02

454 27 2
                                    

T H I R D P E R S O N ' S P O V

"Kuya, hindi siya zombie pala," wika ng kapatid niyang si Amyline habang pinagmamasdan ang namamagang mukha ng walang malay na babae.

Tinapunan niya ng masamang tingin ang katorse anyos na kapatid.

"Ikaw kasi eh! Ang lakas ng tili mo kaya nag-panic ako," naiinis niyang wika sabay kamot sa batok. Isinara niyang mabuti ang pinto. "Hawakan mo muna 'to." Ibinigay niya sa kapatid ang baseball bat.

Napangiwi siya nang buhatin ang babae. Mabigat kasi ito at kawawa ang payat niyang katawan.

Nang maihiga niya ito sa kama, muli siyang bumalik sa may pintuan. Kinuha niya mula sa kapatid ang baseball bat. "Sa susunod, huwag mong hahayaang nakabukas ang pinto," madiing paalala niya. Nakakainis! Nasanay kasi itong kapatid niyang iwanang nakatiwangwang ang pinto ng bahay nila. "Umayos ka, Amyline. Nasa seryoso tayong sitwasyon ngayon."

Ngumuso at inirapan lamang siya ng dalagitang kapatid.

"Tsss! Maghanda ka na lang ng maligamgam na tubig para gamutin 'yung mukha nung babae," utos niya habang sinisimulang harangan ng mabibigat na bagay ang kanilang pinto. Mas maganda sana kung may kabilya eh! Kaso wala, at napakadelikadong lumabas para lang kumuha ng mga bakal sa malapit na talyer na pwedeng gamitin.

"Hah? Bakit ako? Ikaw kaya 'yung humampas sa kaniya. You must take the responsibility!" maarteng sigaw ng kapatid.

Sinamaan niya ito ng tingin. "Kapag hindi ka tumigil sa kasisigaw, mapapahamak tayo." Napipilan ito. "Kaya sumunod ka sa 'kin kung ayaw mong itapon kita sa labas at hayaang kainin ng mga 'yon."


*/tunog ng nagdadabog na yabag papuntang kusina.

Napangisi siya nang dali-daling nagtungo sa kusina ang kapatid nang wala man lang reklamo. Muli niyang ibinalik ang atensyon sa pag-aayos ng mabuti sa pinto upang walang makapasok doon.

Habang naghahanap pa ng ibang bagay na maaring gamitin pangharang, nakita niya ang isang tungkod.

"Lo? Ano ho ba 'yang ginagawa nyo?" nayayamot niyang tanong nang makita ang lolo na halos makadikit na ang mata sa librong binabasa.

Epedimoun Safyterio ang pamagat ng librong binabasa ng matanda. Sa sobrang luma, kupas na ang book cover nito at ang mga pahina ay tila kinain ng ipis ang mga gilid-gilid. Pero kahit na gano'n, nababasa pa naman ang mga nakasulat.

"Naghahanap ng kasagutan, apo ko," simpleng tugon ng lolo, hindi man lang inaalis ang tingin sa libro. Nagkakasalubong na ang kulay puting manipis na kilay.

"Ha?" Napakamot na siya ng ulo at napapanguso. Pinipigilan niyang matawa dahil ayaw niyang mahampas ng mahiwaga nitong tungkod. "Lo, hindi ka naman na nag-aaral sa school e. Ano'ng kasagutan ang hinahanap mo po riyan? Wala kang assignment."

Coughtivated (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon