Excluding the Gentle Touch of Moments

3.6K 58 0
                                    

Tumitig ako sa screen ng aking laptop at hinilot ang sentido nang hindi na kayang matapos pa ang trabaho na para sana ngayong araw. Wala ako sa sarili buong araw at kahit iilang pasyente lang ang nagpunta sa aking clinic ay pakiramdam ko ay mahigit sa isang daan ang inasikaso ko. Tumingin ako sa aking pambisig na orasan at napabuntonghininga nang makitang maghahating-gabi na rin pala. Kailangan ko nang umuwi, wala na naman akong masasakyan nito.

Kanina pa umuwi ang sekretarya ko na si Judy at si Nurse Avi. Pinauna ko na sila dahil malalayo pa ang uuwian, samantalang ako ay d'yan lang sa tabi. Ayokong dalhin sa bahay ang trabaho dahil siguradong tutulugan ko rin naman ito. Pinatay ko na ang laptop at uminom ng tubig para magising ang katawan ko dahil kailangan ko pang maglakad pauwi. Inayos ko ang mga nagkalat na papel pagkatapos at pinalitan na ang suot na heels ng tsinelas. Bago lumbas ng opisina ay tiningnan ko ang schedule ko bukas sa kalendaryo, may pupunta na pala rito bukas para manganak.

Ang pinakabatang pasyente ko na labing-anim na taong gulang lang at labing-lima noong nabuntis. Mabuti na lang at may kaya ang mga magulang at ang kasintahan.

Kinandado ko ang clinic at tumingin sa paligid na wala ng katao-tao. Madilim din dahil pundido na ang mga ilaw sa poste. Wala na bang makukuhang tricycle rito? Nakakatakot pala ang paligid kapag gabi na. Tuwing umaga ay punong-puno ito ng mga tao at maingay pa ang paligid.

Tinawagan ko ang kapatid kong lalake para sana sunduin ako pero nakapatay ang cellphone nito. Baka may ginagawa na namang kababalaghan. Si daddy naman ay ring lang nang ring, mukhang tulog na. Lesson learned, huwag kang magpapagabi sa daan lalo na kung wala kang jowa. Mga lalake sa buhay ko ay hindi ko maasahan.

Hindi pa ako nakakahakbang ay may umalulong ng aso kaya napaatras ako. Buhay pa naman siguro ako bukas, hindi ba?

Pumikit ako nang mariin at huminga nang malalim. Isang beses kong tinawagan si Dickson at si daddy pero wala talaga, eh. Kinalimutan na yata nila ako. Wala man lang kasing text o kahit missed calls na senyales ng pag-aalala. Hinawakan kong mabuti ang handbag ko ang mabilis ang mga hakbang na tinahak ang madilim na kalsada. Unti-unting bumagal ang paglakad ko nang may mga alaalang rumagasa sa isipan ko dahil sa madilim na lugar.

No, I can't have a breakdown right now. Tinuloy ko ang paglalakad kahit pasikip nang pasikip ang dibdib ko. Napahawak ako roon at kasabay ng pahinga ko nang malalim ay ang pag-uunahan ng mga luha ko sa pagbagsak. Nanlabo ang paningin ko at patuloy na ginulo ng mga alaalang iyon ang buong sistema ko.

Baby...

Tinakpan ko ang tenga ko, ayoko! Ayokong marinig ang boses na iyon! Hindi ako ang mahinang boses na iyon!

"Please, stop..." bulong ko sa sarili ko, hindi ko namalayan nakaupo na pala ako sa malamig na semento ng kalsada.

Kung sino man ang makakakita sa akin ngayon ay iisipin na nababaliw na ako. Ganoon na nga ang mangyayari sa akin kung hindi hihinto ang mga alaalang pilit ko nang kinakalimutan.

"Stop! Stop! I don't want to hear you anymore!" Tinakpan ko ang tenga ko pero wala ring silbi dahil palakas lang nang palakas ang boses na iyon.

"Deity..."

Napahinto ako dahil hindi na pamilyar sa akin ang baritonong boses na iyon. Hindi na galing sa mga alaalang sumusugat sa puso ko. Isang boses na mahinahon at parang pinatigil sandali ang pagdurugo ng mga sugat na hindi kailanman kayang maghilom.

Baby, my baby... Help

Umiling-iling ako. No, it's already gone. Don't look for it anymore!

Hinabol ko ang hininga ko dahil sobrang naninikip ang dibdib ko. Hanggang sa parang may bumabara na sa lalamunan ko at hindi na ako makahinga. Umikot ang paningin ko at wala nang kahit anong salita ang lumalabas sa bibig ko.

Excluding the Gentle Touch of Moments (Soon On TDP Publishing House)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon