act eighteen: finding the culprit

5 0 0
                                    

[ elena ; 1849 ]


tahimik ang mansyon gaya ng nakagawian ko. tanging ang mga huni ng ibon mula sa labas ng aking bintana ang naririnig ko

ngunit sa aking paglabas, tila mas tahimik ngayon sa pagkakataong ito. nakapagtataka. lumabas ako at nakita ko na naroon si nanay sa hapag-kainan, tahimik ang mga katulong. walang nagkikibuan. sa pagtalikod ni manette ay nakita niya ako at bahagya siyang yumuko bilang paggalang.
"magandang umaga, binibini," sambit niya at ako'y tumango lamang at umupo na malapit kay nanay.

"magandang umaga, nanay. ano ang nangyari at tila hindi maganda ang iyong gising?" takang tanong ko sa kaniya habang ang isang katulong ay inilalagay ang aking kakainin sa isang plato.

"hm, maaga akong nagising kanina. lumabas ako sandali upang nakipag-usap sa ating kapitbahay dahil binigyan niya ako ng panibagong bulaklak na nagmula pa sa espanya," panimula niya, "at ito ang nalaman ko tungkol sa ginanap na kaarawan ni clara noon lamang isang araw,"

kaarawan ni clara? ano ang nangyari? sa pagkakatanda ko'y pawang kasiyahan lamang ang nangyari noong gabing 'yon. walang naganap na hindi maganda sa pagitan ng mga bisita at ni clara mismo. walang pagtatalo, gulo, at kung ano pa mang hindi maganda na naganap.

"bakit po? ano ang nangyari? sa pagkakatanda ko'y naging maayos ang takbo ng buong gabi na naroon kami sa kaniyang kaarawan,"

"mukhang hindi lahat ay nakakaalam ngunit sa pakiwari ko'y ngayong araw iingay nang husto ang kaniyang buong pamilya. hindi nila palalampasin ang nangyaring ito. dahil kahapon nang umaga, pagkatapos ng lahat ng kasiyahan ay doon nalaman ni clara divinacion na may nakatakas mula sa paningin ng kaniyang mga guwardiya. walang kaalam-alam ang mga bisita at lalo na ang mga nakabantay na guwardiya sa palibot ng bulwagan nang gabing iyon. isa sa mga bisita ang nakatakas at nakarating sa kuwarto ng dalaga upang nakawin ang mga pinakamamahal niyang alahas sa tokador niya. nakuha ng magnanakaw ang kaniyang mga kwintas, hikaw, at maging ang kaniyang mga singsing,"

nanghina ang aking tuhod at kalamnan sa kuwento ni nanay. wala akong kaalam-alam na nangyayari na pala ang lahat ng iyon habang nagkakasiyahan ang lahat. ang nakapagtataka'y paano nakatakas sa paningin ng guwardiya ang bisita na tinutukoy na nagnakaw ng kaniyang mga alahas. mahigpit ang kanilang pagbabantay. kaya gaano sila nakasisiguro na mula sa loob ang nagnakaw? maaaring galing ito sa labas at nakasampa sa bintana ni clara at kinuha na ang lahat ng alahas niya. maaaring marami silang magkakasabwat at pinagtulungang makuha ang kaniyang mga iniingatang alahas.

"ngunit paano po nila nasabing galing sa loob ang nagnakaw? maaari rin namang galing ang nagnakaw mula sa labas ng bulwagan," suhestiyon ko ngunit umiling lamang siya sa akin.

"ang isang katulong ang nakakita sa kaniya na mabilis ngunit tahimik na kumakaripas ng takbo sa halamanan. madilim ngunit sigurado raw ang katulong sa kaniyang nakita. sa kaniyang pagkakatanda'y matangkad ang lalake at moreno ang kaniyang kutis,"

napaisip ako.
sa higpit ng mga guwardiya at maging ng mga prayle, sigurado akong mahuhuli agad nila ang salarin. kaawa-awang si clara, sigurado akong nakakabigla para sa kaniya ang nangyaring ito. wala namang tao ang may gusto na manakawan ang kaniyang sarili kaya ang hiling ko, kahit na hindi kami malapit na magkaibigan ay mahanap na ang may gawa nito sa kaniya.

gaya ng nakagawian ay tumakas ako at tumungo sa plasa. hindi na nakakabigla na halos lahat ng tao'y ang nangyari kay clara ang pinag-uusapan. bawat lakad ko'y siya ang laman ng kanilang mga bibig. iba-iba ang kanilang bersiyon ng kuwento. sa iba'y nahanap na raw ang salarin, ang iba'y wala pa, sinadya niya raw iyon upang umani ng atensyon at simpatiya ng taumbayan, at maaaring mayroong may lihim na galit ang isa sa mga inimbitahan niyang lalake.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 05 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

an ocean of tearsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon