Lumabas silang apat sa basement at dire-diretsong tumakbo palabas sa gate ng bahay. Nasa tapat ng bahay ang kotse ni Kassie. Pumasok sila sa loob ng sasakyan. Si Kassie ang nagmamaneho sa driver's seat at katabi niya si Gina. Sina Jobert at Frederick naman ay nasa likod.
"Bilisan natin, Kassie. Baka bumalik na si Brandon at maabutan tayo!" natatarantang sabi ni Jobert.
"Bakit naman babalik agad 'yon? Nagpunta nga sa ospital," tugon ni Kassie na humawak sa kambyo at inatras ang kotse.
Hindi nila masabi kay Kassie ang totoo na si Jobert ang tumawag at nag-impersonate lang siya kay Dr. Lambert kanina. Pinagpapawisan na sila nang butil-butil. Patingin-tingin sila sa likod. Nag-aalala sila na baka bumalik na si Brandon.
***
Samantala, habang nagmamaneho sa kalsada, kinuha ni Brandon ang cellphone niya sa bulsa. Hinanap niya agad ang kontak ni Dr. Lambert.
"Hello?" tawag niya habang nakatutok ang mga mata sa daan.
"Yes Brandon? Bakit napatawag ka?"
"May tatanong ako tungkol sa meeting, Dok"
"Ha? Anong sinasabi mo?" nalilitong tanong ng doktor.
"Hindi ba tumawag ka kanina at sinabi mo na may meeting tungkol sa NICU?"
"Ano? Brandon, nagpaalam ako kagabi. Nag-leave ako ngayon. Anong sinasabi mo?"
Biglang huminto si Brandon sa pagmamaneho. Nagulat din ang sasakyan na nasa likod niya, napahinto, at nagbusina nang malakas.
Nagtaka ang mukha niya. Naramdaman niya na may mali. Naramdaman niya ang mabilis na tibok ng puso at agad na nanghinala sa mga nangyayari.
Pinatay niya ang tawag at tumingin siya sa call history ng phone. Unknown number ang caller kanina sa basement. Napagtanto niya na naloko siya kanina. Inis na inis na binato niya ang phone sa harap at napasuntok sa manibela. Naisahan siya ni Kassie.
"Hoy, ano ba? Nakaharang ka sa daan!" Nabuysit na rin ang driver ng sasakyan sa likod. Sinigawan siya nito.
Pero wala siyang pakialam na inurong ang kotse. Walang pasabi na nag-iba siya ng direksyon. Kailangan niyang bumalik sa bahay. Maaaring nakatakas na sila Kassie.
***
Nakaalis na sila sa tapat ng bahay ni Brandon pero kinakabahan pa rin sila. Hindi sila mapakali sa upuan. Nakatuon naman ang atensyon ni Kassie sa kalsada. Bigla siyang nagpreno. Sa kasamaang palad ay may nakahintong truck sa harap nila. Makitid lang ang kalsada at mukhang nagkaroon ng problema sa mga sasakyan na dumadaan.
"Bakit ka huminto?!" Dahil sa pagkataranta ay napasigaw si Frederick.
"Tignan mo may nakaharang na truck!" sagot ni Kassie na tinuro ang harapan.
"Mag-iba tayo ng direksyon, Kassie!" suhestyon nito.
"Saan naman tayo dadaan?"
"May palikong daan sa street nila Brandon. Doon na lang tayo dumaan!"
"Babalik tayo?! Nababaliw ka na ba? Saka mas mahaba ang kalsada doon! Matatagalan tayong makapunta sa police station!" tugon ni Kassie.
"M-Maghihintay po tayo rito?" ninenerbiyos na singit ni Gina. Natatakot siyang mahuli sila ni Brandon at muli siyang ibalik sa basement.
Napatingin si Kassie sa dalagita.
BINABASA MO ANG
🇫🇪🇹🇮🇸🇭
رعب"The human mind is scarier than any uncanny creatures." Halos lahat ng mga taong nakausap ni Kassie ay nagtataka at nagtatanong kung bakit ito ang pinili niyang propesyon. Hindi rin naman niya alam kung bakit, ngunit dito siya dinala ng tadhana...