05 (S2)

59 2 0
                                    

BUMAGSAK si Nurse Gi kaya't napahiyaw kami. Kaagad ko siyang dinulugan samantalang si Nurse Odd naman ay hinaharangan kami mula sa lalaking akmang susugod ulit.

Dumadaing si Nurse Gi habang sapo ang tiyan at namimilipit sa sakit. Kinuha ko ang medical kit bag dahil natumba rin iyon sa maduming aspalto. Hinawakan ko siya sa balikat upang masuportahan sa pagtayo. Panay ang mura niya sa dialect na kaniyang kinalakhan. Samantalang iyong mga tambay naman ay panay ang cheer at kantyaw para sa suntukan.

''Sipain niyo na 'yang mga 'yan. Magdadala lang 'yan ng sakit dito sa lugar natin!'' Pinanonood lang pala kami ng mga residente, mukhang wala atang balak tulungan kami. May iilang mga kabataan ang kumukuha ng video.

Saktong pagkatayo namin ni Nurse Gi, malakas na itinulak ng lalaki si Nurse Odd sanhi para mabatbat ito sa sementadong pader ng isang bahay. Humakbang palapit sa amin ang lalaki, hinawakan sa balikat si Nurse Gi subalit hindi ako bumitaw sa braso nito kaya't naghilahan kami.

Nangibabaw ang mga sigawan at murahan namin habang naghihilahan, kahit naririndi na ko sa tili ni Nurse Gi ay hindi ko pa rin siya siya binibitawan. Mas lalo akong hindi makahinga dahil sa nangyayari. Walang nangingiming umawat sa lalaki, bagkus ay mas ginigiya pa ito ng mga kabaranggay na bugbugin kami.

''Makikiraan po!''

Nakaagaw ng atensyon ng lahat ang ilaw na nagmumula sa aming likuran. Napalingon kami ro'n subalit agad na napatakip ng mga mata dahil sa nakakasilaw na liwanag. Galing iyon sa isang traysikel.

''Padaanin niyo po sana muna kami!'' muling sigaw ng lalaking wari ko'y nasa loob ng traysikel.

''Sino 'yang mga walang modo na 'yan.'' Biglang naglakad palampas sa amin iyong malaking lalaki. ''Hoy! Hindi niyo papatayin 'yang ilaw, ha?! Tangina niyo ah?'' 

''Bakit papatayin eh ito ang nagsisilbing ilaw sa madilim na daan?''

Nalihis na nga ang atensyon ng mga tao.

At ang boses ng dalawang lalaking iyon... pamilyar sa akin. Subalit hindi ko maalala. Hindi ko rin makita kung sino-sino ang mga may-ari dahil nga nakakasilaw ng ilaw ang headlight.

Biglang may humila sa akin at nang lingunin ko ay si Nurse Odd pala. Sinamantala namin ang pagkakataon, lakad-takbo kami hanggang sa hindi na tanaw mula sa kumpulan ng mga tao.

''Oh, ano?'' humihingal na tanong ni Nurse Odd. ''Nasaan na nga ulit 'yong daan papunta ro'n sa pasyente?''

''Doon.'' Nakahawak pa rin sa kaniyang sikmura si Nurse Gi.

Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa medic kit bag 'saka sumunod sa kanila. Nagpatuloy kami sa paglalakad sa masikip na eskinita.

''Hayp ka.'' Binatukan ni NUrse Odd ang nasa unahan niya. ''Dahil diyan sa katabilan ng dila mo muntik pa tayong mapahamak.''

''Nasa katwiran naman ako ah. Yawa, ang sakit-sakit ng tiyan ko.''

''Alis na nga, totoy! Hindi ako kumakain ng balot!''

''Sige na, bili ka na kuya. Ubusin mo na 'tong natitira oh para po makauwi na ako.''

''Hindi nga ako kumakain niyan. Sa iba mo na lang ibenta! Alis na.''

''Gaaaa. May gerplen ka ba, kuya?''

''Tsk. Tsk. Alis na. Bawal maglabas-labas ang mga bata ngayon. Hindi ka ba natatakot sa virus, ha?''

''Bilhin mo na kasi 'to. Pampalakas 'to. Para... uhm... ano nga 'yon? Ma-tasisfy mo ang gerplen mo sa kama!''

''Ano!? Against ako sa pre-marital sex! Sino nagturo sa 'yo n'yan?''

''Si Mama, 'yon daw ang sabihin ko sa mga lalaking buyer.''

Napa-praning lang ba ako o totoo na malimit akong makarinig ng pamilyar na boses sa araw na ito? Sa unahan ay mayroon yatang nagbabangayan. Isang bata at isang lalaki.

''Ano raw? Balut? May pera ka ba riyan, Odario?'' tanong ni Nurse Gi.

''Tangina ka. Wala akong dala.''

Higit na mas matangkad sa akin ang dalawang nasa unahan ko kaya hindi ako maka-peak para makita kung kanino galing ang pamilyar na boses na iyon. Sa bawat hakbang ay lumalakas na naman ang kabog ng dibdib ko. Heto na at kaunting hakbang na lang. Patuloy sa pag-aargumento iyong dalawang pamilyar sa akin ang boses kaya naman mas bumabalik na sa isipan ko ang kanilang pagkakakilanlan.

Huminto sina Nurse Gi sa paglalakad kaya't huminto rin ako. Nangangawit na ang mga daliri ko dahil may kabigatan itong bag na dala ko. Wala naman ata sa bokabularyo ntng dalawang kasama ko ang salitang gentleman.

''Magkano 'yang balut mo, toy?'' 

''Wampipty.''

''Hoy, seryoso ako!''

''Wampipty nga po. Get all.''

''Hindi, magkano each.''

''Kinse. Bilhin mo na po lahat.''

''Singkwenta lang dala ko, magtigil ka. Oh, bigyan mo 'ko apat na piraso.''

''Hala, bakit apat? Tatlo lang. Oh, eto po. Kuha ka na lang asin diyan.''

Bumaba ang tingin ko sa hawak kong bag. Inilipat ko ito sa isa kong kamay at iniangat muli ang tingin.

Nanlaki ang mga mata ko. Hindi nga ako nagkakamali, siya nga ito. Kung ano ang hitsura niya sa panaginip ko, gano'n din ngayon sa aktwal kong nakikita. Walang pagkakaiba. Si Atrium nga, totoo siya kagaya ni Zafira.

''Ako na nito, Nurse Sue.'' May naramdaman akong kamay na kumuha sa hawakan ng bag na bitbit ko. Kung hindi ko pa babalingan ay hindi ko pa mapapansin na nasa gilid ko na pala si Nurse Odd at kinukuha ang medic kit bag mula sa akin.

''Totoy, umuwi ka na sa inyo ha. Bawal nga pala 'yang ginagawa mo,'' saad ni Nurse Gi subalit nagbingi-bingihan lang siguro ang bata.

Nang mapadaan ako sa harapan ni Atrium ay nagkatinginan kami. Bahagyang magkasalubong ang kaniyang makakapal na kilay na para bang kinikilatis ako nang mabuti. Hindi niya sigur ako mamukhaan dahil balot na balot ako sa PPE na suot ko.

''Penge rin ako niyan ah.''

''Uu, mamaya. 'Di naman tayo makakain dito sa daan eh.''

''Baka mabasag 'yan.''

Nang nasa ilang hakbang na ang layo namin ay muli akong napalingon sa kaniya--- kay Atrium. Nakatanaw pa rin siya sa amin. Sa pagkakataong ito ay wala na iyong pasaway na batang nagtitinda, at nasa bandang likuran naman niya ay may dalawang babaeng nakatayo. Kung hindi ako nagkakamali, iyon ang kapatid niyang si Amyline at ang nanay nila.

Biglang piningot ng kaniyang nanay si Atrium at hinila siya sa loob.

***

NANGANGATOG na ang mga tuhod ko dahil sa pagod at gutom. Naliligaw na ata kami, ayaw lang aminin ni Nurse Gi.

''Ano na? Kalahating oras na tayong naglalakad. Jusko,'' himutok ni Nurse Odd.

''Alam mo ba talaga 'yong bahay nung pasyente, Nurse Gi?'' Hindi ko na rin mapigilang maglabas ng hinaing.

''Easy lang naman kayo, hindi naman mawawala 'yong pasyenteng iyon eh,'' sabi ni Nurse Gi na nagpataas ng presyon ni Nurse Odd.

Lumanding ang palad ni Nurse Odd sa batok ng kaniyang nasa harapan. ''Gaga ka, eh may Covid 'yon. Tanga.''

Nakahawak sa batok na huminto't lumingon sa amin si Nurse Gi. ''Sige na! Aaminin ko na. Hindi ko talaga alam. Sor---'' Naputol ang susunood pa niyang sasabihin nang inilapag ni Nurse Odd ang bag na hawak at bigla na lamang siyang sinunggaban.

''Sabi na nga ba nagmamarunong ka lang na hindot ka! Pabida ka talagang hinayupak ka! Palibhasa hayok ka kay Jollibee noong bata ka pang walang hiya ka!''

Nakakarinding sigawan at tilian ang sumunod na nangyari. Gigil na gigil si Nurse Odd habang winawarak ang pagkatao ni Nurse Gi. Samantalang ako naman ay nameywang at sumandal na lamang sa isang pader dahil wala na akong lakas para awatin sila.  

Coughtivated (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon