Adam
Year: 1992, Finland (Past)
I remember everything like it's a freshly fallen snowflake.
Tila kahapon lamang nangyari ang lahat. Sariwa pa sa aking alaala gaya ng mga bagong bagsak na niyebe. Detalyadong butil ng yelo na dinesenyo upang walang maging katulad.
Walang katulad?
Marahil gaya ko. Bukod-tangi. Parang butil ng niyebe mula sa langit. Marahang bumabagsak sa lupa. Gawa sa manipis na yelo at hindi alam kung saan ako patungo.
Para akong isang niyebe. Malamig. Marupok. Malungkot.
Naalala ko pa kung paano ako turuan ng aking tatay gumawa ng anghel mula sa snow. Nakahiga siya sa snow habang winawasiwas ang kanyang mga kamay. Matiyaga ko siyang pinanood. Ang kakaibang ligayang dala ng makulit kong tatay na nagpapakurba sa aking mga labi tuwing maglalaro kami sa labas ng bahay. Sa mga oras na ito ay tanging hagalpak lamang naming dalawa ang maririnig sa buong paligid. Mahinang tawa ng isang sanggol na sinasalo ng makakapal na niyebeng tinatabunan ang aming bakuran.
"Ayan, anak. Higa then brush mo sa snow iyang mga kamay mo hanggang sa magmukhang angel," turo ni Tatay Abe. Umaapaw sa tuwa ang puso nito sa tuwing kalaro niya ako. Bagamat abala sa trabaho, handa itong ipagpaliban ang lahat makapaglaan lamang ng tatlong oras sa isang araw na kapiling ako.
Nakatira kami sa isang mansion sa Finland na napapalibutan ng makapal na gubat. Maganda ang mga alaalang naipon ko sa lugar na ito. Kulay puti sa labas at yari naman sa marmol at kahoy sa loob. Higit sa lahat, madalas mangamoy tsokolate sa aming bahay dahil sa hilig ng aking ina na magluto ng champorado.
Sa likod ng bahay ay isang malaking lawa na madalas magyelo dahil sa lamig. Natatakpan ang buong bayan namin ng puti dahil sa snow. Sa lawa sa likuran ng bahay ay madalas maglaro ang mga kuneho at usa tuwing taglamig. May mga puting kuwago na malimit bumisita sa mga puno malapit sa bahay namin. Mga kuwagong may mga malalaking matang tila nangungusap sa tuwing nagtatama ang aming mga tingin.
Ang tatay ko ay galing sa sikat na pamilya Ambrosi na prominente sa isang bayan sa Finland. Gaya ng kapatid niyang si Claude, nakapag-aral ito ng ilang taon sa Pilipinas kaya ganoon na lang kahusay mag Tagalog. Ang aking ina ay isang Filipina mula sa Palawan na nakapangasawa ng Finnish. At gaya ng naalala ko, masaya kaming naninirahan dito sa ibang bansa.
"Abe! Huwag masyado sa snow! Baka sipunin iyan!" sigaw ni Nanay Tina mula sa pinto. Inilapag niya ang kanyang Nokia Phone sa lamesa sa loob ng bahay. Nagmamadali siyang tumakbo sa mag-ama niyang nasa labas. Agad niya akong pinulot mula sa niyebe. Matapos ay pinanggigilan nito ng kurot ang aking tatay.
"Aray! Okay lang yan, dapat masanay na siya sa snow," pagdadahilan ng tatay ko. Muli niya akong kinuha at pinagpag ang mga puti na naiwan sa aking damit. "Halos buong taon natatabunan ng niyebe ang bayan natin. Maigi na sanayin na natin siya habang bata pa."
"Ang kulit mo, Abe!" bulyaw naman ng aking nanay. Ang boses niyang matinis na nagpapanginig sa mga yelong nakasabit sa aming bubong. Pinilit niyang buksan ang aking palad na may hawak na kumpol na yelo. "Hindi naman habambuhay na nandito itong si Adam. Minsan, bibista rin kami sa Pilipinas 'no? Ibang-iba ang panahon doon. Para naman hindi puro yelo."
"Oh siya, tara na sa loob. Mukhang may snowstorm na naman mamaya," babala ng aking tatay. Sabay silang napatingala dahil unti-unti nanamang nagdidilim sa paligid.
"At tsaka ang niluto kong champorado, baka lumamig na!" saad naman ni nanay. Pumasok kami sa loob ng bahay. Inilapag ako sa upuan na katabi ang aking tatay.
BINABASA MO ANG
Ark and Apple (The Time Traveler's Boyfriend Book 1)
Science FictionThe Time Traveler's Boyfriend Book 1 (Book 1 Ark and Apple Published under Pop Fiction) "How can you miss someone you've never met?" (A BL story) COMPLETED "Ang gulo-gulo mo naman kausap, kuya. Ako ito! Hindi mo na ako naalala agad?" halakhak ko. Pi...