act seven: sending letters

3 1 0
                                    

[ elena ; 1848 ]

bumuntong-hininga ako. ang sabi ng matatanda'y sa ganoong paraan, gagaan ang pakiramdam mo. ngunit sa bawat malalim na paghugot ko ng aking hininga'y lalong bumibigat ang pakiramdam ko sa aking dibdib. nararamdaman ko ang pamilyar na kirot. ang pamilyar na sakit.

luminga ako sa kalendaryo sa aking silid. gaano ko na nga ba katagal binibilang ang mga araw na hindi kami nag-uusap ni carlos? simula noong nagkaroon kami ng hindi pagkakaunawaan ay hindi na niya ako kinausap. hindi ko rin naman magawang lumabas ng bahay dahil sa takot na baka mapahiya lang ako sa kaniya. wala akong mukhang maiharap kay carlos. nakakahiyang isipin na hindi ko inisip kung gaano kahirap ang kaniyang pinagdaraanan dahil masyado akong nasanay sa buhay na mayroon ako.

walang gabing hindi ko siya inisip. walang araw na hindi siya sumagi sa isip ko. kung ano bang ginagawa niya ngayon, kung maayos ba ang kaniyang kalagayan, o ano. hindi ko maiwasang mag-alala para sa kaniya. ngunit sa mga panahong wala akong ibang iniisip kundi siya, naiisip kaya niya ako? sumasagi ba sa kaniyang isip na subukan akong kausapin o sulatan?

ang huling ideya na naisip ko ay malayong mangyari kaya naman hindi ko na ito inisip pa.
nitong mga nakaraang buwan din ay siniguro ni nanay na ang pokus ko ay sa aming negosyo at hindi sa ibang bagay. siniguro niyang hindi ako lalabas ng bahay kung hindi naman sa plantasyon ang patutunguhan ko. sa loob ng mahigit-kumulang na limang buwan ay pawang sa bahay at sa plantasyon lamang umikot ang buhay ko. kaya naman hindi ko magawang sumulat man lang kahit isang liham para kay carlos.

sinabi na rin sa akin ni nanay na hinahanda niya ako sa darating na kaarawan ng isang importanteng tao na malapit sa aming pamilya.
"sino po ba ang tinutukoy mo, nanay?" takang tanong ko sa kaniya.

mukhang hindi siya makapaniwala sa naging katanungan ko sapagkat tinignan niya ako nang may mapanghusgang tingin.
"sino pa ba, elena? e 'di ang anak ni juan divinacion, si clara divinacion. selebrasyon ito para sa kaniyang ika-dalawampu't isang kaarawan. alam mong malaki ang utang na loob natin kay juan dahil siya ang unang-unang tumulong sa iyong ama noong nagsisimula pa lamang siya sa kaniyang plantasyon. kaya naman imbitado ka sa kaniyang magarang kaarawan,"

si clara divinacion, anak ng mayamang kapitan sa kabilang bayan. nakatatanda siya sa akin ng halos dalawang taon lamang. kasing-edad ni carlos. kilala ko lamang siya sa mukha at sa pangalan ngunit hindi pa kami nagkakausap ni minsan. hindi ko rin naman siya nakikita dahil sa kabilang bayan sila naninirahan ng kaniyang pamilya. at nagkikita lamang kami tuwing may importanteng okasyon gaya ng kaarawan niya o ng kaarawan ko o ng iba pang okasyon. wala akong gaanong nalalaman patungkol sa kaniya ngunit ang alam ko'y malapit niyang kaibigan si saturnina guevarra, dahil na rin siguro sa ang pamilya nila'y nasa linya ng pulitika.

"ikinagagalak ko pong ako'y muling makakasama sa kaniyang kaarawan, nanay. matagal na rin po simula noong huli kaming nagkita at iyon ay noong bumisita po siya sa ating plantasyon. maaari ko po bang tanungin kung kayo ay sasama sa akin sa kaniyang kaarawan?"

pinaypayan ni nanay ang kaniyang sarili gamit ang hawak niyang abaniko.
"hindi kita masasamahan, elena, sapagkat aasikasuhin ko ang ating plantasyon. ako'y nagpaplano na magtanim ng panibagong prutas pagkatapos nating bilhin ang lupa na pagmamay-ari ni señor cristobal,"

napalunok ako.
"'nay, alam ko po kung gaano ang inyong pagnanais na mapabuti ang mga plantasyon natin ngunit ako ay nag-aalala para sa inyong kalusugan. sana'y magpahinga po kayo paminsan-minsan. ang iyong kalusugan ay mas mahalaga po para sa akin kaysa mga plantasyon natin," sabi ko kay nanay ngunit isang malalim na buntong-hininga lamang ang sinagot niya sa akin.

an ocean of tearsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon