Alipin
Ngayong araw ay lunes kaya maaga na naman ang gising ni Agnes, sa totoo lamang ay alas singko palang ng madaling araw. Balik-trabaho na siya, at sa kasamaang palad ay maninilbihan na naman siya sa matapobreng pamilya ng Acosta. Siguradong aalipinin na naman siya ng mga ito.
Pero kahit alam na niya ang mangyayari sa kanya kung muli siyang babalik sa mansion ng mga Acosta ay buo na ang desisyon niya na muling magtrabaho roon kahit na pahirapan pa siya ni Brianna at ng magulang nito. Kailangan niya ng trabaho, kailangan niya ng pera para sa pamumuhay nilang dalawa ni Islaw.
"Ate Agnes, aalis kana ba?" natigil siya nang marinig ang boses ni Buchu.
Itinigil niya muna ang ginagawang pag-aayos ng sarili bago nilingon si Buchukoy na bahagya pang nagkukusot ng mata. Dito sa bahay niya natulog si Buchu para sa paggising ni Islaw ay may kasama ito. Tiyak kasi na hahanapin siya ni Islaw kapag nagising na walang kasama sa bahay lalo pa't maghapon na naman siya sa mansion.
"Oo, Buchukoy. Tapos ko narin ayusin ang sarili ko kaya aalis na ako."
"Good luck, Ate Agnes. Huwag mo nalang pakadibdibin ang pagmamaltrato sayo nina Mayor lalo na nung maarteng anak nila."
"Salamat." maikling sagot niya.
Imbes na lumapit sa front door at para makaalis na siya ay iba ang pinuntahan niya. Pumasok siya sa kwarto upang tignan si Islaw na hanggang ngayon ay mahimbing parin natutulog. Umupo siya sa gilid ng kama at nakangiting pinagmasdan ang napakaguwapong mukha nito.
"Islaw, aalis na ako. Magtatrabaho ako para sayo."
"Yiee, si Ate mukhang in love narin kay Kuya Islaw." natawa siya at napailing nang sundot-sundutin ni Buchu ang tagiliran niya.
"Ikaw talaga Buchu, puro ka kalokohan."
"Kalokohan? Ate, nagsasabi ako ng totoo."
"At paano mo naman nasabi na totoo iyang sinasabi mo?" humalukipkip siya at kunwaring tinaasan ng isang kilay.
"Ate Agnes, mga tingin mo palang kay Kuya Islaw ay alam ko na agad. Iyong malamlam mong mga mata na nakatitig kay Kuya Islaw, parang nangungusap at tila siya lang ang nakikita mo." ani nito na hindi na niya nagawang sagutin.
Tila natameme siya dahil sa sinabi ng bata.
"Alam ko na alam mo sa sarili mo na hindi lang basta awa ang nararamdaman mo para kay Kuya Islaw, Ate Agnes. Alam ko at nakikita ko na unti-unti na siyang nakakapasok sa puso mo."
Mas lalo lamang yata siyang tinakasan ng salita dahil sa mainit at matamang pagtitig sa kanya ng batang si Buchukoy. Hindi talaga matalino si Buchu pagdating sa akademiko pero kapag dating naman sa ganitong bagay ay marami itong alaman. Tingin palang nito na ipinupukol sa kanya ay para bang alam na agad nito ang kung anong itinitibok ng puso niya.
"K-kung ano nalang ang napapansin mo, ikaw talagang bata ka. Mapapahamak pa ako dahil sayo eh. Mabuti pa ay bantayan mo nalang si Islaw." pag-iiba niya.
"Si Ate Agnes, in dial pa eh."
"In denial iyon Buchu, hindi in dial."
"Iyon narin iyon, Ate."
"Sige na, sige na." pagsuko niya.
Para saan pa ba ang pakikipagtalo niya sa isang bata? Sa isang bata na katulad ni Buchu, sa pagkakakilala niya sa batang ito ay hindi talaga ito magpapatalo sa kanya. Madalas pa nga ay pinangungunahan pa siya nito. Sa sobrang dami nitong alam, ito na ang nagiging guro ni Islaw sa kalokohan. Baka 'di magtagal at maging isang magaling nitong estudyante si Islaw.
BINABASA MO ANG
Babysitting The Merman
FantasyIsa lamang simpleng babae si Agnes na nakatira sa maliit na bahay sa tabing dagat at nagtatrabaho bilang katulong sa mansion ng matapobreng si Binibining Acosta at pamilya nito. Nagmumuni-muni siya sa may dalampasigan nang makarinig ng kakaibang hun...