PROLOGO: MGA MAGNANAKAW

403 56 163
                                    

"Gina, pumunta ka na rito."

Napalingon si Gina kay Albert nang marinig ang mahinang tawag nito. "Oo, teka lang naman," asik niya sa kaibigan at maingat na gumapang sa damuhan. Madilim ang paligid at hindi rin maaninag ni Gina ang mga nasasanggi niya sa lupa. Nananalangin siya na sana'y wala siyang matabing na tae ng pusa.

Sa totoo lamang hindi rin siya sigurado sa ginagawa nilang magkakaibigan. Pinlano nila ito dahil kailangan nila ng pera. Alam niya na masama ang magnakaw ngunit kailangan niyang kumapit sa patalim ngayon.

"Kaya lang naman ako pumayag dito dahil may sakit ang nanay ko. Kung 'di ko lang kailangan ng pera, hindi ko gagawin ito," bulong ni Gina habang maingat na gumagapang. Pero sa kasamaang palad, may natabing nga siyang tae ng pusa sa gilid.

"Nako naman, yak!" nandidiring sabi niya na pinunas ang gilid ng kamay sa talahib.

"Bilisan mo naman," tawag ni Ethan sa babae. Sina Albert at Ethan ay naroon na sa likuran ng malalaking halaman. Malapit na sila roon sa gilid ng bahay kung saan may nakasarang bintana. Ilang saglit pa ay nakalapit na rin si Gina sa dalawang kaibigan.

Magkaka-edad silang tatlo. Labing-limang taong gulang pa lamang sila at pare-parehong nag-aaral sa public highschool sa Batasan Hills. Pare-pareho rin silang lumaki sa slum area at dumayo pa talaga sila rito sa Commonwealth para lang magnakaw. Noong isang araw kasi ay naglaboy sila at nadaanan nila ang malaki at magandang bahay na ito na pagmamay-ari ng isang mayamang lalaki.

Ayon kay Albert, doktor daw ang may-ari ng bahay at nagbakasyon daw ang may-ari sa Cebu kaya walang tao roon ngayon. Pagkakataon na raw nila ito. Kaya heto sila ngayon, may nakatakip na black thong o underwear sa mukha habang may nakataklob na hood sa ulo.

Napabuntong-hininga si Gina nang makalapit siya sa dalawang lalaki.

"Mga babae talaga ang bagal kumilos," panlalait pa ni Ethan.

"Ikaw kaya ang makasanggi ng tae?" naiinis naman na sagot niya na kinuyom ang palad sa tapat ng mukha nito.

"Lumayo ka nga. Ang baho mo." Nandidiri namang layo ng binatilyo.

"Shhhh! Huwag na kayong maingay. Baka may kapit-bahay na makarinig sa atin dito," sita ni Albert sa kanila na inilagay ang hintuturo sa tapat ng labi.

Saka lang nila napagtanto na maingay nga silang dalawa. Luminga-linga sila sa paligid. Sinusuri lang nila kung may kapit-bahay ba na nakarinig o may tao na nakapansin sa kanila. Wala namang tao sa paligid. Mukhang tulog na rin ang mga kapit-bahay.

Nang masigurado na wala ngang makakakita ay gumapang na muli silang tatlo at lumapit sa bintana. Sumilip sila roon at nakitang napakadilim sa loob.

"Paano natin mabubuksan 'yan?" tanong ni Gina kay Albert sa mahinang tinig.

"Makakalikha tayo ng ingay kung sisirain natin ang bintana. Doon tayo sa likuran na pinto. Wala rin CCTV doon sa likod," paliwanag nito habang inaayos ang itim na guwantes sa kamay.

Nakapasok na si Albert sa loob ng bahay dahil part-time deliverer siya ng mineral water. Sa kanila umo-order ng tubig ang may-ari ng bahay.

Kumunot ang noo ni Ethan. Nakita niya na may stone wall patungo sa likuran. "Sa backyard tayo. Aakyatin natin iyang pader," bulong ni Albert na tinuro pa ang pader.

Nakaramdam ng inis si Gina nang narinig niya ang plano nila. Hindi man lang naisip ng mga kaibigan niya na babae siya at mahihirapan siyang talunin iyon. Ano kaya kung magpaiwan na lang siya rito?

​🇫​​🇪​​🇹​​🇮​​🇸​​🇭​Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon