Thirty-six

4K 141 6
                                    

Migs

Ang tanga tanga tanga ko.

Ako na ang pinakatangang lalaki sa balat ng lupa. Mas tanga pa kesa sa lalaking nagpaloko sa girlfriend niya.

'Di ko dapat pinagsabihan ng ganoon si Hannah. Hindi siya tulad ng ibang mga babae na palalampasin at patatawarin ang sinabi ko kapag humingi ako ng tawad. Siya yung tipo ng babae na kapag nasira mo ang tiwala niya sayo, wala ka nang pag-asa. Mahirap sa kanya ang gawin iyon kaya walang three strikes and you're out sa kanya. Isa lang at iyon na. Game over.

Ang tanga ko talaga.

Kung ganito lang ka-straight ang pag-iisip ko kagabi, maayos na dapat kami. Dapat pinalipas ko muna yung galit naming dalawa. Dapat pinatulog ko muna siya. Kaso pinagpilitan ko pa.

Noong nabitawan ko ang mga salita, gusto kong bawiin ang mga iyon. Pero noong nakita ko siyang nakatalikod sa akin, nasaktan uli ako.

Mas gugustuhin ko na ako na lang ang masaktan kesa sa kanya.

Umupo si Kiel sa harap ko at nakatingin sa akin na tila gusto niyang mangsermon. Parang siya tuloy ang mas nakatatanda. Nagalit siya kagabi noong muntik ko nang inumin yung alak na natira ng mga manginginom sa labas ng bahay. Wala na akong kontrol sa sarili ko.

"Kiel, sabihin mo nga sa akin na ang tanga ko," utos ko.

Sumandal siya pero nanatiling nakadirekta ang titig sa akin. "Wala nang mas tatanga pa sa'yo."

Hindi noon naalis ang pagkabahala sa dibdib ko pero kahit papaano, nabawasan ito.

Saktong pumasok ang Itay nang magsalita si Kiel. Nagpabalik-balik ang tingin niya sa amin. Napansin kong gusto niyang magtanong ngunit nakapag-isip-isip nang mabuti at dumiretso sa kwarto niya.

Malungkot namin siyang pinanood ng kapatid ko.

Si Kiel ang unang natauhan sa aming dalawa. "Hindi ko alam ang buong kwento niyo ni Hannah, Kuya—”

“Ezekiel, iwan mo muna kami ng Kuya mo.”

Sabay kaming napalingon patungo sa kwarto ni Itay. Alam kong pareho kaming gulat sa ginawa niya. Out-of-character kasi. Kaso hindi rin. Yung tono ng pananalita niya ay ngayon ko lang uli narinig mula noong namatay ang Inay. Commanding, at higit sa lahat, matatag. Magkaboses kami ng Itay, kung tutuusin. Kaya pala dati madalas akong napagkakamalan ni AJ na tatay niya.

Sumunod si Kiel sa Itay. Bago siya umalis ay nag-aalala siyang tumigin sa akin. Tumango ako para sabihing ayos lang ako saka siya lumabas.

Doon umupo ang Itay sa binakanteng upuan. Sa sahig siya nakatingin habang nagsasalita. “Mekaniko ako pero hindi ko nagawang ayusin ang kotse ng Inay mo bago siya umalis ng bahay.”

Napapikit ako. Pagkatapos ng maraming taon, ngayon niya lang sinabi ang hinanakit niya.

“Noong nawala siya, nawala na rin ako. Siya ang taong laging gumagabay sa akin pero iniwan niya ako. Wala akong ibang masisi kundi ang sarili ko.”

“Wala kayong kasalanan, Tay.”

“Meron. Pinabayaan ko kayong tatlo. Nagising na lang ako isang araw, anlalaki niyo na at may ginagawang maganda sa buhay ninyo. Hindi ko kayo nasubaybayan. Hindi ko kayo naprotektahan. Kahit ngayon inaamin kong hindi ko pa kaya. Ewan ko kung makakaya ko pa. Kaya pasensya na, Miguel. Inaamin kong hindi ako mabuting ama pero hayaan mo akong gampanan ang tungkulin ko sa’yo kahit isang beses lang. Yung mga kapatid mo mayroong malalapitan, nariyan ka. Pero ikaw, sino ang makikinig sa’yo?”

Bago ko namalayan, kinukwento ko na sa Itay ang istorya ni Hannah. Alam kong hindi ito akin para ipaalam sa iba pero alam ko ring sa Itay ko lang maipagkakatiwala na itago ang sikretong ito. Yung malungkot niyang mukha ay mas lalong lumungkot. Minsan mahuhuli ko siyang napapangiwi, nasasaktan para kay Hannah. Nabanggit ko ang mga huling tagpo kaya sa akin naman niya idinirekta ang malungkot niyang tingin.

“Nahiya’t nasaktan ako sa naging reaksyon ko. Tapos nagalit ako. Kaya umalis ako.”

Tumango ang Itay. “May mga ganap na tumatanim sa isip ng tao. Lalo na yung mga masasakit. Merong mga hindi na naghihilom, kagaya ng alam kong akin. Kaya ako lumayo sa inyo kasi ayaw kong hilahin kayo pababa. Iyon siguro ang naramdaman niya kaya siya lumayo. Ngunit, ‘di ka pa ba natuto sa akin, anak? Habang pinapatagal mong malayo sa’yo yung tao, mas mahirap na hilahim pabalik. Huwag mong hayaang mangyari sa inyo ‘yon ni Hannah.

“Maswerte siya dahil mayroon pang magliligtas sa kanya. Maging mas matapang ka dahil sobra na ang mga pinagdaanan ng batang iyon. Kapag natulad pa siya sa akin, wala nang balikan. Tandaan mo iyon.” Tumayo siya at pinisil ang balikat ko. Nagtungo siya para bumalik sa kwarto niya.

“Hindi naman kayo nag-iisa, Itay. Maililigtas pa naman namin kayo ‘di ba?” Pakiramdam ko bata ako habang tinatanong iyon sa kanya. Gusto kong gawin ang lahat ng makakaya ko para hindi siya tuluyang mabihag ng kalungkutan niya.

Nagkibit-balikat siya at ipinag-walang bahala ang tanong ko. “Alam mo ba kung anong pinakapinagsisisihan ko sa pagkawala ng Inay mo?”

Tahimik kong hinintay ang sagot.

“Magkagalit kami noong umalis siya. Hindi ko naisantabi yung galit para sabihin sa kanyang mag-ingat at mahal ko siya. Na hihintayin ko ang pagbabalik niya. ‘Wag mong gayahin yung mga pagkakamali ko.” Bagsak ang mga balikat ng Itay nang matapos. Nakita kong napakalaking pagsisikap ang ginawa niya para kausapin ako kaya naman malaki ang pasasalamat ko roon. “At Miguel?”

“Ho?”

“Mahal ka niya. Maniwala ka sa sinasabi ko. Hindi mo makikita agad-agad pero sinasabi ng mga mata niya ang totoo.”

Iniwan ako ni Itay pagkatapos ng mga salitang iyon. Wala na akong inaksayang panahon sa pag-iisip pa sa mga sinabi niya. Hinablot ko ang susi ng motor at nagmamadaling lumabas.

Nakasalubong ko si Kiel. “Saan ka pupunta?”

Humarap ako sa kanya at naglakad patalikod. “Kay Hannah. Sasabihin ko pa sa kanya na mahal ko siya.”

Napangiwi siya. “Ang cheesy mo Kuya. Nakakahiya ka sa lahat ng mga kalalakihan. Umalis ka na nga lang!”

Tumatawa akong lumayo sa kanya. Hindi ko mapigilan. Gumaan ang pakiramdam ko at gusto kong ipagkalat sa lahat ng mga makakasalubong ko ang nararamdaman ko para maramdaman nila kung gaano ako napuno ng hope sa sinabi ng Itay. Totoo nga kaya? Isa lang ang paraan para malaman.

“Kuya,” pahabol ni Kiel.

Nilingon ko siya.

“Alam kong hindi niya pinapadali para sa’yo na mahalin mo siya, but that’s when it’s most important that you do it anyway.”

“Sino nang nakakahiya sa atin ngayon?”

Inismiran ako ng kapatid ko. May kinuha siya sa likod ng bulsa niya at hinagis sa akin. Pagkatingin ko sa harap ng libro, nakita kong may litrato ng lalaking walang suot na pang-itaas at nagfe-flex ng mucles para maganda ang shot ng cover. “Nakuha ko diyan. Para madaling makakuha ng chicks. Matuto ka.”

“Kay Cess ba ‘to?”

Nagpa-inosenteng hitsura siya. “Nakita ko sa talyer. Baka kay Rica.”

Umiling na lang ako sa kalokohan niya. Balang-araw magma-mature rin ang kapatid ko at kapag may babaeng nakakuha ng atensyon niya, siya naman ang pagtatawanan ko.

Sa ngayon, magpopokus muna ako sa babaeng nakakuha ng atensyon at ng puso ko. 

The Sweetest EscapeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon