Lumapag ang napakalaking ibon sa kinaroroonang di nalalayo sa kanila. Kahit sa kadiliman ng gabi ay mababanaag ang makukulay nitong mga pakpak. Lahat ay napatingala at natulala sa laki at lawak ng sakop nito. Bumaba naman ang tatlong nilalang mula sa naglalakihang pakpak nito na nakasayad sa lupa. Papalapit ang mga ito sa kanila na di malaman ang pakay.
Masakit ang katawan, di makagalaw at nanghihina na hindi makabangon si Juanito. Muling nawala ang liwanag na taglay ng tangang makapangyarihang tabak mula sa kanyang mga kamay. Ang kanyang paningin ay unti-unting nagdidilim kasabay ang pagpikit ng mga mata at tuluyang nawalan ng malay.
Pinapaikot ng mabilis ang "Sibat ni Mapulon" gamit ang dalawang kamay na humahawi sa kadilimang naroon. Si Tabun Tabuk na nagmula sa tribo ng mga "Kalinga" ang pinagpalang magtaglay ng isa sa mga balatungan. Ang kasuotan nito ay nakabahag na mas makulay ang pula at puting burda. Marami itong palamuti at tatu sa braso at dibdib na may iba't-ibang disenyo na maaaring nakuha nila sa mga nakikita nila sa paligid o maaaring bahagi na ito ng kanilang kultura. Masasabing nasa kabataan pa ito na punong-puno ng sigla at may masayahing pag-uugaling likas sa kanya. Naging kasapi ng Lumpon sapagkat mahusay sa paggamit ng sibat, ngunit sa kanyang kaanyuan at pagkilos ay masasabing di pa hinog ang asta at pananaw sa buhay. Siya ang kumakatawan sa tribo ng Kalinga, ang tribo sa Hilaga na masasabing may sariling pamayanan, kultura at wika. Kinatatakutan sila sa hilaga sapagkat marahas sa labanan at namumugot ng ulo. May ugnayan ang mga taga Seludong sa mga Kalinga sa paraan ng kalakalan kaya't sila'y magkasundo at may kasunduang pangkapayapaan.
Nagkatinginan sila ni Ulang Sinag, nakatitig ang kanilang mga mata ng may angas at sama na nagpapahiwatig na hindi sila magkasundo at maaaring may kumpetisyon din sa pagitan nilang dalawa. Kumpetisyon kung sino ang mas mahusay, magaling at malakas.
Mabilis namang lumapit si Saniya kay Juanito na napapaligiran ng kanyang mga kaibigan at binibigyan ng pang-unang lunas ni Jane. Ang kaanyuan nito ay masasabing nasa mahigit na apatnapung taong gulang na. Nakabihis puti ito na mistulang Saya at mayroong balabal sa ulo. Napakalinis tingnan ng suot nitong puting Saya na animo'y kakalaba pa lang. Nanggaling pa sa katimugan na sinasabing nagmula pa sa tribo ng mga Cuyunon. Ngunit di talaga matukoy kung saang tribo siya nabibilang sapagkat palipat-lipat at marami ng napuntahang mga lugar. Siya ay pinapatawag upang manggamot ng mga may sakit, maging gabay at alamin o lunasan ang kakaibang mga pangyayaring dulot ng diwang (spiritual) sakit o ang mga di maipaliwanag na mga pangyayaring dulot ng spiritual sa kapaligiran. Siya ay isa lamang sa mga Babaylan na nagmula sa katimugan, ngunit tinatawag siyang isa sa pinakamahusay na Babaylan sapagkat marami na siyang nalunasan hindi lamang ng pisikal na sakit kundi pati ang diwa at pag-iisip. Sinasabing nakakausap daw nito ang mga Panginoon at nabiyayaan ng mga kapangyarihang di maipaliwanag. Iginagalang silang mga Babaylan sa bawat lugar na kanilang mapuntahan kahit ng mga pinuno ng mga tribo. Nang mapadpad sa Seludong ay namanghang lubusan ang Lakan pati na rin ang mga mamamayan na naroon dahil sa kanyang angking kakayahan sa panggagamot at kaalaman sa diwa. Kaya naman ay nakabilang siya sa Lumpon ang samahang itinalaga ng Lakan.
Napatingin ito kay Ingkong Dunong at pagkatapos ay yumuko na parang sumasamba at nagbigay galang. Pagkatapos niyon ay walang alinlangan nitong nilapitan si Juanito at hinawakan ang tiyan.
"Teka, ano pong ginagawa niyo?" pagtataka ni Jane na naluluha-luha pa sa sinapit ng kanyang kuya.
"Shhh!...maraming bagay siyang pagkukulang at masasabing wala pa sa hubog ang kakayahan. Ngunit di maipagkakailang siya ay may angking kagalingan din" ang sabi naman ng Babaylan habang pinapaikot ang kanyang mga kamay sa tiyan na bahagi ni Juanito. Pumikit ito at nagsimulang magdasal gamit ang kakaibang wika.
BINABASA MO ANG
Kampilan ni Bathala
AventuraSumagi man lang ba sa isipan mo o nangarap ka rin ba ng kagitingan na higit pa sa kung ano ka ngayon?. Nais mo bang maglakbay at liparin ang daigdig ng walang hanggang pakikipagsapalaran taglay ang nag-aalab na puso? Samahan si Juanito sa kanyang pa...