Isang bata ang nakatalungko sa may baitang ng hagdanang nilulumot na.
Napapahikbi pa ito. Hindi na niya maaninaw ang nasa harap dahil natatakpan ang mga mata niya ng luha.Nasa ganoon siyang estado nang may marinig siyang mga paghakbang mula sa taas. Sa pagkakataong iyon ay napatigil ang paghikbi niya upang talasan ang pakiramdam.
Dumagundong ang puso niya nang mausisa na palapit sa kaniya ang may-ari ng paghakbang na iyon. Napagtanto niya dahil sa mga tunog ng pagtapak noon sa mga tuyong dahong nakakalat sa hagdanan.
"Yaya... Yaya..." Umatungal na sa pag-iyak ang batang lalaki dahil sa takot. Nasa loob kasi siya ng compound ng isang abandonadong mansion at pumasok siya roon nang palihim lamang.
"Bata, bakit ka umiiyak?" Napatigil sa pag-iyak ang batang lalaki. Tumayo at pinagpagan ang sarili. Hinarap ang pinagmulan ng boses.
Isang batang babaeng nasa walo o siyam ang edad ang ngayo'y nasa harap niya. May full bangs ito, nakasuot ng jumper shorts, at ang kapansin-pansin niya ay ang biloy nito sa pisngi.
Pinahid ng batang lalaki ang mga luha gamit ang likod ng kaniyang palad. "Naglalaro ako kanina tapos napalakas ang pagbato ko ng bola ko. Napapunta sa kabila ng bakod nito kaya pinasok ko. Kaso hindi ko makita."
Kumurba pababa ang labi ng lalaki. "Bigay ni daddy 'yun sa akin."
"Huwag kang mag-alala. Tutulungan kitang hanapin 'yung bola mo."
Lumiwanag ang mukha ng bata. "T-Talaga?"
Masiglang tumango ang batang babae. Inabot ang palad sa kaharap. "Tara?"
Magkahawak-kamay nilang sinuyod ang kabuuan ng hardin ng mansion at wala pang sampung minuto ay nahanap na nila ang bola.
"Salamat sa pagsama sa akin, bata."
"Biyang. Tawagin mo na lang akong Biyang."
"Ako si Nicholas. Mula ngayon ay friends na tayo." Inilahad nito ang kamay para makipagkamay.
"Friends!"
Mula nga noon ay lagi nang nagkikita ang dalawa para maglaro. Ang lugar na kinatatakutan ng ibang bata ay parang paraiso sa kanila dahil kapag magkasama sila rito ay labis ang kanilang kasiyahan.
Madalas ding imbitahan ni Biyang ang kaibigan sa maliit nitong kubo sa bahay ng kaniyang lolo at lola.
"Nicholas, kumain ka lang diyan ha? Marami pa 'yang bopis. Huwag kang mahihiyang kumuha."
"Thank you po, Lola Gets!" Maganang kinain ni Nicholas ang nakahain.
Simula nga noon ay naging paborito na ng bata ang luto ng lola ni Biyang kaya sa tuwing pumupunta ang bata roon ay palagi siyang ipinagluluto ng matanda ng bopis.
Minsang nakatambay sina Biyang at Nicholas sa balkonahe ng mansion ay nag-usap sila.
"Biyang. Alam mo, crush kita."
Napatingin ang batang babae sa kaibigan niya. "Crush? Ano 'yun?"
Kumibit-balikat ang bata. "Yun daw 'yung nararamdaman kapag humahanga ka sa isang tao. Halimbawa e nagagandahan ka sa kaniya, nababaitan. Basta kapag may isang bagay o higit pa sa kaniya na nagustuhan mo, crush na raw 'yun.
"Ay gano'n?" Napahawak sa baba si Biyang. "Eh 'di crush din kita, Nicholas!"
Kumabog ang puso ng bata sa hindi malamang dahilan. "C-Crush mo rin ako?"
BINABASA MO ANG
Pleasure Me, Mr.
RomanceThis story contains adult language. If you are still wearing baby bra, please do not proceed. The fate of Olive, a real estate agent and Nicky, future CEO of a cosmetic company started when they stumbled upon each other one night in a bar. Start dat...