Lima

88 3 0
                                    

Napansin ni Veron na hindi kinakain ni Carl ang pagkaing nakahain sa harap niya. Tinutusok-tusok lang niya ang spaghetti. Gamit ang tinidor ay pinaglalaruan lang din nito ang kesong nakabudbud sa spaghetti.

"Paglalaruan mo lang ba 'yan?"

 "Wala akong gana," matamlay nitong tugon. Inusod nito sa kanya ang plato sabay sabing, "Kung gusto mo, sa'yo na lang".

Sumandal siya sa upuan. Ipinatong ang siko sa mesa saka nangalumbaba sa harap ni Veron. "Magkano kaya magagastos sa college?" sunod pa nitong tanong.

Huminto na rin muna sa pagkain si Veron. Sa kabilang mesa nila ay maririnig ang masayang pakikipag-usap ni Pat sa mga kaklase habang kumakain. Sa puwesto nilang dalawa ay sila lang ang nakaupo nang magkaharap.

"Ayaw muna akong pag-aralin ni mama. Pagka-graduate ko raw sa Grade 12, huminto raw muna ako para magtrabaho."

Si Veron naman ay tahimik lang na nakikinig sa mga pinagsasabi ng kaibigan. Pareho lang sila ng pinoproblema, ang pera at hirap ng buhay.

Pagsasalaysay pa ni Carl, "Sabi pa ng batugan at magaling kong amain, magsikap daw ako para makaahon sila sa hirap." Tumahimik si Carl pagtapos sabihin 'yon.

"Buwisit! Naging anak lang ba ako para maging tagapag-ahon nila sa hirap?" hinanakit pa niya. May pag-aksiyon pa ng kamay habang sinasabi ang mga hinanakit sa buhay.

"Kung puwede lang magpakalayu-layo at mamuhay mag-isa 'no? Yong sa college, hindi ko alam kung saktong magkano pero libu-libo yan."

Isinubo ni Veron ang sopas na nakalagay sa kanyang kutsara. "Sama na rin magagastos kapag nag-apply ka ng trabaho, dami mo aasikasuhing dokumento, dami mo lalakarin."

"Tapos hahanapan ka pa experience," dismayadong untag ni Carl. "Tanginang buhay na 'to! Fresh graduate with 2 years experience."

Isinubo ni Veron ang sopas na nakalagay sa kanyang kutsara. Pagkababa ay ipinatong niya na rin ang siko sa mesa at tiningnan ang kaibigan.

"Ako nga minsan," siningit na rin ni Veron ang nasa isip niya. "Naiisip kong wala akong future dito sa Pilipinas."

Ngumisi ang kaibigan at tinitigan ang mukha ni Veron. "Ano tawag mo sa'kin?" Nakangiting pinagmasdan ni Carl ang simpleng ganda ng dalaga. "Hindi mo ba alam na ako ang future mo?"

"Future mo mukha mo. Mag-aasawa na lang siguro ako ng mayaman," natatawang sabi pa ni Veron kahit wala pa sa isip niya ito.

"Tara, magsama na lang tayo," gatong naman ni Carl. Nangunot ang noo ni Veron at sabay silang nagtawanan.

"Hoy, sira ka talaga." Anyong hahampasin siya ni Veron sa braso pero nakailag siya. "Bakit gano'n kayong mga babae?"

"Bakit kayo nananakit kapag kinikilig kayo?"

Pigil ang tawang inismiran niya si Carl.
"Hindi ako kinikilig 'no?" Sumeryoso na siya, pilit na itatago ang saya sa mukha.  "Ako? Kikiligin sa'yo? Asa ka."

Itinabi na lang ni Carl ang pagkain sa gilid.

"Mga babae talaga, pakipot pa. Nga pala, natanggap mo na 'yong sulat ko?" pag-iba ng paksa niya sa kaibigan. Nangunot ang noo ni Veron. Wala naman siyang natatanggap na sulat galing kay Carl.

"Ano'ng sulat?"

Dumako ang tingin ni Carl sa katabing puwesto. Sina Pat bitbit ang mga pinagkainan ay paalis na kasama ang mga kaklase dahil tapos na silang kumain. Nagtatawanan pa sila.

"Pinaabot ko kay Pat 'yon," agaran niyang sagot habang sinusundan ng mga mata si Pat.

"Wala naman siyang inaabot sa akin na galing sa'yo," sagot niya.

Anak ng Puta Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon