KANDANGIWI ako habang hila-hila ni Mama ang tenga ko papasok ng bahay.''Tarantado ka talagang bata ka. Hindi ka talaga mamandaran!'' Nakapameywang na siya sa harapan ko samantalang ako naman ay nakayuko habang hinihimas ang tenga na matatanggal na yata dahil sa lakas ng pagkakapingot at hila niya.
Nang hindi ako magsalita ay kinurot naman niya ako sa tagiliran. ''Kabilin-bilinan ko sa inyo na 'wag na 'wag kayong lalabas! Jusko naman, Atrium. Ni hindi ka nagsusuot ng facemask!''
Kinapa ko ang pisngi ko. Wala nga akong suot.
Nasa kwarto lang naman kasi ako kanina eh. Malalim ang iniisip, tapos bigla na lang nangbulahaw 'yong batang tindero ng balut. Sa inis ko ay nilabas ko na siya at nang matigil na sa kakakatok at katatawag mula sa labas. Nang dahil sa balut boy na 'yon eh nawala na tuloy ang konsentrasyon ko sa pag-iisip patungkol sa napanaginipan ko noong isang buwan.
Oo, buwan na ang nakakaraan subalit hanggang ngayon ay tandang-tanda ko pa rin at binabagabag pa rin ako lalo pa't palaisipan sa akin kung ano ang ibig sabihin no'n. Tinanong ko si Amyline kung may napanaginipan din ba siyang tungkol sa mga zombies pero tinawanan lang niya ako at sinabing wala.
Makailang beses ko na ring tinawagan si Robust para sana kamustahin pero out of coverage palagi. Nag-aalala tuloy ako. Hindi rin siya nag-oonline sa facebook pati na rin ang pinsan niyang si Gio. Mula tuloy no'ng magising ako mula sa nakakatakot na panaginip na iyon ay parang araw-araw na akong napa-praning at hindi mapalagay.
''Hoy, Atrium!'' Bigla akong sinabunutan ni Mama kaya't nagbalik sa kasalukuyan ang isip ko.
''P-po?''
Nagsalubong ang kilay niya. Bakas sa mukha niya ang pagkairita. ''Ang sabi ko, hatiran mo na ng pagkain ang lola mo. Baka sa pagkakataong 'to ay gutom na 'yon.''
Tumango ako. ''Sige po.''
Umalis na si Mama at nagtungo sa kusina.
Bago pumasok sa kwarto ay nilingon ko si Amy. Nandoon siya at nakaupo sa sofa habang nakahalukipkip. Bagamat nakasuot ng facemask ay alam kong nginingisihan na naman niya ako. Ngising nang-aasar.
Pinakyuhan ko siya sabay pasok sa kwarto.
Kumuha ako ng isang surgical facemask mula sa drawer pati na rin medical gloves. Muli akong lumabas mula sa kwarto at dumiretso sa kusina. Naabutan ko si Mama na may hinuhugasan sa lababo.
''Kapag ayaw pa rin kumain, usigin mo. Utuin mo. Konsensyahin mo,'' aniya.
Sa mesa ay naroon ang tray na may lamang bowl ng lugaw at isang baso ng gatas. Kinuha ko iyon at naglakad patungo sa kwarto ni Lola.
Ito ang dahilan kung bakit palaging stress at mainitin ang ulo ni Mama. May Covid kasi si Lola, at naka-home quarantine siya. Ayaw niya kasi sa ospital. Ang dahilan niya, mas mapapadali raw kasi ang kamatayan niya kung ico-confine siya sa ospital. Delikado man, napagdesisyunan namin na i-home quarantine na nga lang si Lola ayon din sa kagustuhan niya. Nakausap naman na namin ang mga kabaranggay namin, at karamihan sa kanila ay sumang-ayon pati na rin ang aming kapitan na nagbigay pa ng ilang mga supplies para sa amin kagaya ng facemask at alcohol.
Naniniwala rin kasi sila na baka mas lalong mapasama at lumala ang kalagayan ni Lola sa ospital.
Pinihit ko ang doorknob at nang makapasok ay isinara kong muli ang pinto. '''La? Kain na po.''
Nakahiga siya sa kama. Nitong mga nakaraang linggo ay madalas siyang mahirapan sa paghinga kaya mayroon siyang oxygen mask at ventilator, pati na rin suwero dahil hindi siya makakain. Pero ngayon ay unti-unti nang bumubuti ang kaniyang kalagayan. Ang sabi nga eh may mga nurse daw na pupunta rito ngayon para i-check si Lola kaso ewan ko nga lang kung nasaan na sila.
BINABASA MO ANG
Coughtivated (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING)
AçãoDisinfection gone wrong *** When a contagious disease which could be transferred human-to-human through inhalation hit in the world, government thought of preventive measures to stop the spread of the virus. They issued mandatory health protocols th...