"Makinig ka muna sa akin!" sabay batok kay Juanito.
Nagulat naman si Juanito sa pagbatok na iyon ni Ingkong Dunong at tila ba napahiya pa lalo ng magtawanan ang iba pang tagapakinig.
"Ika'y makinig at magbigay galang sa nakakatanda" ang sabat naman ni Ulang Sinag na seryoso ang mukha. Nagpapatunay lamang na pinapahalagahan nila ang mga nakakatanda lalo na't isang Ingkong ang nagsasalita.
"O ayan! Nakita mo! Makinig ka kasi pareng totoy!" malakas na pagkasabi ni Dante na may halong impit na ngiting natatawa.
Habang si Tina naman ay tahimik na nakikinig at nag-aabang na rin ng susunod na sasabihin ng Ingkong.
Nagpatuloy muli ang Ingkong sa kanyang isinasalaysay...
"Lumipas ang maraming sandali ay nagtagpo rin ang landas ng dalawang Panginoon na sina Bathalang Maykapal at Galang Kaluluwa. Naglakbay si Galang Kaluluwa patungo sa nilikhang Santinakpan ng Bathalang Maykapal upang makipagkilala. Ang kaanyuan nito ay kawangis ng sa atin ngunit mayroon itong malalaking mga pakpak tulad ng sa isang maalamat na Inikadowa. Makaibang-magkaiba sila ni Ulilang Kaluluwa sapagkat ang tanging nilalayon niya ang tunay na pakikipagkaibigan. Sa paglipas nga ng panahon ay naging matalik silang magkaibigan, tunay na magkaibigan na nagpapawi ng kanilang lumbay at nagpalimot sa kanila sumandali na mayroong nakukulapulang walang katapusang karimlan ng Sanlibutan. Pagpapatunay na kahit ang mga Panginoon ay nangangailangan ng isang tunay na kaibigan."
"Ngunit iyon ay may katapusan ng si Galang Kaluluwa ay unti-unting nanghihina. Siya ay may katapusan o iyon ay katapusan lamang ng kanyang buhay at muling magbabalik sa takdang panahon? Magbabalik sa panibagong kinabukasan?... Iyon ang mga katanungan sapagkat siya ay isang Panginoon. Ang Panginoon ng panahon at ng Sanlibutan."
Habang pinagpapatuloy ni Ingkong Dunong ang kanyang mahabang salaysayin ay unti-unti namang nakakatulog ang mga tagapakinig na naroon, maliban kay Juanito, Tina at ang mga kasapi ng Lumpon.
"Nang tuluyan ng yumao si Galang Kaluluwa ay ilibing ito sa mga labi' ng sinunog na si Ulilang Kaluluwa ayon na rin sa nais ng nauna. Lupang mataba, mayabong at liglig saganang ganap upang pagtamnan. Umusbong na puno mula sa lupa'y hitik sa bungang bilugan at matigas. Mga daho'y malalaki't malago kapara ng pakpak ni Galang Kaluluwa. Ang punong katawa'y isang tangkay na matatag na tumitindig sa lupang sinibulan kapara ng kay Ulilang Kaluluwa. Nang dahil doon ay nalaman na ni Bathalang Maykapal ang nais niyang maging anyo ng kanyang Santinakpan salamat sa tumubong puno ng niyog. Nilikha niya ang mga halaman, mga puno, mga anyong tubig, kabundukan at mga kalupaan at pati ang mga hayop sa lupa man o sa tubig. Ngunit sa lahat ng mga ito ay labis pa rin siyang nalulungkot na tila bang may kulang pa rin."
Ang mga huling salaysay na iyon ang siyang nakapagpatulog sa karamihan sa mga tagapakinig na naroon, isang mahabang diyalogo sa nakakaantok na sandali ngunit gising pa rin ang matitibay na mga tagapakinig na sina Juanito, Tina at Ulang Sinag. Tila ba hindi tinablan ng salamangkang pangpatulog.
"Sa kanyang muling pag-iisa at pagkabagot ay nakita niya muli ang walang hanggang karimlan sa Sanlibutan, isa na namang malungkot-----napakalungkot-----ubod ng lungkot-----walang kasing lungkot na pag-iisa."
Sa mga salitang iyon na sinambit ni Ingkong Dunong ay tila ba may tumamang kirot sa dibdib ni Juanito. Maaaring may pagkakahalintulad pala sila ni Bathalang Maykapal. Sa kanya nga lang ay nakadarama siya ng pag-iisa at kalungkutan kahit sa dami ng taong nakapaligid noong naroon pa siya sa mundo nila. Parang may kulang rin sa buhay niya na nais niyang hanapin.
Maaaring mali pala siya na inaakalang nag-iisa lamang siya sa pakiramdam na iyon sapagkat may bahid ng kaunting pag-unawa ang dalawa pang tagapakinig na naroon. Maaaring nadarama rin nila ang ganoong pakiramdam.
BINABASA MO ANG
Kampilan ni Bathala
AventureSumagi man lang ba sa isipan mo o nangarap ka rin ba ng kagitingan na higit pa sa kung ano ka ngayon?. Nais mo bang maglakbay at liparin ang daigdig ng walang hanggang pakikipagsapalaran taglay ang nag-aalab na puso? Samahan si Juanito sa kanyang pa...