Chapter 8

1.7K 96 27
                                    

Mga Perlas

Hindi na naiwasan ni Agnes ang maluha nang tumalikod sa kanya si Erick, kanina pa niyang pinipigilang tumulo ang nagbabadyang luha sa kanyang mga mata nung kausap niya ito pero ngayon tuluyan nang bumigay ang kanyang mga luha. Masagana itong umaagos mula sa kanyang malamlam na mga mata patungo sa kanyang pisngi. Habang pinagmamasdan si Erick na naglalakad palayo sa kanya ay tuluyan na ngang naglaho ang pag-asa niya na magkaka-ayos silang dalawa.

Mag-isa siyang naglalakad sa madilim at palusong na daanan at sa bawat gilid ng kalsada ay may nakatayong malalaking bahay, halos lahat ng ilaw ng bawat tahanan ay nakasara na dahil inabot na siya ng gabi. Tinext siya ni Erick ng mga bandang alas tres ng hapon dahil nais nitong makipagkita sa dati nilang tagpuan na medyo malayo sa bahay niya, akala niya ay magkikipag-ayos ito sa kanya pero inabot lang pala nito ang lahat ng gamit niya na naiwan niya sa puder ni Erick at nais nitong kunin lahat ng gamit nito na naiwan naman sa bahay niya.

Maliwanag ang paligid dahil sa ilaw ng mga poste pero dahil nahaharangan ng mga luha ang kanyang paningin ay hindi niya nakita ang malaking bato na nakapagpatisod sa kanya, nagpagulong-gulong siya pababa at kung hindi pa siya nakahawak sa kung saan ay baka nagpatuloy pa siya sa paggulong. Marami siyang natamong sugat at galos pero hindi na niya iyon ininda, wala na kasing isasakit pa ang nararamdaman niya sa kanyang dibdib.

Halos manuyo na ang luha sa kanyang pisngi nang marating niya ang bahay niya. Pagod na pagod siyang pumasok sa loob at dumiretso sa kwarto para ligpitin lahat ng mga gamit ni Erick na naiwan nito. Inasahan niyang madadatnan niyang tulog si Islaw pero dumating siya na gising parin ito. Ang kaninang nakabusangot na mukha nito ay napalitan ng maaliwalas na mukha nang makita siya. Ngumiti ito sa kanya pero hindi niya nagawang tugunin ang ngiti nito dahil sa wasak ang kanyang puso. Hindi niya magawang ngumiti pabalik.

Hindi na niya pinagtuunan ng pansin si Islaw at naglakad nalang palapit sa lumang cabinet. Hinalughog niya nang hinalughog ang laman niyon hanggang sa wala na siyang nakita pa na gamit ng dating nobyo. Palabas na sana siya ng kwarto pero napabaling ang tingin niya kay Islaw na bahagyang nakakunot ang noo na animo'y nagtataka ito kung ano ba ang ginagawa niya. Napako naman ang tingin niya sa damit na suot nito, kay Erick iyon.

"Islaw."   lumapit siya sa sireno na ikinapaling ng ulo nito.

Nakangiting inangat nito ang isang kamay. Alam niyang gusto na naman nitong pagsiklupin ang kanilang mga kamay pero tinabig niya lang ang kamay nito at walang sabi na hinubad ang suot nito. Tumalikod siya kahit napansin niya ang lungkot at pagkagulat na bumalatay sa mukha nito. Naaawa at nakokonsensya siya para kay Islaw pero hindi niya maiwasang magkaganito. She's broken. Walang pamilya, walang sariling bahay, walang pera, walang kaibigan at wala narin sa kanya ang lalaking minamahal kaya nagkakaganito siya.

Iyak lang siya nang iyak hanggang sa matapos niya ang pagliligpit sa lahat ng gamit ni Erick. Hindi pa siya kumakain pero wala siyang gana kaya kahit kumakalam ang kanyang sikmura ay minabuti niyang humiga nalang sa upuan na nagsisilbe niyang kama bago ipinikit ang mga mata. Wala pang isang minuto nang makarinig siya nang mahinang ingay mula sa loob ng kwarto. Napabuntong hininga na lang siya dahil sa isiping kung ano-ano na naman ang ginagawa ni Islaw. Sanay na siya sa kalikutan ng huli. Nais na sana niyang matulog pero napapitlag siya nang may tumusok sa kanyang pisngi.

"I-Islaw!"   gulat siyang napabangon nang bumungad sa kanya ang walang kamuang-muang na mukha ng sireno.

"A-ano bang ginagawa mo dito? Paano ka nakapunta dito?"   tanong niya kahit alam naman niya na gumapang ito, nakadapa pa nga ito sa sahig.

"Islaw, halika bumalik tayo sa kwarto mo."

Tumayo siya at balak na sana itong hilahin pabalik sa kwarto pero hindi ito nagpatinag, nakakunot noo ito habang ipinapaling ang ulo. Maya-maya pa ay gumapang ito papasok sa kwarto, akala niya ay matutulog na ito pero bumalik ito dala ang kahon na naglalaman ng mga panggamot sa sugat. Nahihirapang bumalanse ito para maka-upo sa sahig, at siya naman ay naka-upo sa upuan. Nakayuko siya kay Islaw at ito naman ay nakatingala sa kanya dahil hindi sila pareho ng kina-uupuan.

Babysitting The MermanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon