Ang Simula

517 11 2
                                    

* Ang simula ng Sanlibutan at ng Santinakpan na binuo ng Bathalang Maykapal *

Walang hangganan ang lawak ng "Sanlibutan" na nakukulapulan ng karimlan. May isang makapangyarihang Maykapal na tinatawag na Bathala o Bathalang Maykapal. Nag-iisa lamang ito at walang katulad saan mang lakhan (dimensyon). Ang Bathalang Maykapal ay nagtataglay ng di masukat na lakas, di nauubos na enerhiya at kakayahang bumuo at magwakas ng mga bagay o buhay. Ang talino't dunong ay walang patid na kasing lawak ng sanlibutan. Hindi malaman ang anyo nito dahil sa tindi ng liwanag na bumabalot dito. Nilikha niya ang araw at ang buwan sa isang bahagi ng Sanlibutan upang bigyang liwanag ang walang katapusang kadiliman nito.

Sa kabila ng pagiging makapangyarihan ay labis-labis ang kalungkutan at pagkabagot nito. Patuloy-tuloy ang paglalakbay sa walang hangganang Sanlibutan upang makahanap ng ibang nilalang na maaaring maging kaibigan o katunggali. Ngunit bigo ito sa napakahabang panahon (maaaring libo o milyong taon). Naisip niyang bumuo ng isang mundo na malapit sa ginawa niyang araw at buwan. Tinawag niya itong "Santinakpan", ngunit ng kanya itong nabuo ay wala (blanko) ito maihahambing sa isang sisidlan na walang laman, kaya't nangarap siyang bumuo ng iba pang mga nilalang ngunit sa labis na katamlayan at kawalan ng Santinakpan ay di niya maisip kung anong mga nilalang ang kanyang ihuhubog.

"Ako lang ba talaga ang nag-iisang nilalang sa walang hanggang lawak ng Sanlibutan na ito?" tinig na nagmumula sa kanyang kalooban.

"Hindi ko na talaga matiis ang kalungkutang kumukubli sa aking kalooban. Paano ko ba maiibsan ito?" Bigla na lamang may lumiwanag sa napakalayong bahagi ng walang hanggang Sanlibutan. Ang layo nito ay di masukat ngunit sa isang kisapmata ay narating ito ng Bathalang Maykapal.

Napakalaking nilalang na ang anyo ay parang sa isang ahas at mayroong matatalim na ngipin. Mababangis at matatapang ang tingin ng mga mata na parang hindi umuurong sa laban. Napakahaba nito na halos sakop na ang kaulapang tahanan nito. Kapansin-pansin ang kalungkutan at katamlayan sa lugar na ito na tila may hinahanap rin ang nilalang na ito. Nabigla ito sa nasaksikan na may iba pa palang nilalang na makapangyarihan katulad nya.

"Matagal din akong naglakbay sa walang hangganan ngunit di ko batid na may iba pang nilalang bukod sa akin. Sabihin mo ano ang iyong pangalan?" tanong ni Bathalang Maykapal.

Nanlilisik ang mga mata at nakalabas ang mga ngipin na animo'y handang lumaban. "Ako ang marapat na magtanong, isang hangal. Nandirito ka sa kaulapang aking tahanan" malakas at nagngangalit na tinig nito. Nabalot ng dagitab ang kabuuan nito at akma nang makikipagtunggali. "Nadarama ko na may kakaiba kang taglay na lakas, kapangyarihang di masukat, kaya't hinahamon kita sa isang tunggalian". Ito ang tunggaliang magpapasya kung sino ang nararapat mamuno sa Sanlibutan. Napangiti lamang ang Bathala at malugod na tinanggap ang isang hamon.

Dumagundong ang nagngangalit na mga kidlat at dagitab. Nawasak ang karamihan sa mga lakhan (dimensiyon) ng Sanlibutan, pati ang oras ay nababago na di na matukoy ang panahon. Walang kasing tindi ang labanan na kung mayroon mang mababang nilalang na pumagitna ay mapupugnaw na lamang sa isang iglap.

Makalipas ang apatnapung libong taon (4 araw lang para sa kanila) ay nagapi ni Bathala ang isang napakalakas at mabangis na nilalang. Bago ito tuluyang matalo ay winika nito ang katagang "Ako na si "Ulilang Kaluluwa" ay walang katapusan at ako'y magpakailanman". Ang mga labi nito ay kanyang dinala sa Santinakpan at saka sinunog (maliban lamang sa ulo) sa kalupaang kanyang nilikha.

Pagkalipas ng apatnapung libong taon (4 araw ulit) ay may dumating sa Santinakpan na isa na namang makapangyarihang nilalang na tinatawag na "Galang Kaluluwa". Napakalaki nito na may makukulay na pakpak at ang kaanyuan ay kawangis ng sa tao. Walang katulad ang talino't dunong nito na higit pa kay Bathala. Alam ang lahat ng pangyayari sa Sanlibutan pati ang pakikipagtunggali ni Bathala kay "Ulilang Kaluluwa" sapagkat kasabay nito ang simula ng Sanlibutan. Malugod na tinanggap ni Bathala ang isang bisita at nagwika ng "Maligayang pagdating sa Santinakpan na aking nilikha". Naging tunay silang magkaibigan at naging maligaya sa milyun-milyong taon na lumipas. Ngunit si "Galang Kaluluwa" ay may katapusan hindi tulad ni Bathala. Nakatakda na ang kanyang kamatayan sa Santinakpan. Bago ang kanyang kamatayan ay hiniling nito kay Bathala na ilibing siya sa kalupaan kung saan niya sinunog si "Ulilang Kaluluwa"

Mula sa lupang pinaglibingan ay may tumubong malaki at mahabang puno na may malalaking matitigas na bilugang bunga. Ito ang puno ng niyog. Ang mga dahon nito ay singtulad ng mga pakpak ni "Galang Kaluluwa" at ang mahabang tangkay nito ay katulad ng kay "Ulilang Kaluluwa". Ngayon nalaman na ni Bathala ang nais niyang maging anyo ng kanyang Santinakpan salamat sa tumubong puno ng niyog. Nilikha niya ang mga halaman, mga puno, mga anyong tubig, kabundukan at mga kalupaan at pati ang mga hayop sa lupa man o sa tubig. Ngunit sa lahat ng mga ito ay labis pa rin siyang nalulungkot na tila bang may kulang pa rin.

Para saan kaya ang ulo ni "Ulilang Kaluluwa" na kanyang itinabi? Ano pa kaya ang kulang sa kanyang mga nilikha? Yan ang mga katanungan na masasagot sa mga kwento ni Ingkong Dunong.

-=<Abangan ang mga kwento ni Ingkong Dunong>=-

Kampilan ni BathalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon