Natigilan si Juanito na di makakilos...
Tigtugtigtug! tunog ng mabilis at kinakabahang tibok ng puso niya. May takot sa kanyang katawan ng sandaling iyon. Hindi siya makalingon para bang nakabaon sa lupa ang kanyang mga paa. Nagsimula na namang tumayo ang mga balahibo niya sa batok ng biglang...
"Kuya! Kuya!" Si Jane pala ang nakahawak sa kanyang balikat at kanina pa siya tinatawag.
"Kanina ka pa namin hinahanap nandito ka lang pala" si Jane ulit. Ang makulit at cute na kapatid ni Juanito. Sumama ito sa kanila dahil gusto nitong makapag-relax kahit papaano at makaiwas sa stress na hatid ng trabaho niya.
Ngayon napalingon na si Juanito. Ang kaninang takot na kanyang naramdaman ay unti-unti nang nawawala. Kanina pa pala siya hinahanap ng kanyang mga kaibigan.
"Anong meron dito pare? Bakit nakatayo ka malapit sa punong yan? Grabe ang lamig dito. Brrr!" malamig na tanong ni Mike.
"OMG! That tree is really creepy, alis na tayo dito hon" takot na tinig ni Arianne. Si Arianne ay asawa ni Mike na kaklase nila noong college sa non-major subject na economics. Maganda at mayaman dahil may negosyo ang pamilya ngunit may pagkamaarte. Buti na lang napilit pa rin ni Mike na sumama ito sa kanila, dahil na rin sumama si Banny na ka-close niya.
"Puno ito ng Balete ah, di ko alam na mayroon pala niyan dito. Pangatlong beses ko ng makaakyat dito sa Makiling pero wala naman akong nakitang puno ng Balete dati dito" si Kuya Sonny na driver ng pamilya ni Juanito. Di lang isang driver ang turing nila kundi isang malapit na kaibigan na rin. Marami itong alam sa mga bagay-bagay (masasabing siya ay street smart).
"Guys, diba may mga "story" na ang puno daw ng Balete ay bahay ng mga kakaibang nilalang like kapre at tikbalang? what if may kapre o tikbalang dito? scary naman" takot na may pangambang sambit ni Banny. Si Banny ay kasintahan ni Dante (dalawang taon na sila). Matangkad kumpara sa pangkaraniwang taas ng mga Pinay. Mas matangkad pa ito ng kaunti kina Juanito at Ethan. Maputi, mabait at magaling magluto. Especialty niya ang "Sinigang sa Miso".
"Pansinin nyo ang punong ito, napakahaba ng mga ugat na parang kumakapit pa sa ibang mga halaman sa ibaba at ang katawan nito ay napakakinis. May ganitong puno rin sa probinsya namin sa Ilocos na malapit sa bahay namin. Tinatawag daw itong "tangisang-bayawak" dahil sa kakaibang mga tunog ng mga dahon nito kapag nahahanginan na parang nag-aaway na dalawang bayawak... paliwanag ni Tina na hindi natapos dahil sumingit si Arianne.
"So what do you mean?" Si Arianne na nakahalukipkip.
"Pwede ba patapusin mo muna ako?" medyo tumaas ng kaunti ang boses ni Tina.
"Ganito kasi, ang pagkakaalam ko sa ganitong klase ng puno ng Balete ay hindi naman ito tumutubo sa matataas na lupa kagaya ng bundok".
"Whatever! E tumubo na nga ayan o. What do you call that?" Si Arianne na naiirita.
"Hay! Naku hon, tara na balik na kasi tayo sa tent at nakakatakot dito" Si Arianne ulit.
Di sila magkasundo ni Tina dahil si Arianne ay naiirita sa sobrang daming alam ni Tina na minsan tinatawag niya pang nerdy. Si Tina naman naaartehan kay Arianne sa pagsasalita pati sa pagkilos. Parang beauty vs brain. Si Arianne maganda ngunit di gaanong matalino, si Tina naman na di man kagandahan katulad ni Arianne ay ubod naman ng talino.
"Hon naman, Birthday ni Tina ngayon dapat nga di kayo nag-aaway. Pero tama ka dapat na nga sigurong bumalik na tayo" mahinang sabi ni Mike kay Arianne.
"Alam niyo may punto si Tina ang ganitong klaseng puno ay madalas makita lang sa kapatagan o mababang bahagi ng lupa. Pero kakaiba talaga itong punong ito ubod ng laki at parang may kung ano sa loob nito?" pagsingit ni Juanito.
"Anong ibig mong sabihin?" si "Baga" na dala pa rin ang bag na may laptop.
"May nakita akong kakaibang liwanag kanina sa kaloobang bahagi ng katawan nito na parang isang bagay na nakatusok" si Juanito ulit.
Tiningnan nilang lahat ang puno ngunit wala silang nakitang liwanag at isa pa madilim masyado at walang gaanong maaaninag sa kalooban nito.
"Naku, guni-guni mo lang yan Juan. Wala naman kaming makitang bagay na maliwanag sa puno. At saka gabi na, ang dilim dilim dito at ang lamig lamig pa. Mukang uulan pa ulit dahil walang mga bituin sa langit" si Ethan habang hawak ang kamay ni Iza.
Tumango lamang si Iza na sumasang-ayon kay Ethan. Si Iza ay kasintahan ni Ethan na isang "paint artist". Makulay ang kanilang samahan na pinaglapit ng sining.
"Tara na pareng totoy. Tama si Ethan balik na tayo" yakag ni Dante.
"Tara na kuya, tama na ang pag-iisip ng sobra. Nakakasama sa utak. Celebrate na ulit natin Birthday ni Tina" si Jane ulit na nakangiti na.
"Okay!" tango ni Juanito
Paalis na sila ng biglang umihip muli ang hangin ng napakalakas.
Whoosh! Whoosh! Whoosh!
Para silang tatangayin sa sobrang lakas. Napapaatras sila pabalik sa puno ng Balete.
May takot na ang kanilang mga mukha at nagtataka kung ano ang nangyayari.
Napakapit sila sa mga naghahabaang nakapaibabang mga ugat ng puno ng Balete.
"OMG! ayaw ba tayo paalisin ni Maria Makiling?" takot na boses ni Arianne.
Bigla na lamang tumigil ang pag-ihip ng hangin kasabay ang pagliwanag ng bagay sa kalooban ng puno.
Napatingin silang lahat sa pinagmumulan ng liwanag na iyon.
Si Juanito ang pinakamalapit sa pinagmumulan ng liwanag. Nakatayo lamang ito at matagal na pinagmasdan ang liwanag.
"Kuya wag ka dyan! Lumayo ka dyan! baka may kung ano dyan" malakas na pagtawag ni Jane.
Ngunit parang walang narinig si Juanito at nanatili ito sa kinatatayuan niya.
"Ang liwanag na ito kakaiba talaga. May init na naglalagablab na parang gustong sumabog" sa isip ni Juanito na nakita na ang bagay na maliwanag.
Anyong puluhan (hilt) ng isang tabak na may hugis kawangis ng isang ahas na mabangis.
"Ang simula sa katuparan ng tadhana. TAGLAYIN ANG KAMPILAN NI BATHALA SA MGA PALAD!" malakas na tinig na siya lang ang nakarinig.
Hinawakan niya ang puluhan nito at kanyang nadama ang init nito mula sa kanyang mga palad.
May biglang pangitain na sumingit sa sandaling iyon. Mga pangitain ng mga nakaraang digmaan. Sa pangitain na iyon ay nakita niya ang isang matapang na mandirigma na tangan ang sandatang gumapi sa karimlan na nais balutin ang mundo na tinatawag na "Santinakpan". Ang mandirigmang iyon ay si "Aman Sinaya". Sa gitna ng tagumpay na iyon ay nabanaag niya ang itim at makapal na usok na animo'y lalamunin ng buo ang "Santinakpan".
Napabaliwas siya sa mga pangitain na iyon na nanlalaki ang mga mata.
"TAGLAYIN ANG KAMPILAN NI BATHALA SA MGA PALAD!" muli niyang narinig ang tinig na iyon.
Muli niyang hinawakan ang puluhan at buong lakas niyang hinugot ang tabak na nakasaksak sa puso ng Balete.
Namangha sila sa ganda ng tabak na ito. Mahaba, matalas, matalim at makinang na makintab. Dalawa ang tulis nito sa dulo at mas manipis ang talim nito malapit sa puluhan. Magaan ito di katulad ng pangkaraniwang Kampilan na likha ng mga tao. Sa puluhan nito ay anyong ahas na nakabuka ang bibig di katulad sa iba na parang buwaya ang anyo. "Napakagandang pagmasdan na parang hinubog ng Panginoon".
Habang namamangha sila ay bigla na lamang may lumabas na isang lagusan sa loob ng puno ng Balete na ang anyo ay maihahalintulad sa isang salamin na mayroong tubig. Malabo parang daanang di malaman kung saan ang hangganan.
Tumingin si Juanito sa mga kaibigan na nakangiti, sabay pumasok sa lagusan na iyon na parang hinigop ng mga ugat ng puno ng Balete.
Laking gulat nila ng nawala si Juanito. Daglian naman silang sumunod habang papaliit ng papaliit ang lagusan na iyon na tinatawag na "Lakbay-Lagusan".
BINABASA MO ANG
Kampilan ni Bathala
PertualanganSumagi man lang ba sa isipan mo o nangarap ka rin ba ng kagitingan na higit pa sa kung ano ka ngayon?. Nais mo bang maglakbay at liparin ang daigdig ng walang hanggang pakikipagsapalaran taglay ang nag-aalab na puso? Samahan si Juanito sa kanyang pa...