act thirteen: using you

3 1 0
                                    

[ elena ; 1849 ]

halos apat na linggo na ang lumilipas simula noong huling pumunta ako ng plasa.
pinili kong magkulong sa bahay sa kadahilanang nais kong magpahinga sa lahat-lahat ng nararamdaman ko nitong mga nakaraan. sobrang gulong-gulo na ako at hindi ko na alam kung ano pa ang dapat kong isipin o gawin.

nais kong makita si carlos ngunit mas nanaig sa akin ang desisyon na ayaw ko muna siyang masilayan. hindi dahil sa galit ako sa kaniya o masama ang loob ko sa kaniya. sadyang naguguluhan na lamang ako sa mga nararamdaman ko at ayaw ko nang lumala pa ang kirot na nararamdaman ko sa aking dibdib. hirap na rin akong matulog sa gabi sa dami ng alalahanin at sakit na pinipilit kong huwag na lamang pansinin kaya naman unti-unti nang naiipon lahat hanggang sa halos malunod na ako.

tumingin ako sa kalendaryo na nakasabit sa pader ng aking silid. mayroon na lamang halos isang buwan na natitira bago ang kaarawan ni clara divinacion. nagbilin na sa akin si nanay na kailangan kong pumunta sa mananahi upang personal na magpatahi ng nais kong isuot sa kaniyang kaarawan.

bumuntong-hininga ako.
narinig kong kumatok si manette kaya naman pinapasok ko na siya.
"nakahain na ang iyong pagkain, binibini," sabi niya kasabay ng pagyuko. tumango ako kaya naman kaagad din siyang umalis.

humarap ako sa salamin. inayos ko ang mukha ko maging ang aking kasuotan. ayaw kong may mapupuna pa si nanay sa akin dahil pakiramdam ko, hindi ko kayang makarinig ng kahit anong pamumuna ngayon. baka sumabog lang ako sa pagod ko sa lahat.

habang kumakain ng tanghalian ay hindi ko maiwasang mapaisip. halos maghapon pala akong walang gagawin. hindi ako makapaniwalang masasabi ko ito ngunit nakakapagod sa pakiramdam na wala akong ginagawa. marahil ay dala ng pagkakasakal at pagod ko sa tahanang ito kaya ako nakakaramdam ng ganito. nais ko na lamang umalis at magpakalayo-layo. nais kong may gawin ngunit hindi ko alam kung ano. wala naman akong ganang pumunta ng plasa. wala akong ganang magpinta. wala akong ganang makita si carlos.

hindi ko na alam kung saan ilulugar ang katawan ko.

tahimik kong tinapos ang aking pagkain at nauna nang bumalik sa aking silid. umupo ako sa aking kama at bumuntong-hininga. tila napakasikip ng aking kuwarto. kay liit sa pakiramdam. tila kay hirap huminga sa loob. hindi ko maipaliwanag kung bakit.

humiga ako, hindi inintindi na katatapos ko lang kumain. pinilit kong ipikit ang aking mga mata at ipahinga ang aking isip sa dami ng tumatakbong negatibong bagay doon.
hindi ko alam kung nakakailang buntong-hininga na ako. ipinayapa ko ang aking isip.

-

nagising ako nang bandang gabi na.
kahit nakatulog na ako'y pakiramdam ko, pagod na pagod pa rin ako. ang sakit sa katawan. bumangon ako mula sa kama at umupo sandali.
kung mananatili ako sa bahay na ito'y sigurado akong mawawala ako sa katinuan.

napagdesisyunan kong tumakas muli. pipilitin kong pumunta sa plasa. pipilitin kong kalimutan kahit panandalian ang nararamdaman kong bigat at lungkot. hindi bale nang hindi ko makita si carlos. hindi naman siya ang pakay ko. nais ko lamang makalimot kahit panandalian lamang.

dahan-dahan akong lumabas ng aking silid. sinilip ko kung natutulog na si nanay. nakita kong himbing na himbing na siya kaya naman hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon at dali-daling lumabas ng bahay. sa unang pagkakatao'y tumakas ako nang ako lamang mag-isa ng ganitong gabi na kaya naman may halong kaba ang bawat hakbang ko.

an ocean of tearsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon