act ten: receiving invitations

3 1 0
                                    

[ elena ; 1848 ]



dala ang gamit ko sa loob ng maliit na bagahe, dahan-dahan kong tinahak ang pasilyo palabas ng mansyon.

sa pagkakataong ito'y marami akong ikukuwento kay carlos. kaya naman sabik ang aking damdamin ngayon. nais ko siyang makita.

mahigpit kong hinawakan ang maliit kong bagahe na naglalaman ng kagamitan ko sa pagpipinta at saka naglakad patungo sa bayan. maingat kong itinatago ang aking mukha sa takot na baka makilala ako ng ibang mga tao at isumbong ako kay nanay. ang nag-iisang dalagang anak ng mga san miguel ay mag-isang gumagala sa plasa na may dala-dalang gamit sa pagpipinta.

ilang oras na ang nakalipas nang umuwi sina crisostomo kaya naman sigurado akong hindi magtatagpo ang aming landas dito sa plasa. ngunit mabuti na rin ang nag-iingat kaya naman hangga't maaari ay yumuyuko, umiiwas ng tingin, at itinatago ko ang aking mukha.

habang naglalakad ay kakaiba ang pakiramdam ko. tila naninikip ang aking dibdib. parang sinasabi ng aking isip na huwag na lamang tumuloy sa hindi ko malamang dahilan. kani-kanina'y sabik na sabik ako upang magpinta at makita si carlos ngunit bakit ngayon ay nais nang umatras ng aking sarili?

naiinis ako. hindi ko mawari ang nais kong mangyari. nagkakagulo ang aking isip at hindi ako makapagdesisyon nang maayos. ni hindi ako makapag-isip nang maayos sa hindi ko malamang dahilan. pinilit kong huwag intindhin ngunit sadyang bumibigat ang pakiramdam ng aking balikat. bawat hakbang ko'y tila pilit na lamang.

nagpumilit ako. inisip ko na lamang na baka dahil ito sa mga pangyayari kanina. nang malapit na ako sa plasa'y narinig kong may tumatawag sa akin. paglingon ko, nakita ko si mawa at miwa na tumatakbo patungo sa akin. sa likuran ay naglalakad ang kanilang ina.
"mawa! miwa! dahan-dahan lamang sa pagtakbo!" sabi niya.

ang dalawa'y agad na yumakap sa akin kaya naman nakangiting binati ko sila.
"kumusta na kayong dalawa? kay tagal ko kayong hindi nakita!"

tumawa sila, nakatingin sa akin. kitang-kita ko ang kinang sa kanilang mga mata. ramdam ko kung gaano sila kasabik na makita ako at ganoon din naman ako sa kanila.
"ate elena!" pagtawag ulit nila sa akin kaya natawa ako.

nang makalapit na ang kanilang ina sa akin ay binati ko rin siya.
"magandang araw sa iyo, binibining elena," sabi niya at saka sinaway ang kaniyang dalawang anak, "mawa, miwa, umayos kayong dalawa,"

"kay saya nilang dalawa ngayon," komento ko. nagsimula na kaming muling maglakad patungong plasa.

ngumiti si gabriela, ang kanilang ina.
"sabik kasi silang makita ka, binibining elena," sabi niya at saka tumingin sa akin, "kumusta na po kayo, binibini? tayo'y ngayon na lamang nagkita sapagkat napakarami ng aking gawain at mahirap mag-alaga ng dalawang anak,"

"ako'y nasa mabuting kalagayan, gabriela. masaya rin akong makita ka ngayon. mukhang kayo'y patungo rin sa plasa?" tanong ko sa kaniya.

"oho, binibini. kailangan kong bumili ng aming makakain ngayon. nagpaalam sila sa akin na nais nilang maglaro sa plasa kaya naman pinagbigyan ko sila ngayon."

lumingon ako sa gawi ng mga bata na noo'y nauunang maglakad sa amin.
"ako man ay ngayon na lamang muling makabibisita sa plasa. matagal rin akong hindi gaanong lumabas ng aking tahanan," sagot ko.

"panigurado'y dahil ito sa inyong hanap-buhay, binibini. isa talaga itong indikasyon na tayo'y tumatanda na dahil nadaragdagan na nang nadaragdagan ang ating mga responsibilidad, sa loob ng tahanan man o hindi," sagot niya habang nakatingin sa mga anak niyang naglalaro.

an ocean of tearsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon