KABANATA 4: PAALAM NA FRED

210 46 125
                                    

Ayon kay Jobert napansin daw niya ang isang lalaki na aali-aligid sa facilities kapag gabi. Pabalik-balik daw ito sa mortuary at tila may hinahanap. Naisip niya na baka may kinalaman ito sa nakawan na nangyari. Pero mali ang magbintang na walang pruweba kaya kailangan niyang makumpirma ang hinala.

Si Frederick ang pinakamalapit na empleyado sa kaniya. Nagkataon din naman na hanggang alas-otso ngayon ang kaibigan. Niyaya niya si Frederick na tingnan kung kilala niya ang misteryosong lalaki.

Pasado ala-syete ng gabi nang maisip nila na magmanman sa mortuary. Hinila niya si Frederick at nagtago sila sa likod ng dalawang mobile waste container. Hinintay nila roon na dumating ang lalaki.

"Dapat siguro i-report natin ito sa pulis," bulong ni Frederick sa kaniya.

"Shhhh..." Inilagay niya ang hintuturo sa labi. "Gusto ko lang makita mo 'yong mukha. Baka kasi kilala mo pala 'yon. Lagi kasi 'yon nandito. Nanghihinala na ako."

"Sigurado ka bang pupunta siya rito?" tanong muli nito.

"Oo. Tahimik! Nandyan na siya," pansin niya na nakita ang isang lalaki na papalapit sa lugar nila.

Sumilip si Frederick para makita ang dumating.

Isang payat na lalaki na may sombrero sa ulo. Nakasuot ng white t-shirt na maluwag, tattered jeans at flip flop slippers. Mukhang lagpas trenta na ang edad niyon. Malaki rin ang cheekbone ng lalaki at moreno. Mahaba ang itim at nakalugay niyang buhok. Mukhang hindi siya nagsusuklay. Naninigarilyo pa ito at nagbuga ng usok sa hangin.

"Lagi siyang nagpupunta rito sa likod ng building para manigarilyo," bulong ni Jobert sa katabi. "Madalas siyang may kausap sa phone."

"Jobert naman. Malay mo gusto lang talaga niya rito manigarilyo dahil walang tao," sagot ni Frederick sa mahinang tinig.

"Tingnan mo iyong mukha. Baka kasi kilala mo," paalala niya.

Muling sumilip si Frederick at nakita nitong nakasandal lang ang lalaki sa poste ng ilaw habang naninigarilyo. Kahit malabo ang ilaw ay namukhaan nito ang lalaki.

"Oo, namumukhaan ko. Nakita ko na iyan sa funeral home. Siya 'yong madalas kunin ng mga pamilya sa paglilibing. Kung hindi ako nagkakamali isa siya sa mga sepulturero ng Heaven's Peace Memorial Garden," paliwanag nito.

"Oh?" Tila nagulat pa si Jobert nang matuklasan niya iyon. "Sepulturero siya r'on? Eh 'di ba may bangkay rin na ninakaw sa sementeryo na iyon?"

"Hindi ko alam," kibit-balikat nito. Hindi naman siya nanonood ng balita.

"Anong pangalan niya?"

"Mang Johnny ang tawag nila sa kaniya. Bakit mo siya pinanghihinalaan eh natural lang naman na madalas dito 'yong tao."

"Fred, maniwala ka sa akin. Kakaiba talaga iyang tao na 'yan."

"Paano mo nasabi?" tanong ni Frederick na ginaya pa ang viral memes sa internet.

"Aalis na siya. Tara sundan natin."

"Ano —" Pero hindi na siya nakatutol pa nang muling hilahin ni Jobert.

Lumipat sila ng puwesto at sinundan nila ng tingin ang lalaki. Luminga-linga ito sa paligid habang naglalakad patungo sa exit-gate. Mukha ngang kahina-hinala ang kilos nito.

Nakita ni Jobert na lumabas sa gate si Mang Johnny. "Tara! Sundan natin," sabi niya at hinila muli si Frederick.

"Ano ba, Jobert? Huwag na. Baka may mangyari pa sa ating masama," tutol ni Frederick dahil ninenerbiyos nang sobra sa ginagawa nilang panunubok.

​🇫​​🇪​​🇹​​🇮​​🇸​​🇭​Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon