HIWAGA KABANATA 2

30 1 0
                                    

[Kabanata 2 - Unang Pagtatagpo]

NAGISING ang diwa ko nang maramdamang may tumatapik sa aking balikat, napayakap ako sa manipis na kumot na gamit ko at gumulong. Napangiwi ako matapos maramdamang ang tigas naman ng pinaggulungan ko. Nahulog ba ako sa sahig?

Naramdaman ko muli ang pagtapik nito sa aking balikat. "Wait lang naman," inaantok na reklamo ko habang nakapikit pa rin, ilang saglit lang ay napatigil ako nang may mapagtanto. Ako lang ang mag-isa sa mansyon namin, hindi ba?!

"Liliana, gumising ka na." Bigla akong napabangon mula sa pagkakahiga matapos marinig ang pangalang itinawag nya sa akin. Liliana, Liliana na naman?!

Nang tuluyang makaupo sa banig ay nanlaki ang mga mata ko matapos makita si Leticia. Bakit hindi pa rin ako nagigising? Bakit nandito pa rin ako? Kagabi ay katabi kong natulog si Luisa at Leticia, ang akala ko ay mabubuhay na muli ako sa totoong mundo pero nandito pa rin ako hanggang ngayon!

"Oh? Ano't tila ika'y gulat na gulat?" Tanong ni Leticia, sya naman ang nagulat nang hawakan ko ang maganda nyang mukha. Nanlamig ang buong katawan ko nang maramdaman ang makinis nyang balat.

Napasapo ako sa aking noo. "Bakit ganoon? Nandito pa rin ako? Ano ba'ng nangyayari?!" Naguguluhang tanong ko at sinulyapan si Leticia na nag-aalala na akong pinagmamasdan ngayon.

Napatingin ako saglit sa aking balikat nang hawakan nya iyon. "Aking kapatid, ikaw ba ay may pinagdadaanan?" Nag-aalalang tanong nya, nakikita ko ang sinseridad sa mga mata nya habang sinasabi iyon.

Napahinga ako ng malalim at napatingin sa bintanang nakatukod ngayon sa kahoy, kulay asul ang kalangitan at mukhang madaling araw pa lamang. Nagbalik ako ng tingin kay Leticia.

"Bakit mo nga pala ako ginising?" Nagtatakang tanong ko at inunat ang aking katawan, ang sakit pala sa likod na humiga sa banig. Hindi ako sanay dahil sa isang malawak at malambot na kama ako natutulog sa mundo ko.

"Ang iyong isip ay naapektuhan yata sa aksidente niyo ni Tiyo Andres," napapabuntong hiningang saad ni Leticia at malungkot akong tinignan, mabuti na lang at iyon na ang iniisip nila kaya parang nababaliw lang ako ngayon.

"Tayo ay magtutungo na sa hacienda Enriquez upang magtrabaho, naaalala mo pa ba iyon aking kapatid?" Nagbabakasaling tanong ni Leticia, upang matuwa sya ay agad akong tumango kahit hindi naman talaga. Hindi naman ako nabigo dahil napangiti sya.

"Kung gayon, maghilamos ka na at baka tayo'y mapagalitan pa ni Manang Sol." Napatulala ako dahil sa sinabi nya, hacienda? Hindi ba't noong unang panahon lang mayroon no'n? Pati sino ba si Manang Sol na binanggit din ng nanay nya kahapon?

Gusto ko sana iyong itanong sa kanya ngunit baka malungkot na naman sya at maisip na nagkaroon ako ng amnesia kaya 'wag na lang, tinanguhan ko na lang sya. Tumayo na ako at nagsimulang humakbang ngunit nakadalawa pa lang ako nang mapagtantong hindi ko alam kung nasaan ang comfort room.

Dahan-dahan ko syang nilingon at sinisimulan na nyang ligpitin ang pinaghigaan ko, nakakamangha! Ang bilis ng kamay nya at agad natapos ang pagliligpit, mukhang sanay na sanay na sya sa paglilinis. May bangko kaya sa mundong 'to? Baka pwede kong ipasa ang resume ko at mag-work as a bank teller dahil 'yon naman talaga ang trabaho ko.

"Bakit, Liling? May nakalimutan ka ba?" Natauhan ako nang inosente akong tanungin ni Leticia, agad ko syang nginitian na mukhang effective naman dahil huminahon agad ang mukha nya.

"S-saan nga ba ang comfort room dito?" Pilit ang ngiting tanong ko at umaasang sagutin nya na lang dahil nga may amnesia ako, nagtaka sya.

"K-komport... Ano nga ulit iyon?" Naguguluhang tanong nya, napapikit ako at napahinga ng malalim. Kaya mo 'to, Yella. Habaan mo ang pasensya mo dahil no english ang mga tao rito.

Pag-ibig Serye #4: HiwagaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon