Pagkatuto
Hindi malaman ni Agnes kung ano ang naglalarong emosyon sa mga mata ni Islaw at ni Nanay Nita. Parehong nakangiti ang mga ito sa isa't-isa habang matamang magkatitigan na para bang matagal nang magkakilala ang mga ito at para bang nauunawaan nila ang isa't-isa. Nagtataka na napatitig naman sila ni Buchukoy sa isa't-isa dahil pareho silang walang alam. Pareho lang silang nakatayo sa gilid ng kama.
Alas singko palang ng umaga nang puntahan niya si Nanay Nita sa bahay nito, sinundo niya talaga ang matanda dahil ito lang ang alam niyang makakapagbigay ng sagot sa mga katanungan niya patungkol kay Islaw. Ibinuwis niya ang kaligtasan nilang dalawa ni Islaw para lang makausap ang matanda. Wala siyang ibang maaasahan kundi si Nanay Nita dahil ito lang ang kilala niyang may kaalaman sa mga sirena't sireno at mukhang ito lang din ang may malasakit sa uri ni Islaw liban sa kanila ni Buchukoy. Isap pa, mukhang mabait naman ito.
Kagabi, nang magbago ang anyo ni Islaw mula sa pagiging isang sireno sa pagiging normal na tao ay wala siyang ibang nagawa kundi ang damitan ito at dalhin sa kwarto niya. Wala naman nang ibang reaksyon na nakita sa katawan ni Islaw nung kumain ito ng mansanas kundi ang pagpapalit lang nito ng anyo. Hindi na niya nagawang tumawag ng kung sino kagabi dahil masyado naring malalim ang gabi nun kaya minabuti niyang ipagpaliban nalang kinabukasan ang pagtawag kay Nanay Nita at Buchukoy.
"Lola, bakit po ba kayo nagkakatitigan ni Kuya Islaw?" nakangusong kumulbit si Buchu sa matanda.
"Nauunawaan kasi namin ang isa't-isa." nakangiting sagot nito na nakapagpamangha sa kanila ni Buchukoy.
Hindi niya tuloy maiwasang mainggit sa matanda, para bang nais niyang magawa ang kaya nitong gawin. Sa ilang linggong pagsasama kasi nila ni Islaw ay palagi silang hindi nagkakaintindihan dahil pareho nilang hindi alam ang kani-kanilang lenggwahe. Gusto niya rin maunawaan si Islaw, gusto niya ring magkaroon ng maayos na komunikasyon rito.
"Lola, kumusta po si Kuya Islaw? Okay lang po ba siya?" tanong ni Buchu na nakapagpabalik sa kanya sa reyalidad.
"Oo naman. Huwag kayong mag-alala, maayos naman na siya. Kahit papaano ay unti-unti na siyang nasasanay sa bago niyang katawan."
"B-bakit po ba siya nagbago ng anyo?" tanong niya.
Hanggang ngayon kasi ay naguguluhan siya.
"Marahil dahil sa kinain niya. Iba ang pagkain nilang mga sireno sa mga tao kaya nanibago at nagkaroon ng reaskyon ang katawan niya." may pagkibit balikat na sabi nito.
Nang marinig ang eksplanasyon nito ay kaagad siyang napahinga nang maluwag, lubos kasi siyang nag-aalala para kay Islaw at ngayong nakumpirma niya na maayos lang ito ay napanatag na ang kanyag loob. Lumapit siya kay Islaw nang umatras si Nanay Nita para siguro bigyan sila ng space. Lumingon sa kanya ang nakangiting si Islaw na kani-kanina lamang ay nakabusangot ang mukha dahil ni Buchukoy.
"Kumusta ka, Islaw?" nakangiting ginulo niya ang buhok nito.
Tanging pagbungisngis ang itinugon nito.
"Ate Agnes, bakit hindi po siya nagsasalita? Diba tao na siya? Dapat marunong na siyang magsalita." nakangusong tanong ni Buchu.
Nilingon nila ang matanda na nakikinig lang.
"Iho, hindi ibig sabihin na naging tao ang isang sireno ay makakapagsalita na siya katulad nating mga tao. Para lamang siyang isang bata na kailangang turuang magsalita." tugon ni Nanay Nita na nakapagpatango sa kanya.
Kung ganoon ay kailangan pang turuan si Islaw?
Walang ano-ano'y napatigil siya sa pag-iisip ng kung ano-ano nang may humawak sa kamay niya. Bumaling ang tingin niya kay Islaw na malapad ang pagkakangiti sa kanya, dalawang kamay nito ang may hawak sa kanang kamay niya. Napangiti na lamang siya nang ito mismo ang nagdala sa kamay niya patungo sa ulo nito. Mukhang gustong-gusto talaga ni Islaw ang ginagawa niyang paghaplos sa buhok nito.
BINABASA MO ANG
Babysitting The Merman
FantasyIsa lamang simpleng babae si Agnes na nakatira sa maliit na bahay sa tabing dagat at nagtatrabaho bilang katulong sa mansion ng matapobreng si Binibining Acosta at pamilya nito. Nagmumuni-muni siya sa may dalampasigan nang makarinig ng kakaibang hun...