Ikalabing-walong Kabanata: Ang pagtitipon-tipon ng mga kasapi ng Lumpon

166 7 0
                                    

Matigas na mga paa nitong tikbalang ang nakaakmang tatapos sa kanya. Ang sipang napakatindi ay malapit ng tumama sa di makakilos na si Hangan. Buong lakas na ibinuhos ng tikbalang ang sipang nagngangalit na kahit sinong pangkaraniwang nilalang ay malalagutan ng hininga. Ngunit di pangkaraniwang nilalang itong si Hangan, ang kanyang karanasan sa mapapanganib na sitwasyon na kagaya nito ay isa lamang sa kanyang sandata upang makaalpas sa tiyak na kamatayan. 

Katatagan ng katawan at isipan ay isa lamang sa pagsasanay na kailangang matutunan sa Kali, ang sinaunang sining ng pakikipagdigma (martial arts) ng mga Pilipino na ang istilo ay karaniwang ginagamit sa sandata o talim. Ang mga mandirigmang gumagamit ng mga sandatang talim na ang kakayahan ay nasa mataas na antas ay bihasa sa mabilis, malakas, manibasib at nakakamatay na pag-atake (Sila Ulang Sinag at Kalantinaw ang magagandang halimbawa). Ang tulad naman ni Hangan na di gumagamit ng sandata ay hinasa ang kakayahan sa Kali sa pamamagitan ng pagdepensa, ang tinatawag ngayon na unarmed combat skill sa military. Tinuturo din dito ang disiplina, pagpapalakas ng katawan at isipan (mental toughness) at ang huli ay kung paano makikipaglaban sa katunggaling may sandata at kung paano gagamit ng countermoves. Maaaring limot na ang tunay na pamamaraan at ang ibang mga galaw nito sa makabagong panahon, ngunit hindi sa panahong ito na kung saan naging bihasa itong magiting na mandirigma.

Ang mga salamangkang nakakapagpahina ng isipan o ng moral sa pakikipaglaban ay di na bago para kay Hangan. Malaking tulong ang pagiging bihasa niya sa dalawang martial arts, ang Kali ay para sa depensa at ang Tai Chi Chu'an naman ay para sa pang opensa. Kung kaya't nalabanan niya ang epekto ng salamangka ng tikbalang na iyon at bumalik muli sa payapang pag-iisip. Nang tumama ang malakas na sipa ng galit na tikbalang sa kanyang dibdib ay sinabayan niya ito ng isang teknik. Ang teknik na sa paningin ng iba ay parang nagiging papel sa lambot ang inatake ng malakas na puwersa, ngunit ang tunay ay inililipat lamang niya ang malakas na puwersa sa ibang bahagi ng katawan o sa kanyang paligid. Ang kanyang ginawa ay inilipat niya ang puwersa sa kanyang kanang kamay at idinikit ito sa kalamnan (bandang tiyan) ng  galit na tikbalang, sabay pinakawalan niya ito na animo'y sumabog sa lakas at nakapagpatilapon sa malaking tikbalang. Iyon ay isa lamang sa teknik na natutunan niya sa kanyang guro (master) sa Tai Chi Chu'an. (Malalaman ang tawag at ang mas malalim na konsepto nito sa mga susunod na kabanata).

Namilipit sa sakit itong tikbalang sa lakas ng puwersa ng sipa niya na bumalik sa kanya. Mabilisan namang tumakbo si Hangan sa natumbang tikbalang at agad binunot ang gintong buhok nito sa likuran ng uluhan. Ayon sa alamat, kapag iyong nakuha ang gintong buhok ng tikbalang ay mapapaamo mo ito at susunod sa anumang iyong ipag-utos. Sa pagkakataong iyon ay napatunayan nilang tunay ang mga kwento ng mga matatanda tungkol sa alamat ng gintong buhok ng tikbalang. Nawala ang namumulang mga mata nitong nilalang at naging maamo ang tingin. Lumuhod ito sa kanya sa naghihintay ng kanyang utos.

"Ang husay mo talaga! Ako'y hanga sa iyong galing!" namamanghang wika nitong si Tabun Tabuk na kanina pa nanonood sa labang iyon na di man lang kumukurap.

"Salamat, isinabuhay ko lamang ang mga natutunan ko sa aking mga guro. Kung kaya't ako'y nagtagumpay" mapagkumbabang tugon naman nitong si Hangan.

"Ikaw ay tunay na napakahusay walang bahid ng pag-aalinlangan, ngunit sa susunod na may karapat-dapat na katunggali ay hayaan mong ako ang humarap at ipapamalas ko sayo ang aking galing at gilas. Hindi ako papadaig sa iyo" wika nitong si Tabun Tabuk na animo'y ayaw magpatalo sa pagalingan ng kakayahan sabay tawa ng malakas.

"Kung darating ang pagkakataong iyon... sa ngayon kailangan nating masagip ang magandang binibining ito na talaga namang kakaiba ang kasuotan kung ihahambing sa ibang mga kababaihan. Kakaiba ang kanyang kutis at kaputian na tila ba nanggaling pa siya sa ibang kalupaan" namumula-mula pang mukha nitong si Hangan na napansin naman ni Tabun Tabuk kung kaya't napangiti itong huli.

Kampilan ni BathalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon