Ikawalong Kabanata: Si Ingkong Dunong at ang tatlong Lumpon

280 7 0
                                    

Natigilan sila at huminto sa pag-atake si Ulang Sinag ngunit ang tingin nito kay Juanito ay may talim pa rin na animo'y nais paslangin sa susunod na makaharap.

Naglakad ang may tungkod na isang kagalang-galang na nilalang na kapag iyong narinig ang boses ay mapapatigil ka na animo'y mapapasunod ka sa kanyang mga sinasambit sapagkat malakas ang kanyang kakayahang mapaniwala ang taong kausap (persuasion). Isa siyang Ingkong (tawag sa matanda noon bilang paggalang) o matandang malakas ang dating na ang dunong ay nag-uumapaw. Ang balat nito ay kayumanggi, may katamtamang taas at maputi na ang mga buhok, bigote at balbas. Malakas pa rin itong tingnan kahit may tungkod sapagkat makikita sa pangangatawan nito ang hindi pagpapabaya na masasabing nasa pitumpung taong gulang na siya. Kaya pa rin nitong maglakad ng walang umaalalay gamit lamang ang tungkod.

Napatingin ito sa baril na dala ni Mike. "Kakaibang sandata ito. Dumadagundong ang ingay na likha nito. Masasabi kong ang putok nito ay sing bilis ng nagngingitngit na tunog sa kalikasan. Kahanga-hanga, wala pa akong nakitang ganitong sandata. Kung maaari sana bigyan mo rin ako nito" nakangiting sabi ng matanda kay Mike habang pinagmamasdan ang Colt M1911 A1 (isang handgun na madalas gamitin sa pagsasanay sa target shooting, ginagamit din ito ng mga marines bilang secondary weapon) .

Hindi alam ni Mike ang isasagot kaya... "Teka sandali, sino po ba kayo?"

"Mababatid mo rin iho!" mahinang sagot nito ngunit dinig pa rin ni Mike.

Ipinukol naman nito ang pansin sa dalawang nagkasabayan ng talim. Hinawakan nito ang braso ni Ulang Sinag at sinabing "Tama na ang mabalasik na pagsulong" at pagkatapos ay napatingin sa tabak na tangan ni Juanito.

"Ang Kampilan ni Bathala, may alab na di mapapantayan, ang talim at talas na kayang hawiin at punitin kahit ang pinakamadilim na gabi. Ngunit ang may tangan ang siyang huhubog ng tadhanang nakaguhit sa mga palad" mga katagang kanyang inusal.

Umikot ito at tiningnan maigi si Juanito.

"Ikaw na pinili, karapat-dapat nga bang taglayin ang "Kampilan ni Bathala"?"

"Sa iyong tindig at pangangatawan ay di maipagkakailang ikaw ay kulang sa pagsasanay at ang iyong tikas ay masasabing kulang sa hubog" pagsusuri niya kay Juanito habang hawak ang tungkod.

"Sino po ba kayo lolo?" nagtataka at nagugulumihanang tanong ni Juanito sa matanda.

Inilapit nito ang mukha kay Juanito at tinitigan maigi. Napaurong naman si Juanito dahil sa lapit ng mukha nito sa kanya.

Buntong-hininga nitong sinabi "Hindi ko matanaw ang mga katangian ng isang mahusay na mandirigma sa iyo. Ngunit sa kabilang banda ay may naglalarong alab ng apoy na nagkukubli sa iyong kaibuturan..."

"Lolo! tama na po ang matatalinghagang salitaan at paligoy-ligoy, sino po ba kayo?" ang pagpigil ni Banny.

"Mapangahas na binibini, ang iyong kausap ay isang kagalang-galang na Ingkong Dunong. Ang kanyang salita ay batas at ang gawi ay isang tuntuning aming gabay" pagsingit ni Ulang Sinag. 

"Hoy! Panget na makalumang tao. Sino ba kayo? Nakakatawa naman ang inyong mga suot" pagtataray ni Banny (nahawaan ni Arianne).

"Hanep! Ang inyong salaysay. Mahusay ang pagkakahimay ng mga salita, ang baybay ay akma sa mga pangungusap na sinamahan ng mga pariralang kaaya-aya pakinggan ngunit mahirap mawari. Nosebleed ako" nakangisi namang banat ni Kuya Sonny.

"You're right Kuya Sonny. Magaling magaling!" si Arianne na natutuwa kay Kuya Sonny.

" Kuya Sonny mahusay ka pala sa malalalim na salita. Hahaha!" wika ni Banny na natatawa na ngayon.

Kampilan ni BathalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon