Pag-aalala
Namamaga ang magkabilaang pisngi ni Agnes nang makauwi siya sa bahay, kitang-kita pa niya ang matinding pag-aalala na sumilay sa mukha ni Islaw at Buchukoy ng makita siya. Naikuwento niya tanging kay Buchu lamang ang pananakit sa kanya ng pamilyang Acosta. Wala naman kasi siyang maitatago sa bata dahil alam nito kung anong ugali mayroon ang pamilyang Acosta.
At sinikap naman niyang itago kay Islaw ang dahilan ng pamamaga ng kanyang pisngi. Tiyak naman siya na hindi agad nito mauunawaan ang mga bagay-bagay na ginagawa sa kanya ng pamilya nila Brianna. Isa pa, ayaw niyang malalaman ni Islaw ang kung anong nararanasan niya sa puder ng amo niya. Ayaw niya lang naman kasi na mag-alala pa ito sa kanya.
"Ate Agnes, bakit kaba kasi tumakas kanina kahit alam mo ang mangyayari?" malungkot ang mga matang tanong ni Buchu sa kanya.
Hindi agad siya sumagot at sa halip ay tinignan niya si Islaw na mahimbing na natutulog. Habang pinagmamasdan ang guwapong sireno ay nagbalik sa kanyang alaala ang nangyari kanina. Naabutan siya ni Ginang Acosta na wala sa mansion, at nang pagkarating niya sa pamamahay ng mga ito ay apat na mag-asawang sampal agad ang iginawad sa kanya ng mga ito.
Maraming klase pa ng pananakit ang ginawa ng mga ito sa kanya kanina pero hindi na niya nais pang isa-isahin iyon. Basta ang alam niya lang ay tila nabugbog siya, damang-dama niya ang panghihina at pananakit ng kanyang buong katawan dahil sa matinding pagod sa trabaho at dahil narin sa pagbubuhat ng kamay ng mga ito sa kanya.
"Ate, kaya naman na ni Kuya Islaw na alagaan ang sarili niya. At nandito naman ako para kapag wala ka ay ako ang mag-aasikaso sa kanya."
"Salamat ng marami sayo, Buchu. Sa totoo lang ay nahihiya ako sayo dahil imbes na nakikipaglaro ka sa ibang bata ay narito ka para gumawa ng gawaing bahay at para alagaan si Islaw, narito man ako o wala." matamis niya itong nginitian kasabay ng paggulo niya sa buhok nito.
"Pero Buchu, gaya ng sabi ko ay bata ka pa. At si Islaw naman ay hindi pa fully matured kaya kailangan parin ako ni Islaw." sandali siyang tumigil sa pagsasalita para humugot ng isang malalim na hininga.
"Pinilit ko talagang maka-uwi rito para sa kanya. Alam ko na palaging ako ang hinahanap niya."
"Pero tignan mo ang nangyari sayo, Ate Agnes."
"Ayos lang ako, Buchukoy."
"Sabihin mo nga sakin, may gusto kana ba kay Kuya Islaw?" tanong nito sa kanya ng diretso.
Natigilan siya dahil sa naging tanong ni Buchukoy sa kanya. Matamang nakatitig sa kanya ang bata, at ganoon rin naman siya rito. Bumuntong hininga siya, sa totoo lang ay hindi niya alam kung ano nga ba itong nararamdaman niya kay Islaw. Mayroon sa sarili niya na nagsasabing awa lang at pag-aalala sa isang walang kamuang-muang na sireno itong nararamdaman niya ngunit may nagsasabi rin na may puwang na sa puso niya si Islaw.
Ang alam niya lang ay buo na ang araw niya kapag nakikita at nakakasama niya si Islaw, masaya rin siya kapag masaya si Islaw, nasasaktan siya kapag nakikita itong malungkot, nasasaktan at umiiyak. Sa bawat pagyakap at paghalik nito ay dumadagundong ang puso niya at parang tumatalon-talon iyon sa galak. At maisip niya palang na magkakalayo silang dalawa ay tila winawasak ang puso niya.
"M-mahal ko na yata siya." madamdaming usal niya.
Emosyonal talaga siya pagdating sa pag-ibig, lalo na't hindi basta-basta ang relasyon niya kay Islaw. Hindi tao si Islaw, sireno ito at magka-iba silang dalawa. At ang reyalidad ay magka-ibang mundo at magka-ibang buhay mayroon sila. Sa dagat nararapat si Islaw, at siya naman ay sa lupa. Sa kapwa sirena dapat umibig si Islaw, at sa tao naman dapat siya magmahal. Hindi dapat sila nagsasama gayong kapahamakan lang nilang dalawa ang magiging dulot nito.
BINABASA MO ANG
Babysitting The Merman
FantasiIsa lamang simpleng babae si Agnes na nakatira sa maliit na bahay sa tabing dagat at nagtatrabaho bilang katulong sa mansion ng matapobreng si Binibining Acosta at pamilya nito. Nagmumuni-muni siya sa may dalampasigan nang makarinig ng kakaibang hun...