Di nalalayo sa bayang ito ang kuweba ng Taga-aran aran Kabunian, ang kuweba na hindi para sa mahihina ang loob, ang lugar na iilan lang ang nangangahas pumasok. Sa unang tanaw ay kaaya-aya ito pagmasdan, dalisay na tubig at talon ang matatanaw na pumapaikot rito na lalong nagpapaigaya sa kagandahang taglay ng kapaligiran. Ngunit ang mga nakikitang kagandahan ay pabalat lamang sa mga nagkukubling lihim na naroon sa kalooban nito. Ang alamat na nagpasalin-salin na at ayon sa mga kwento ng matatanda patungkol roon ay mabilis na kumalat sa mga kabayanan na malapit sa lugar na iyon. Sinasabi ng mga matatanda na may kakaiba raw sa loob nito, may liwanag silang nakikita sa kalooban nito tuwing sasapit ang kalagitnaan ng gabi. Liwanag na maningning sa gabing madilim. Walang makapagsabi kung ano ang naroon at kung ano ang mahiwagang liwanag sa kalooban nito sapagkat ang mga nagtangkang pumasok rito ay hindi na muli pang nakabalik.
Kung kaya't napagpasyahan ng mga kasapi ng Lumpon na magtipun-tipon at planuhin kung paano pasukin ang kuweba, marahil na rin sa udyok ng Lakan at ang pagnanasang malaman kung ano ang mahiwagang liwanag na naroon sa kalooban nito. Isa pa ay may nakapagsabing maaaring naroon ang hinahanap nilang sandata na tinatawag na isa sa balatungan.
Maaaring nagtagumpay sila sa pagkuha ng isa sa balatungan, ang tangan ni Tabun Tabuk ngunit hindi iyon naging madali sapagkat may suliranin silang dapat na maayos sa loob ng kanilang pangkat. Suliranin na maaaring makawasak at makapagpabagsak sa kanila.
"Nakakapagtaka namang naging magkakasapi ang mga ito sa iisang grupo. Tingnan mo ni hindi nga sila magkakasundo at unang tingin pa lang sa kanila parang mag-aaway away na" bulong ni Juanito kay Dante.
"Oo nga pare. Hindi nga sila nakikinig habang nagsasalita ang isa sa kanila. Paano kaya nila makukuha yung hinahanap nila?" bulong din ni Dante na napapailing.
Itinuon patusok ni Ulang Sinag ang kanyang tabak sa lupa at nagwika ng "Makinig kayo!"
Napatigil naman ang iba sa kung ano man ang kanilang ginagawa. Sa lakas ng boses at pagkakasabi niyon ni Ulang Sinag ay hindi maaaring hindi siya pansinin ng mga kasama.
"Ano ba iyon? Bakit kailangan mong sumigaw???" malakas din na boses ng nagtatanong na si Kalantinaw kasabay ang masamang titig kay Ulang Sinag. Hindi talaga magkasundo ang dalawang ito, lalo na't ang sagupaan nila noon ay nauwi sa tabla. Parang dalawang bulkan na anumang sandali ay sasabog kapag silang dalawa ay muling magkasagupa.
"Nais ko lamang maging malinaw ang lahat. Ang pithaya ng Lakan ay siyang dapat masunod, maging maayos ang ating pagkamit sa sandatang balatungan na ninanais" ang sagot naman nitong si Ulang Sinag na tumitig na rin ng may sama kay Kalantinaw. Napag-alaman nila na tapat talaga itong si Ulang SInag sa Lakan, na anumang sabihin niyon ay siya niyang susundin. Maaaring may pinagsamahan sila o kaya naman ay may malaki siyang utang na loob sa Lakan.
Ngunit hindi lahat ng kasapi ng Lumpon ay may tiwala o bilib sa pamumuno ng Lakan. Hindi lahat ay tinitingala siya bilang pinunong tunay o isang bayaning magiting at may dangal. Isa na roon ang babaylan na si Saniya. Pumagitna ang kilalang babaylan sa dalawang matikas na mandirigma at nagwika ng "Alam niyo hindi talaga ako sang-ayon sa inyong Lakan. May kung ano sa kanya na hindi ko mawari, animo'y isang pagpapanggap na may mithiing di natin layon"
"Anong ibig mong sabihin? Ginagalang kitang tunay bilang babaylan at sa kadahilanang ika'y nakakatanda sa akin, ngunit ang pagbintangan at pag-isipan ng di kanais-nais ang Lakan ay di ko mapapalampas. Nakalimutan niyo na po ba na ang Lakan ang bukas palad na nagpatuloy sa inyo sa aming bayan?" tuloy tuloy na may kaunting pagkairita ang tinig ni Ulang Sinag.
BINABASA MO ANG
Kampilan ni Bathala
AdventureSumagi man lang ba sa isipan mo o nangarap ka rin ba ng kagitingan na higit pa sa kung ano ka ngayon?. Nais mo bang maglakbay at liparin ang daigdig ng walang hanggang pakikipagsapalaran taglay ang nag-aalab na puso? Samahan si Juanito sa kanyang pa...