Migs
Mali silang lahat. Hindi ako mahal ni Hannah. Kung ano man yung pinaniwalaan naming nararamdaman niya, mali kami. Akala ko naakyat ko na lahat ng bakod na itinayo niya sa paligid niya. Akala ko lang pala. Maraming pa palang layers sa pagkatao niya. Bago mo maabutan yung pinakagitna ng pagkatao niya, may isang bakod ka pang aakyatin. Mas mapusok, mas mapanganib, at mas mataas.
Ngayon alam ko na kung bakit walang tumatagal sa kanya. Tingnan mo pa lang ang susuungin mo, parang gusto mo nang sumuko.
Ang layo na ng narating ko, ngayon pa ba ako susuko?
Hindi ka niya mahal, sumuko ka na.
Sinabi niya sa akin iyon pero bakit ayaw kong maniwala? Bakit gusto ko pa rin siyang sundan? Gusto kong sirain yung pinto ng sasakyan ng Rhys na iyon at hilahin si Hannah palayo sa kanya. Ibabalik ko siya sa rancho. At kung ayaw niyang sumama, bubuhatin ko na lang siya na parang sako ng bigas.
Naguguluhan na ako. Parang nasusuka sa sobrang paiba-iba ng mga emosyon ko. Hindi pa natatapos ang araw, gusto ko na agad magpahinga. Ngayon lang ako napagod ng ganito. Partida, wala pa akong trabahong ginagawa.
May traysikel na tumigil sa tapat ko, nasa may gilid kasi ako ng daan at hindi magawang umalis. “Iho, mukhang malala na ang kamay mo, ipagamot mo na iyan,” sambit ng drayber.
Napatungo ako para silipin ang kamay ko. Tama siya. Namumuo na halos yung dugo sa kamay ko. Posible pang naimpeksyon na iyon pero ‘di ko pinuna. Hindi ko rin naman kasi maramdaman yung sakit ng kamay ko. Sa puso ko, pwede pa.
“Dadalhin kita sa klinika kung gusto mo,” pag-alok niya.
Gumawa ako ng kamao at hinigpitan ito. Wala pa rin. “Huwag na ho. Malapit na ko sa bahay. Salamat ho.”
Pagkaalis niya ay lumapit na ako sa motor ko. Pagkahawak ko sa manibela, doon ko na naramdaman yung sobrang sakit sa kamay ko. Delikado pa kapag nagmaneho pa ako. Malapit na rin naman ako sa rancho kaya itinabi ko muna ang motor at naglakad.
Malayo pa ako ay narinig ko na ang tahol ni Ares. Maya-maya pa’y tumatakbo na siya papunta sa akin. Nang makalapit ay medyo nabawasan ang galak niya. Tumigil siya at inihilig ang ulo pakanan. Narinig kong umungol siya nang makita ang kamay ko.
Itinaas ko iyon. “Hindi naman gano’n kalala, no?”
Umungol uli siya.
“Sabi ko nga eh.”
Pumasok ako sa bahay at dumiretso ng kusina. Hinugasan ko ang kamay ko. Paglagay ko ng kamay ko sa ilalim ng dumadaloy na tubig, napasigaw ako sa hapdi. “Tang ‘na, ang sakit pala. Hindi na ako susuntok ng konkreto.”
Winawagwag ko ang kamay ko sa hangin nang makita ako ni Manang Lita. “Jusme, anong nangyari sa’yo?”
“Wala, Manang. Nasaktan lang,” sinubukan kong magbiro pero ako pa yung napakunot ng noo dahil sa sinabi ko. Yung biro ko, totoo pala. Panandalian kong nakalimutan si Hannah dahil iniintindi ko yung sugat ko pero heto siyang muli, bumabalik sa isip ko.
“Nako, ikaw bata ka. Umupo ka muna para malinisan nang maayos ‘yan.”
Sinunod ko siya at nilinis niya ang sugat ko. Mas humapdi pa ito nang lagyan niya ng antiseptic. Pagkatapos malinis nang maigi, pinagmasdan ko yung sugat. “Hindi naman malalim, ‘di na kailangang tahiin.”
Namutla si Manang Lita.
Ngumiti ako para hindi siya mag-alala. “Okay na ako Manang. Babalik na ako sa mga kabayo.”
Pagdating ko sa may kamalig, hinanap ko si Barney.
Nababahala ang ekspresyon sa mukha niya. Nang makita akong papalapit sa kanya medyo nabawasan ang mga linya sa mukha niya. “Buti na lang nandito ka na.”
BINABASA MO ANG
The Sweetest Escape
General FictionIsang libong piso, anim na pares ng damit, makeup kit, isang toothbrush, at cellphone na walang load lang ang nagawang bitbitin ni Hannah nang tumakas siya sa bahay niya. Anim na taon matapos ang pagkamatay ng kanyang ina, naisip niya na it's enough...