Kinabukasan, naalimpungatan si Frederick sa mabahong bagay na naaamoy niya. Tila may katabi siyang bangkay na naaagnas. Minulat niya ang mga mata at nakita ang talampakan ni Jobert na nakadikit sa mukha niya. Inis na inis na tinapik niya paalis ang paa nito.
"Hmmm..." Kumislot naman si Jobert sa pagkakahiga at inilipat ang mabahong paa sa mukha ni Aaron.
Nagsisiksikan silang tatlo sa kama. Si Keith ay sa sala natulog dahil mas komportable raw siya sa sofa at alam niyang malikot si Jobert matulog.
Naiinis na bumangon si Frederick at inabot ang phone sa side table. Titingnan niya ang oras pero nakita niya na may mensahe sa kaniya si Dr. Pierro. Binasa niya ang mensahe. Pumasok daw si Kassie sa bahay ng doktor at ito ang pinanghinalaan na magnanakaw.
"Mukhang kumikilos si Kassie nang mag-isa," naisip niya, "Hindi ito maganda pakiramdam ko mapapahamak siya."
Tumingin siya sa oras. Ala-sais na ng umaga.
"Jobert, gumising ka na!" Sinampal niya ang mukha ng kaibigan.
"Aray!" Napabangon naman ito at napasapo sa mukha. "Inaano ba kita?! Natutulog pa ako eh," anas nito sa kaniya.
"May picture ako kahapon. Nakunan ko ang plate number ng van. May picture rin sa akin si Brandon habang kausap niya sila Mang Johnny." Pinakita niya ang mga evidence sa phone.
"Oh? Eh ano?" Tila wala sa mood na sabi lang nito.
"Puntahan natin si Manalaysay. Magsumbong na tayo sa pulis. Malaking ebidensya na 'to. Si Brandon nga ang mastermind nila."
"Nagbago yata ang isip mo? Bakit gusto mo nang humingi ng tulong sa pulis?" tanong ni Jobert.
"Si Kassie..." mahinang sagot niya na halos hindi marinig ng kausap. "Si Kassie ang nasa isip ko. Nag-aalala ako nang sobra sa kaniya. Lagi silang magkasama ni Brandon. Hindi ko kaya kapag may nangyaring masama sa kaniya."
Naintindihan na rin ni Jobert. "Gusto mong mailayo agad si Kassie kay Brandon tama ba?"
Tumango lang siya.
"Okay. Tara na!" sang-ayon nito na bumangon na rin.
***
Nang araw na iyon ay nag-report silang dalawa sa pulis pero sa kasamaang palad ay kailangan pa raw nila na mag-imbestiga. Ngunit ano pang iimbestigahan kung nandito na nga ang katibayan sa harap nila? Mukhang may inaantay pa yata silang totoong bangkay na maglalakad at magsasabing ninakaw siya ni Brandon.
Kasalukuyang nasa labas ng police station sina Frederick at Jobert at nakaupo sa bench. Tahimik lamang si Frederick at malayo ang iniisip. Laman ng kanyang isipan ang kaligtasan ni Kassie. Samantalang si Jobert ay mauubos na ang isang plastic ng sago at gulaman. Napansin ni Jobert ang pag-aalala sa mukha niya.
"Fred," tawag nito. "Wala tayong magagawa. Kahit nagbigay na tayo ng evidence, kailangan pa rin ng investigation."
"Ayokong maghintay, Jobert. Mababaliw na ako kakaisip kay Kassie. Nag-aalala ako nang sobra dahil lagi niyang kasama si Brandon."
May naalala si Jobert. "Hmmm... baka makatulong ito." Kinuha nito ang phone sa bulsa at inabot sa kaniya.
"Ano?" Hinawakan niya iyon. Nakita niya ang inactive messenger account ni Jobert. May message si Kassie sa lalaki.
"Tinatanong ako ni Kassie kung nasaan ako. Naniniwala siyang buhay ako at nagtatago. Tutulungan daw niya ako. Hindi ko alam kung anong sasabihin sa kaniya, kaya inilagay ko muna siya sa ignore messages. Sa pagkakaalam niya ay hindi ko pa nase-seen ang message niya pero nabasa ko na. Kung gusto mo, mag-reply ka. Gamitin mo na lang ang account ko kasi hindi pa niya alam na buhay ka pa," suhestyon nito.
BINABASA MO ANG
🇫🇪🇹🇮🇸🇭
Horror"The human mind is scarier than any uncanny creatures." Halos lahat ng mga taong nakausap ni Kassie ay nagtataka at nagtatanong kung bakit ito ang pinili niyang propesyon. Hindi rin naman niya alam kung bakit, ngunit dito siya dinala ng tadhana...