Twenty

5.8K 179 5
                                    

Migs

Wala akong inaasahang ganito nang dalhin ko si Hannah sa lugar na ito. Tama rin ang hinala niya na kaya ko siya sa bundok dinala ay para hindi na siya makatakas pa. Sa totoo lang kasi, pasensyoso akong tao pero talagang hinihila ni Hannah lahat ng tali na pampreno. Sa tuwing napapalapit na ako sa pag-intindi sa kanya, bigla-biglang mag-iiba ang attitude niya at lalayo uli. Naiiwan tuloy akong bigo sa lahat ng inaasahan ko.

Punong-puno naman ng sorpresa ang kasama ko. Inaasahan kong patuluyin niya ako sa isipan niya pero higit pa roon ang ginawa niya. Nang nagkunekta ang mga labi namin, para akong nakuryente, wala akong nagawa kundi tumayo lang doon na parang tuod. Napahalinghing ako bago ko suklian ang bigat ng pinakawalan niyang passion. Parang ang tagal na magkadampi ng labi namin pero parang sandali lang ang pangyayari nang maghiwalay kami. Pareho kaming nagpapahinahon ng sarili at habang nagpapakalma ay napatulala ako sa kanya.

Ito na siguro ang unang beses na nakita kong nakababa lahat ng depensa ni Hannah. Ang lambot ng tingin niya sa akin, yung madalas na nakikita kong linya sa gilid ng mata niya ay wala doon. Bago pa man ako makapagkumento sa napuna ko, nakita kong umangat ng kaunti yung gilid ng labi niya sako niya sinabing "warm" ang nararamdaman niya. At alam kong hindi ang panahon ang tinutukoy niya dahil maski ako ay nakakaramdam nito.

Mabilis akong pumick-up pero pagkatapos ng ginawa ni Hannah, bumagal yung pagproseso ng utak ko. Sasagot dapat ako sa kumento niya nang makita kong nanlaki ang mata niya. Napakunot ako kasi sa loob ng ilang segundo ay biglang pumasok ang takot sa mata niya. Ito siguro ang mukhang nakikita ng walang hiyang ama niya sa tuwing pinabubuhatan niya ng kamay ang pamilya niya. Ayokong masaksihang muli ang ekspresyong iyan sa mukha niya.

Lalapit dapat ako sa kanya para pagaanin ang loob niya nang makarinig ako ng pagkasa sa likod ko. Naramdaman kong may tumutusok sa kanang balikat ko at nakita kong pinantaklob ni Hannah ang kamay niya sa bibig niya para pigilang tumili. Wala nga lang kwenta ang pagsigaw sa lugar na 'to dahil walang makakarinig sa kanya.

"Kayo talagang mga kabataan, wala nang ibang ginawa kundi magbulakbol sa bundok. Hindi ligtas dito. Nagkamali pa kayo't dito kayo sa bahay ko tumigil," sambit ng tao sa likod ko.

Mula sa defensive na posisyon ko ay nag-relax ako nang marinig ko ang boses. Tinaas ko ang kamay ko. "Ako 'to, Itay."

Nawala ang nakatutok sa balikat ko at ipinarating ko sa nag-aalalang Hannah na ayos lang kami sa pamamagitan ng pagngiti. Alam kong natakot siya sa posibleng mangyari sa amin kung iba ang nagtapao ng baril sa akin kaya nga nanlalaki ang butas ng ilong niya sa galit pero pinipigilan niyang magsalita sa harap ng ama ko. Pinanlisikan na lang niya ako ng mata.

Humarap ako kay Itay at nagmano. "Itay, si Hannah po. Apo ng Kakang Isko."

Itinuon niya ang tingin sa kasama ko. "Kamukhang kamukha mo ang nanay mo."

Kinagat ni Hannah ang labi niya na tila nagdadalawang-isip sa isasagot. Nahihiya siguro siya dahil nadatnan kami ni Itay sa isang intimate na gawain. "Marami hong nagsasabi niyan."

"Dapat ay matuwa ka dahil maganda ang nanay mo." Sa akin niya naman idinirekta ang tingin.

Nakita ko doon ang lungkot na hindi na nabura simula nang mawala ang Inay at sa tuwing tumatapat sa akin iyon, gusto kong maalis na iyon. Pero minsan ko na ring naranasan na mawalan ng taong minahal mo at hindi man kasing trahedya ng nangyari sa Itay, alam kong pa ring masakit iyon. Pero napagtatanto ko na na kayang maghilom ng lahat ng sugat. Basta makita lang ang tamang panghilom.

"Dapat ay sinabi mo sa akin na bibisita ka ngayon. Edi sana nakapagdala ako ng maraming pagkain para sa inyo. At mukhang dito naman kayo matutulog dahil madilim na. Mapanganib lumusong 'pag gabi." Kumuha siya ng kandila sa may lutuan at sinindihan gamit ang lighter na nakatago sa ilalim ng kubo. "Ano bang gusto niyong kainin?"

The Sweetest EscapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon