Kakaiba talaga sa mundong ito, mabagal ang oras subalit maraming nangyayari. Mga pangyayaring hindi naman pala talaga nakakabagot. Aakalain ng sinumang hindi taga dito na hindi sila makakatagal sa ganitong lugar at panahon. Hindi na kailangan pa ng mga makabagong gadget at teknolohiya upang maging masaya at maging-in sa mundong ito. Tawanan ng mga batang naghahabulan at naglalaro, mga matatandang magkakasama na nakikinig sa saliw ng tunog katutubo at ng sayaw na hatid nito; ngiti sa kanilang mga labi ang namumutawi habang nakikinig sa tugtog. Para sa kanila kapag buklod-buklod ang pamilya ay walang suliranin o dagok sa buhay ang di kakayanin. Payak ang pamumuhay nila ngunit bawat sandali ay anong ligaya sa piling ng bawat isa.
Magandang tunog naman ang hatid ng pagtambol sa Sulibao ng ilang mga katutubong nagpapalipas ng oras. Lumang instrumento ito ng mga Ibaloi Igorot na nakaimpluwensiya sa iba pang etnikong pangkat sa pinakahilaga ng Kapuluan at mga kalapit na lugar dito. Kahalintulad ito ng tambol na karaniwang gawa sa balat ng hayop lalo na ng baboy o bayawak, mas mahaba at makapal ang pagkakagawang kahoy na bahagi naman ng katawan nito (umaabot ng isa o dalawang talampakan). Ito ay karaniwang pinapatugtog ng mga katutubo bilang pang-aliw at libangan.
Sa kabilang banda naman ay nanonood si Tina sa mga sumasayaw ng banga dance. Maliban sa sulibao, ang gangsa ay ginagamit rin bilang panglikha ng kaaya-aya at nakakaindak na tunog. Mga kababaihang Kalinga ang kadalasang sumasayaw nito na may pinagpatong patong na mga banga sa ulo. Mga tatu din nila sa katawan ang nagpapahiwatig ng kanilang katapangan at pagiging mahusay sa larangan ng pakikidigma.
Napansin nilang tahimik lng ito at tila may iniisip...parang hindi siya masaya. Maaari kayang hindi ito natutuwa sa mga sumasayaw? o kaya naman ay naawa rin siya sa kalagayan ni Arianne kahit papaano kahit hindi sila talaga magkasundo sa maraming bagay?. Napansin nila kanina na nanggaling rin ito sa kubo na kung saan nagpapahinga ang may sakit na si Arianne.
"Tina, nandito ka pala. Tahimik ka yata? Anong iniisip mo?" tanong ni Juanito kay Tina na nagmumuni-muni.
Nagulat naman si Tina na nandoon na pala ang mga kaibigan at nagwika ng "Ah eh, wala lang ito. Nakakatuwa lang panoorin sila sumayaw"
"Oo nga e, kitang kita nga na natutuwa ka sa kanila" banat ni Dante na may halong pang-aasar.
"Totoo. Nakakaaliw talaga sila panoorin" sagot muli ni Tina.
"Pero parang di halata sayo eh. Ano bang iniisip mo kanina?" si Juanito ulit na nangungulit.
"Wala lang ito. Tara doon naman tayo, tingnan niyo si Ulang Sinag o" pag-iiba nito ng usapan na tila ba ayaw ipahalata na concern din siya kay Arianne, subalit pansin naman ng kanyang mga kaibigan.
Samantala....
Pawisan ang katawan dulot ng pagsasanay sa tangan na sandatang Galang. Bawat pag-unday sa hangin ay may sining na hatid na kaiga-igayang pagmasdan. Ang bawat galaw ay tila ba sumusunod sa itinatakda ng hanging umiihip, kung tunay na pakakatutukan ay kaisa ng hangin na bahagi na ng bawat pagkilos at paghinga. Yan si Ulang Sinag na patuloy na nagsasanay upang lalong maging mahusay sa pakikipagdigma.
Kakausapin na sana nila ito ngunit nangamba sila sapagkat matapang ang dating nito at may pagkasuplado na mahirap lapitan o kausapin.
Paalis na sila ng bigla itong nagsalita, "Hu-wa-ni-to, nais mo bang maging mahusay? Kung tunay ngang nais mong maging magaling at maging karapat-dapat sa mahiwagang tabak na iyong tangan ay pipilian mo akong maging tagagabay" tinig nitong si Ulang Sinag na hinihikayat si Juanito na magsanay.
"Ah eh, Pero ngayon na po?" sagot ni Juanito na nabigla sa nasabi ni Ulang Sinag. Si Ulang Sinag ang tipong may pakialam naman sa kanyang kapwa ngunit hindi niya ito pinapahalata, kung baga nag-aastang suplado lang ito o kaya mahirap at nakakatakot kausapin. Ngayon ay napatunayan nilang hindi naman pala talaga ito suplado at walang pakialam sa iba.
BINABASA MO ANG
Kampilan ni Bathala
AdventureSumagi man lang ba sa isipan mo o nangarap ka rin ba ng kagitingan na higit pa sa kung ano ka ngayon?. Nais mo bang maglakbay at liparin ang daigdig ng walang hanggang pakikipagsapalaran taglay ang nag-aalab na puso? Samahan si Juanito sa kanyang pa...