act sixteen: painting heartaches

5 1 0
                                    

[ elena ; 1849 ]

hindi ako agad nakatakas mula kay nanay dahil bantay-sarado niya ang daan palabas ng mansion. nais kong pumunta ng plasa upang magpinta. ngunit hindi ako nakaalis sa oras dahil naroon si nanay sa may bintana malapit sa pintuan. nakadungaw siya sa bintana at pinagmamasdan ang kaniyang mga bulaklak na pinalalago niya na matatanaw sa hardin mula sa kinatatayuan niya.

kaya naman hindi ako mapakali sa aking silid. isang linggo bago ang kaarawan ni clara ay bigla akong ginanahan upang magpinta.

nakahanda na ang aking susuotin maging ang aking regalo para sa kaniya kaya naman wala na akong aalalahanin pa sa araw mismo ng kaniyang kaarawan. nakaayos na rin ang kasuotan ni carlos at mahigpit ang bilin kong ingatan niya ang kaniyang damit upang hindi ito malukot o marumihan. nabayaran ko na rin nang buo ang ipinagawa kong damit kay ginang corang.

pasilip-silip ako kay nanay, tinitignan ko kung nakabalik na siya sa kaniyang silid at mahimbing nang nagpapahinga.

nang makita kong natutulog na siya ay agad kong kinuha ang aking kagamitan at mabilis na umalis.

wala akong planong makipagkita kay carlos ngayon dahil nais kong magpinta nang hindi naaabala dahil sa hindi ako mapakali kapag nariyan sa tabi ko si carlos.

lalo na't siya ang ipipinta ko.

wala akong hawak na larawan o litrato niya at ang tanging basehan ko lamang ay kung ano ang nakikita ko sa kaniya.
kung ano ang natatandaan ko.
kung ano ang ipinapakita niya sa akin.

pumunta ako sa lugar sa plasa na hindi namin madalas puntahan dahil alam kong hindi niya ako makikita roon. wala rin gaanong tao kaya naman hindi ako gaanong pansinin. siniguro ko ring hindi agaw-atensyon ang aking kasuotan.

bigla kong naalala ang araw na nagpipinta ako at hinila ako palayo ni carlos upang kumain at magsaya. nangako ako sa kaniya na pagdating ng araw na alam ko sa sarili kong magaling na akong pintor ay siya naman ang ipipinta ko at siya ang magiging obra maestra ko.

ito na ang pagkakataon ko upang gawin 'yon; ipipinta ko siya kahit wala siya sa aking harapan, at tanging memorya ko lamang ang pagaganahin ko upang maipinta ko siya sa aking makakaya.

sinimulan ko muna ang aking obra sa pamamagitan ng magaan na pagguhit gamit ang lapis at ito ang magsisilbi kong gabay kapag nagsimula na akong magpinta. inisip ko kung anong magandang posisyon para kay carlos. nakatayo ba siya habang ang kaniyang kanang kamay ang hawak ang kaniyang sombrero at nakalapat sa kaniyang dibdib? dapat ba siyang nakaupo ng tuwid, nakatagilid ng bahagya habang deretso ang tingin? ano ang magandang kasuotan para sa kaniya? ano ang nababagay na damit sa kaniya? ano ang maaaring hitsura ng kaniyang kinatatayuan o kinauupuan?

lahat ng iyon ay tumatakbo sa aking isip habang gumuguhit ako. nais ko siyang magmukhang elegante habang kinukuha ang ideya na siya pa rin ang naroon at hindi ang pakiramdam na tila ibang tao siya. pagkatapos ng mabilis na pagguhit ay sinimulan ko nang kunin ang aking pintura at hinalo ko na ang mga angkop na kulay na gagamitin ko.

paminsan-minsan ay lalayo ako nang bahagya sa aking pinipinta, titigan ito nang maigi, at uusisaing maigi ang bawat sulok ang aking ginagawa upang makita kung may dapat ba akong idagdag, ibawas, o baguhin. pinapakiramdaman at palinga-linga rin ako sa aking paligid upang siguruhin na wala si carlos.

habang gumagawa ako ay napansin ko kung gaano kagaan ang aking ginagawa. na para bang kaysaya ko habang nagpipinta na matagal-tagal ko na ring hindi nararamdaman simula noong tumigil ako nang panandalian sa pagpipinta. siguro ito'y dahil sa may inspirasyon ako upang magpinta at masaya ako sa aking gustong gawin ngayon at hindi sapilitan ang nararamdaman ko.

may pagkakataon na may hihintong mga tao sa aking tabi upang silipin ang aking ginagawa at pupurihin ako sa aking angking talento na akin namang ipinagpapasalamat. kadalasan ay sila ang mga taong ni hindi nililingon ng mga mayayaman, ngunit narito sila ngayon at manghang-mangha sa aking obra. ang iba nga sa kanila at hindi makapaniwala sa aking tapang at lakas ng loob na magpinta sapagkat ako ay babae at batid nila kung gaano ang diskriminasyon laban sa mga babaeng nais magpinta.

may isang partikular na babae ang naglalakad at napahinto nang makita ang aking obra. tinitigan niya ito nang ilang sandali na tila ba inaalala sa kaniyang memorya kung sino ang lalakeng ipinipinta ko.
"may maitutulong ho ba ako?" magalang kong tanong sa sa dalagang hindi nalalayo ang edad sa akin. sa aking palagay ay matanda lamang siya nang ilang taon sa akin.

tinitigan niya ako at bumalik ang tingin niya sa aking gawa.
"pamilyar ang lalakeng ipinipinta mo," panimula niya.

doon ako kinabahan dahil baka kakilala siya ni carlos at baka ipagsabi niya na may babae sa plasa na ipinipinta ang kaniyang mukha nang hindi niya nalalaman. maaari ko namang itanggi iyon kapag nagtanong si carlos ngunit mas mabuti na ring itago ko muna itong sikreto sa kaniya hanggang sa matapos ko ito at maibigay sa kaniya.

"sino po ba ang tinutukoy niyo?" tanong ko.

"hmm, kamukha niya si carlos.. 'yong kakilala ko,"

mabilis kong itinanggi ang kaniyang sinabi nang hindi nagmumukhang tama ang kaniyang hinala kaya ko itinatanggi.
"a, paumanhin ngunit hindi ko kilala ang iyong tinutukoy. ipinipinta ko ang aking nakababatang kapatid," pagdadahilan ko sa kaniya. tinitigan niya pa ulit ang aking ipinipinta at saka tumango nang bahagya.

"paumanhin. akala ko'y ipinipinta mo ang kakilala ko," sambit niya bago umalis. doon ako nakahinga nang malalim. buong akala ko't mabibisto na akong ipinipinta ko si carlos.

itinuloy ko ang aking ginagawa dahil nais ko rin na matapos ngayong araw. ayaw ko nang magpabalik-balik pa rito sa plasa at gawin ang obra na 'to dahil hindi malayong madaan si carlos dito at siya na mismo ang makakakita sa mukha niya na ipinipinta ko kaya mas mabuting mag-ingat na lamang at tapusin ang aking gawa.

hindi ko namalayang halos patapos na ako sa aking gawa. kadalasan ay ilang araw ako inaabot para sa isang obra na ganito ka-detalyado ngunit sa pagkakataong ito at kaunting detalye na lamang ay tapos na ako.

pagkatapos kong hayaan na matuyo ang pintura ay maingat kong itinago ang aking obra sa loob ng aking lalagyan at mabilis na umalis at bumalik sa aking bahay. pumanhik ako sa aking kuwarto upang makita nang maayos ang ginawa ko at masasabi kong ito na yata ang pinakamaganda kong obra ng isang tao sa buong buhay nang aking pagpipinta.

ang bawat detalye ay kitang-kita at ang pagpili ko ng mga gagamitin kong kulay ay hindi masakit sa mata. seryoso ngunit maamo ang ekspresyon ni carlos, tuwid ang tindig gaya ng aking naisip. maayos ang pagkakagawa ko sa kaniyang damit, maging sa likurang senaryo niya.

sa likuran ng hawak kong lona ay isinulat ko ang aking buong pangalan kasama ang aking pirma at isang maikling kataga para kay carlos.




"mananatiling aking itinatangi."
elena victorina san miguel (mayo 1849)

an ocean of tearsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon