KABANATA 10: SA GARDEN

152 35 78
                                    

Hindi makapaniwala si Kassie sa narinig pero hindi pwedeng magsinungaling si Mauro. Tumalikod siya, lumayo sa dalawa at humarap sa lababo. Hindi siya makatingin kay Dr. Pierro na ngayon ay nag-aalala sa kaniya.

Si Mauro ay nagmamaktol pa rin sa trolley bed. "Pakawalan n'yo na ako!"

Nairita si Dr. Pierro sa ingay nito kaya binalik niya ang ball gag sa bunganga ng lalaki.

Samantala pinipigilan naman ni Kassie ang damdamin ngunit hindi niya magawa. Napasapo siya sa dibdib at hindi na napigilan ang mapaiyak. Nagpaunahang tumulo ang mga luha sa mga mata niya.

"Ano ito? Niloko ako ni Brandon? Bakit niya ito ginagawa? Anong motibo niya? Pero kung si Brandon ang may pakana, siya rin ang dahilan kung bakit namatay si Frederick..."

"Kassie..." Sa gitna ng kaniyang malalim na pag-iisip, nag-aalalang lumapit si Dr. Pierro at hinawakan ang likod niya. "Kailangan mong huminahon."

"Paano ako hihinahon?!" Naiinis at umiiyak niyang baling sa doktor. "Niloko ako ni Brandon! Hindi ako makapaniwala." Napahikbi siya at napasapo sa bibig. "Oh my God! I was going to marry a criminal!"

Hindi niya mailarawan ang galit na namumuo sa puso niya. Hindi niya mapapatawad si Brandon. Bibigyan niya ng hustisya si Frederick at ang sarili. Pinunasan niya ang luha sa mga mata. Determinado at seryoso na tumalikod siya at naglakad palabas sa pinto.

"Kassie, huwag kang padalos-dalos!" awat ni Dr. Pierro sa kaniya pero hindi na siya nakinig pa.

Dumiretso siya sa parking lot at sumakay sa kotse niya. Hindi na siya nakapagsuot ng seatbelt. Nagmaneho siya paalis sa mortuary. Sobrang bigat ng puso niya.

Huminto muna siya sa tapat ng under construction na building. Gusto muna niyang ibuhos ang lahat ng sama ng loob. Naisubsob niya ang mukha sa manibela at napaiyak nang malakas.

Namatay si Frederick at ang may kasalanan ay ang taong pinagkakatiwalaan niya — si Brandon. Sobrang sakit nailalabas na lang niya sa pag-iyak.

Hanggang makaramdam siya ng pagod at nakatulog siya sa loob ng kotse.

***

Hindi namalayan ni Kassie ang oras. Alasingko'y medya ng madaling araw siya nagising. Naalimpungatan siya sa ingay ng construction site. Nakatulog pala siya.

Nakadama siya ng pag-papanic. Ano ba itong ginagawa niya? Bakit pa siya natutulog dito? Kailangan niyang kumilos ngayon. Nagmadali na siyang nagmaneho. Nasa mukha niya ang galit at determinasyon na mahuli si Brandon. Gaganti siya para kay Frederick at para sa sarili.

Habang nasa biyahe ay kinuha niya ang phone at kinontak ang numero ni Brandon. Pero walang sumasagot sa kabilang linya. Nag-iwan na lang siya ng voice message.

"Brandon, papatayin kitang hayop ka! Ako ang mag-o-autopsy sayo at ipapakain ko ang laman-loob mo sa aso!" nanggigigil niyang banta.

Akma niyang papatayin ang phone pero may napansin siya sa messenger. Kumunot ang noo niya at nagtatakang binuksan ang mensahe.

Tigilan mo na ang pag-iyak. Ako na ang bahala. --- Jobert

Na-seen ni Jobert ang mensahe niya. Hindi lang iyon, nagreply pa ito sa kaniya! Napanganga siya. Kung nag-reply si Jobert, ibig-sabihin ay buhay pa ito.

"Oh my God! Buhay si Jobert?!" bulaslas niya na napasapo sa bibig. Sinubukan niyang tawagan ito pero walang sumasagot sa linya kaya pinatay na niya ang phone.

​🇫​​🇪​​🇹​​🇮​​🇸​​🇭​Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon