KAHAPON ay tatlong pasyente ang tuluyan nang nalagutan ng hininga. Kaninang madaling araw ay mayroon na namang isa.
Napabuntonghininga ako. Alas otso na ng gabi at naglalakad ako sa pasilyo. Nagra-rounds ako eh. May dala-dala ulit akong stainless tray. Hinahanap ang room number ng pasyenteng ibinilin sa akin.
Mabilis ang mga hakbang ko kaya't naririnig ko ang sarili kong mga yapak. Balewala na sa akin ang suot kong PPE, sanay na siguro ako?
Napahinto ako sa paglalakad nang kumurap-kurap ang ilaw sa unahan. Tumingin ako sa kaliwa't-kanan para lang makita na mag-isa akong naglalakad sa pasilyong ito.
Muli akong tumingin sa harapan. Madilim na ang pasilyong nasa unahan na siyang susunod kong lalakaran. Napalunok ako at nagdalawang-isip kung tutuloy pa ba.
Kinapa ko ang hita ko pero wala na nga pala akong cellphone. Muli akong napalunok nang may marinig na yapak sa aking likuran. Kakaibang yapak iyon, parang pilay ang may-ari.
Kumurap ang ilaw na nasa bandang uluhan ko kaya't napaatras ako. Lalamunin ako ng dilim at nakakakilabot ang tunog ng pagkurap ng ilaw.
Humigpit ang pagkakahawak ko sa tray at ang mga paa ko'y hindi mapakali kagaya ng puso ko. Ngayon a nararamdaman ko na ang init na dulot ng aking kasuotan at pakiramdam ko ay anumang oras, malalagutan ako ng hininga. Hinihingal ako lalo pa't patuloy kong naririnig ang marahang yapak ng kung sino na palapit na mula sa aking likuran.
Napatili ako nang tuluyang namatay ang ilaw at madilim na sa kinatatayuan ko. Agad akong pumihit upang tumakbo subalit ganoon na lamang ang gulat ko nang masalubong ang isang pigura na halos hindi ko na mahitsura dahil sa sunog nitong katawan.
Nabitawan ko ang hawak kong tray at lumikha iyon ng tunog. Subalit hindi ro’n nakabaling ang atensyon ko.
Ang taong nasa harapan ko ay tila nahihirapan sa paghinga. May pamilyar na tunog ang bawat hiningang pinapakawalan niya. K-kagaya sa mga pasyenteng mayroong Covid...
Biglang tumaas ang lapnos niyang kamay at parang inaabot ako. Bukas pa ang ilaw na nasa bandang likuran niya kaya't kitang-kita ko ang kahindik-hindik niyang hitsura.
Sinunog nga siya.
Napaatras ako. Nangingilid ang luha sa mga mata ko habang hinihingal.
Habang paatras nang paatras ay mas nilalamon ako ng dilim. Sa dilim... may naririnig akong mga pag-ubo at tunog ng nahihirapang paghinga. Umaalingawngaw iyon sa pandinig ko.
Humihikbing tinakpan ko ang aking magkabilang tenga at nanghihinang umupo sa sahig habang nakasandal sa malamig na pader.
"Tu-tulong..."
"Huwag niyo kaming sunugin."
Umalingawngaw na naman iyon sa loob ng aking isip. Kahit na natatakpan ko na ang aking tenga ay dinig ko pa rin. Sobrang bilis ng kabog ng dibdib ko. Marahas kong tinggal ang nakalagay sa aking ulo pati na rin ang facemask dahil nahihirapan na akong huminga.
Sobrang dilim. Marami ang boses na naririnig ko. Nakayuko lang ako habang humihikbi. Nakatiklop ang mga tuhod at pawisan.
Napasigaw ako nang biglang may humawak sa isa kong braso.
"Masaya na ba kayo?"
"Kasalanan niyo kung bakit kami namatay."
"Masaya na ba kayo?"
"Kung hindi dahil sa inyo wala kami rito. Kung hindi dahil sa inyo, hindi kami naghihirap!"
"Minamanipula niyo...!"
BINABASA MO ANG
Coughtivated (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING)
ActionDisinfection gone wrong *** When a contagious disease which could be transferred human-to-human through inhalation hit in the world, government thought of preventive measures to stop the spread of the virus. They issued mandatory health protocols th...