May isa akong alaala noong pitong taong gulang pa lang ako. Sa totoo lang, hindi nga ako sigurado kung alaala nga iyon o isang panaginip lang na nanatili sa memorya ko. Iilan lang naman kasi ang nananatili sa isipan ng isang musmos.
Pero itong senaryo na ito ang hindi maalis-alis sa isip ko dahil na rin sa laki ng naging impact nito sa buhay ko.
Dalawang linggo pa lang nang lumipat kami sa bahay ng Lolo ko. Malayo ang binyahe namin, mas malayo pa sa mga malls na gusto kong galaan. Sabik na sabik akong lumabas noon pero nang sabihin ni Mama na dito na kami titira, natakot ako.
Ayoko dito sa lugar na 'to. Gusto ko nang umuwi. Gusto ko na uli sa bahay ni Papa.
Nakaupo ako sa harap ng bahay ng lolo ko, sa may kalye. Nasa labas ako dahil iyon ang gawain ko sa tuwing nakakarinig ng away. At sa kasalukuyan, nag-aaway si Mama at si Lolo.
Alam kong paiyak na ako. Nagbabanta nang kumawala ng mga luha sa mata nang biglang makaramdam ako na may dumampi sa pisngi ko na malagkit.
"Bakit mo ko kiniss?!" pataray kong tanong kay Miguel. Punong-puno ng ice cream ang paligid ng bibig niya at nararamdaman ko ang lagkit no'n sa pisngi ko.
Ngumiti siya para ipakita ang ngipin niyang kulang ng isa sa harap. "Parang kailangan mo eh."
Noong panahon na 'yon, hindi ko pa alam kung gaano kalaking relief ng distraction na ginawa niya para sa 'kin. "Wag mo na uulitin. Ayaw ko ng kiss sa matabang katulad mo! Baka madapuan ako ng sakit!"
Imbis na mapikon ay tumuloy lang siya sa pagkain ng ice cream niya. "Gusto mo?"
At sino namang bata ang hindi makakatiis sa ice cream? "Chocolate?"
Tumango siya. "Hmm-hmm! Doon si mamang sorbetero oh!" Habang tinuturo niya iyon ay tumatakbo na siya papunta rito. Malamang para bumili pa ng isang ice cream kasi paubos na yung kinakain niya.
Bumili siya ng isa pang ice cream pero nagulat ako nang ibibigay niya iyon sa akin.
Namalagi kami sa harap ng bahay nila at naglaro ng tex dahil iyon lang ang laruan na meron sina Miguel. Simula nang mapadpad kami rito, lagi akong hahanapin ni Mama at sa bahay lang nina Miguel makikita. 'Di rin naman kasi ito malayo. Nasa tabi lang ng bahay ng Lolo ko.
Napatagal ang pakikipaglaro ko kay Miguel, umabot nang ang pagdilim ng langit. Nagsisimula nang maghanda ng hapunan ang nanay nila sa kusina. Nakaupo ang tatay nila sa harap ng TV at hawak ang bunso nilang kapatid. Ang isa pa niyang kapatid na si Ezekiel ay nagliligpit na ng kalaruan nila.
"Oh, Hannah, kumain ka muna," aya ng mama ni Miguel.
Hindi ako umiimik. Madalas kapag ganito na sila at naghahapunan, sinusundo na ako ni Mama.
Hindi nagsasara ng pintuan ang pamilya nila at kitang-kita mo ang labas. Nakakita ako ng isang pigura roon at inisip kaagad na si Mama iyon, pauuwiin na ako. Nagpaalam na ako kay Miguel at sinuot ang tsinelas ko sa labas. Pagkaangat ng ulo ko ay nakita kong maigi ang tao.
Agad na puminta ang kasiyahan sa mukha ko. "Papa!" bati ko sa kanya habang tumatakbo sa naghihintay niyang yakap. Pinulupot ko agad ang kamay ko sa leeg niya at binuhat niya ko, pinipisil sa kanyang yakap. "Susunduin mo na ba kami Papa? Uuwi na ba tayo?"
"Oo anak," ang sagot niya.
Nakita kong naglalakad palapit si Mama sa amin pero napatigil siya. Agad-agad na namuo ang luha sa mata niya. Sa mga mata niya nakapinta hindi ang kasiyahan na inaasahan ko dahil sinusundo na kami kundi takot.
Wala pa akong ideya na iyon pala ang simula ng lahat.
"Mama!" masayang tawag ko, malikot sa bisig ni Papa.
Nang marinig ang pagtawag ko ay ibinaba ako ni Papa. Iniangat ko ang ulo ko nang marinig ang susunod niyang sinabi sa akin pero nakatingin siya kay Mama. "Uuwi tayo. At sisiguruhin kong hindi na kayo makakaalis pa."
Narinig kong humikbi ang Mama ko. Bakit siya umiiyak? Uuwi na kami, magkakasama na kaming tatlo.
Dapat kaming maging masaya at kumpleto kami diba?
Minsan kaming naging masaya. Kung alam ko lang na magbabago ang lahat, binote ko sana lahat ng tawa, lahat ng halik, lahat ng ngiti. Pero sino ba namang bata ang iisiping may hangganan ang mga araw na iyon? Siguradong hindi ako.
Dahil ang mga nangyari pagkatapos ng araw na 'yon?
Impyerno.
BINABASA MO ANG
The Sweetest Escape
Narrativa generaleIsang libong piso, anim na pares ng damit, makeup kit, isang toothbrush, at cellphone na walang load lang ang nagawang bitbitin ni Hannah nang tumakas siya sa bahay niya. Anim na taon matapos ang pagkamatay ng kanyang ina, naisip niya na it's enough...