Ika-21 Kabanata: Mga Kwento ni Ingkong Dunong - I

179 4 1
                                    

"Ahmmm! nag-iikot lang po kami.... grabe ang ganda po pala talaga ng tanawin dito. Diba pareng Dante?" sabi ni Juanito na may halong pagpapalusot at bahagyang siniko si Dante sa kamay.

"O—Oo! tama po...ganda po talaga" pasegunda ni Dante na nakangiting pilit.

"Napakaganda po talaga dito, walang katulad. Mababangong bulaklak, sariwang hangin, malinis na kapaligiran at magagandang mga baba-e..este mga puno at halaman" pahabol pa na sabi ni Dante na napasobra naman.

"Tunay ngang napakaganda ng mga tanawin...tunay nga bang iyon ang inyong tinatanaw o ang mga dilag na naroon kasama ang aking anak?" tanong ni Saniya na hinuhuli sila.

"Uhmm! Pa-parehas po. Parehas pong maganda" ang nasabi na lamang ni Juanito.

"Alin ang maganda, ang mga tanawin o ang mga dilag?" tanong ulit ni Saniya na naghihintay ng sagot nila at nakatitig ng lubusan ang mga mata nito sa kanila.

Napalunok naman silang apat sa tanong na iyon ni Saniya na parang nangsisindak. Kinabahan pa sila lalo, lalung-lalo na si Juanito.

"Tu—tulad po ng sabi ko parehas pong maganda. Humahanga lang po kami sa magandang tanawin at sa ka—kanila po" tugon ni Juanito na kinakabahan.

"Tandaan niyo mga ginoo, kung nais niyong suyuin ang aking anak, marapat na makuha niyo muna ang aking loob. Sa akin muna kayo daraan bago sa aking kaisa-isang dalaga" ang sunod na sinabi ni Saniya na mas higit na pinaparating ang sinabi kay Juanito.

Bago pa man sila makasagot ay tinawag ang kanilang pansin ni Amayara na kanina pa pala nakatingin sa kanila sa di kalayuan. "Mga kaibigan mula sa ibang mundo, Hali-kayo rito" malakas na pagtawag nito sa kanila habang kumakaway.

Dahan-dahan silang lumapit sa kinaroroonan ni Amayara na kinakabahan sapagkat alam nilang nakatingin pa rin sa likod nila si Saniya. Masama ang tingin nito sa kanila at pinagmamasdan maigi ang kanilang mga galaw.

Malugod silang binati ni Amayara na matamis ang mga ngiti, kasama niya ang dalawang babaeng Ibaloi na naroon na nakangiti rin sa kanila. Ang dalawang Ibaloi na ito ay marikit ngunit mahiyain, kayumangging kulay nila'y kaaya-aya pagmasdan lalo na't nasisinagan ng haring araw. Nakagayak sila ng kasuotang may iba't-ibang disenyo na makapal ang tela. May nakaputong sa kanilang ulo na manipis na telang saklob na proteksyon para rito. Maaaring nanggaling sila sa malamig at mataas na bahagi ng kabundukan (Baguio).

Sa kabilang banda naman ng unang kita palang nila ng malapitan kay Amayara ay kapansin-pansin agad ang kagandahan nito, maihahambing sa isang diwatang tagapagbantay ng malaking puno ng mangga na naroon—habang ang malalaking hitik na mga bunga ay kasing tamis ng mga ngiti ng dalaga. Ang malagong mga dahon naman nito ay pinapagalaw ng hangin na napapayuko sa kagandahang nasa harapan nito, animo'y sumasamba sa diwatang kanyang sinisinta.

"Ikinagagalak ko muli kayong makita mga kaibigan, ano ang inyong sadya dito?" masayang tinig ng magandang binibini na nakangiti pa rin sa kanila.

"Ahh, eh! kasi gusto lang din namin makita ang kagandahan ng lugar na ito" mabilis na sagot ni Juanito na di mapigilan ang ngumiti lalo na't nasilayan ang matamis na ngiti ni Amayara.

"Kung gayon, hali-kayo at kami'y saluhan sa pagmamasid sa magagandang tanawin. Marami kayong matatanaw sa banda rito na talaga namang kaaya-aya" tugon ni Amayara na itinuturo ang mga tanawin na makikita sa ibaba ng mataas na bahagi na iyon ng Talampas.

"Huwag niyo akong kalimutan isama" sabat naman ni Saniya na pinagmamasdan pa rin ang mga magkakaibigan... Kinabahan na may halong pagkailang sila sa tinig na iyon ng Babaylan.

"Ayaw na nimo pagkuyog ba" sabi ni Amayara sa salitang buhat pa sa katimugan na kanilang pinagmulan. Ngunit di naawat ang inang nag-aalala sa kanyang anak na dalaga, lalo na't naroon ang magkakabarkadang nanggaling pa sa kabilang mundo.

Kampilan ni BathalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon