Pagkatapos makipag-usap ni Mauro sa phone ay bumalik ito sa loob ng morgue. Tumayo si Kassie at lumabas siya sa tinataguang kwarto. Humilig siya sa double swing door ng morgue at sumilip sa glass window ng pinto. Nakita niya ang ginagawa nila sa loob.
"Hay nakakangawit," sabi ng lalaking nakahiga sa stretcher at tumayo. Nagpapanggap lang pala na patay iyon.
"Mang Johnny, bilisan n'yo na. Baka bumalik si Dr. Pierro. Swerte lang tayo na hindi tayo nakilala n'on kanina," paalala ni Mauro sa lalaking naka-disguise ng nurse uniform.
"Hanapin n'yo ang bangkay na ito." Nag-abot si Mauro ng picture kina Mang Johnny at sa isa pa nilang kasamahan. Assistant si Mauro sa mortuary kaya may kopya siya ng mga larawan ng mga patay.
Kumilos na si Mang Johnny. Isa-isa nitong binuksan at hinila ang drawers ng freezer. Hinahanap nito ang bangkay na nasa larawan. "Oy Bruce tignan mo 'yong mga nasa trolley," utos pa nito. Isa ring sepulturero si Bruce at tagapaglinis ng mga puntod sa Heaven's Peace Memorial Garden.
Sumunod naman si Bruce at isa-isang binuksan ang mga puting kumot na tumatakip sa mga bangkay.
Natuwa si Mang Johnny nang makita na rin nito sa wakas ang hinahanap. "Ito ba 'yon?" Nakangiting tinuro nito ang katawan ng babae.
Lumapit si Mauro at hinawakan ang toe tag sa paa ng bangkay. "Oo. Siya nga si Bernadette. Si Kassie ang gumawa ng autopsy ng babaeng ito. Probinsyano ang mga magulang at walang mga pera. Hindi pa sila nakakabayad sa bill ng ospital. Limang araw nang hindi kinukuha ng pamilya ang katawan niya."
"Maganda siya," komento ni Bruce. Mukhang may gustong gawin na hindi kaaya-aya sa katawan ng babae.
"Huwag mong gagalawin. Magagalit ang boss natin," giit ni Mauro. Magnanakaw siya pero may dignidad pa rin siya bilang tao.
"Oo na. Oo na... nagbibiro lang e," awat ni Bruce.
"Ito na ang huli ko. Pagkatapos nito, magkalimutan na tayo." Bumaling si Mauro kay Mang Johnny.
"Okay sige," sang-ayon naman ni Mang Johnny. "Tara na. Ilabas na natin 'to."
"Teka lang magpapalit ako ng damit," sabi ni Bruce na kinuha sa ilalim ng stretcher ang nurse uniform at PPE. Magbibihis siya ng disguise para walang manghinala sa kanila.
Hindi napapansin ng tatlo ang mga mata na nakamasid sa kanila sa labas ng morgue. Nakita ni Kassie na inilipat nila ang katawan ni Bernadette sa stretcher at tinakpan nila ito ng puting kumot.
Napaisip siya. Anong gagawin niya? Tatawag ba siya ng security guard? Hindi pwede. Baka maalarma ang mga ito at makatakas pa. Paano niya mapipigilan ang mga ito? Kailangan niyang bumuo ng plano, kung hindi ay makakawala pa ang mga magnanakaw.
Ano ang mga gamit na hinanda niya? May dala siyang pepper spray, taser, ball gag, at isang handcuff. Binili niya ito sa mall kaninang lunch break nila. Hindi siya sigurado kung bakit niya binili ang mga iyon pero baka kasi magamit din niya bilang pang-self-defense. Sa gitna ng pag-iisip niya ay muling tumunog ang phone ni Mauro sa bulsa.
"Hay, siya na naman?" Buntong-hininga nito at dumiretso sa pinto.
Kinabahan si Kassie nang makitang lalabas ulit ito. Mabilis siyang nagtago muli sa kabilang kwarto. Sumilip siya sa labas at nakita si Mauro sa pasilyo. May kausap na naman sa phone ang lalaki.
"Anong sinasabi mo? Ano? P-Paano nangyari 'yon?" Iyon ang mga bulaslas ni Mauro.
Habang abala sa pagkausap si Mauro sa phone, nakaisip siya ng magandang plano. Inihanda niya ang mga gamit at kinuha niya ang pepper spray sa bulsa.
BINABASA MO ANG
🇫🇪🇹🇮🇸🇭
Ужасы"The human mind is scarier than any uncanny creatures." Halos lahat ng mga taong nakausap ni Kassie ay nagtataka at nagtatanong kung bakit ito ang pinili niyang propesyon. Hindi rin naman niya alam kung bakit, ngunit dito siya dinala ng tadhana...