


"Kain na, Veron", masayang alok ni Kara sa pamangkin. Kalalabas lang nito sa kanyang kuwarto. Suot nito ay itim na t-shirt at puting shorts, nakaayos ang buhok at mukhang may pupuntahan.

"Saan ka naman pupunta?" mataray na usisa ni Lily sa anak. Ilang linggo na ang lumipas. Gaya ng sabi ng inang aalis na sa trabaho, ginawa nga nito para sa kanya. Kasalukuyan na itong naghahanap ng ibang trabaho ngayon.

Nakangiti siyang lumapit sa tiya at hinalikan ito sa pisngi. "Magandang umaga, tiya", nakangiti niya pang bati.

Seryosong kumakain lang si Lily. Wala naman nagbabago sa hitsura nito, nakaismid at nakataas pa rin ang kilay lagi na parang laging galit at makikipag-away.

"Ma", bumaling siya sa ina at hahalikan din sana ito sa pisngi pero umiwas ito. "Alam mong ayoko niyan", reklamo nito saka sumubo na lang ng pagkain.

"Sus", pagbibiro pa ni Kara. "Pag halik galing sa anak, ayaw pero pag sa lalaki--"

"Alam mo ate, nakakailan ka na a?" naiiritang singhal ni Lily sa kanyang kapatid. "Kitang magbabagong-buhay na nga".

"Magbabagong-buhay na nga pala", tatawa-tawang sabi pa ni Kara.

"Ikaw, Veron, saan ka pupunta? Mukhang paalis ka?" tanong ni Kara sa kanya.

"Aalis po kami ni Carl, tiya", pagpapaalam niya. Noon pa, sa kanyang tiya lang siya nagpapaalam. Ang ina niya ay madalas wala sa bahay noon at kung minsang nasa bahay, wala rin naman pakialam sa kanya kung saan siya pumupunta.

"O sige ingat ka a. Di ka ba kakain muna?"

"Kumain na po ako kanina. Alis na po ako, tiya", masigla niyang sabi. Tila nabuhay na ang dugo niya sa katawan at masiglang-masigla na siya ngayon.

"Bakit sa'kin di ka nagpapaalam?" nakataas pa rin ang kilay na tanong ni Lily. "Hindi ba dapat nagpapaalam ka rin sa mama mo?" dugtong niya pa.

Napangiti nang abot-langit si Veron. Tama ba ang kanyang naririnig? Gusto nitong magpaalam na rin siya sa kanya?

"Aalis po ako ma, kasama si Carl", pamamaalam niya. Di niya mapigilan ang sariling ngumiti nang malapad. Ito ang unang beses na nagpaalam siya sa ina. Nabuhayan lalo siya ng pag-asang magiging maayos na ang buhay niya, buhay nilang mag-ina.

"Sige", tipid na sagot ni Lily at ngumuya na naman ng pagkain. Tumalikod na siya para umalis pero pakiramdam niya, hindi siya makaalis sa kinatatayuan. Wala siyang pagsidlan ng galak sa nasaksihan. Ginusto ng ina niyang magpaalam siya rito.

"Ingat, Veron", pahabol pang sabi ni Lily.

Si Kara naman ay ngingiti-ngiti rin sa nakikitang eksena ng mag-ina.

"Ingat, anak", dugtong ni Lily sa kanya. Napahinto siya sa paglalakad. Nilingon niya ang ina at nginitian ito. "Opo, mama", ani niya at nagtatakbo na palabas sa sobrang tuwa.

"Di rin kinaya ng konsensya mo 'no?"

Sinundan ni Lily ng tingin ang anak habang lumalabas. "Iba pa rin ang nararamdaman ko para sa kanya 'te".

"Iba 'yong lukso ng dugo".

Pagkalabas ay isinara na niya ang geyt. Tingin sa kanan at kaliwa, wala pa si Carl. Ang usapan nila ay alas nuwebe ng umaga pero wala pa ito ngayon. Sabi niya ay dadaan ito sa kanila para sunduin siya.
Tinakpan niya ang pakiramdam niyang namumulang mukha sa kilig. Hindi kilig na galing sa isang lalaki ngunit galing mismo sa isang ina.

"Tinawag niya akong anak?" di makapaniwala niyang tanong sa sarili. Hinawakan niya ang kanyang pisngi at pinisil-pisil. Pakiramdam niya ay pulang-pula ang kanyang mukha sa saya. Sa unang beses, tinawag siyang anak ng kanyang ina. Sinabihan siya nitong mag-ingat.

Anak ng Puta Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon