02 (S2)

79 3 0
                                    


DAHAN-DAHANG dumilat ang namimigat na talukap ng aking mga mata. Pinipilit ko kahit mahirap. Subalit nabigo lamang ako dahil kagaya kanina, kusa lang naman itong sumara.

Kadiliman.

Sobrang bigat ng pakiramdam ko, wala akong pang-amoy kaya't hindi ko nalalanghap ang matapang na amoy ng disinfectant sa paligid. Oo, aware ako na may disinfectant dahil tiyak kong nasa ospital ako. Nagtatrabaho ako sa ospital kaya alam ko ang pakiramdam.

May malabong tunog akong naririnig, pati rin malabong pag-uusap at tunog ng mga yapak.

Masakit ang lalamunan ko, pakiramdam ko rin ay may malapot na tubig ang nakabara sa aking ilong. Nananakit ang ulo ko at kahit nakapikit ay tila umiikot ang paligid para sa akin.

Umungol ako. Paos ang aking boses, halos walang lumalabas.

"May malay na si Nurse Sue!"

Sinubukan kong igalaw ang daliri. Masakit ang mga buto ko ro'n.

Bakit kaya ganito?

Marahan akong lumunok. Parang mayroong gasgas ang aking lalamunan dahil kumirot ito nang dumulas ang laway ko.

Napaubo ako. Masagirit iyon at tila barado ng plema. Hindi lang ang aking lalamunan, kundi pati rin ang likod ko. Kung hindi siguro sa oxygen mask, malamang ay kinakapos na ako ng hininga dahil sa plema sa aking baga.

"Sue?" taranta ang boses ng nagsalita.

Lalaki iyon. Pamilyar sa akin subalit hindi ko matukoy dahil mas nangingibabaw ang pananakit ng buo kong katawan. Hindi ako makapag-isip nang tama. Bumabagabag sa akin ang mga nangyari nitong mga nakaraang araw.

Nasaan na iyong mga kasama ko? Sina Stein, Atrium?

Muli akong humalinghing. Nais kong magsalita ngunit wala talaga akong lakas.

Sensitibo ang aking kalamnan dahil masakit ito nang may daliring dumampi sa braso ko. Animo'y umaapoy ang mga kalamnan ko, mainit sa pakiramdam... at hindi ako komportable rito. May pumipintig sa aking buto at naghahatid ng nakakangilong sakit. Kagaya ng pakiramdam ng may lagnat.

Pati ang mga ugat sa aking batok ay masakit sa tuwing bahagya kong nagagalaw ang ulo.

Alam kong nasa ospital ako pero saang ospital? Ang naaalala ko ay nasa loob kami ng tent, tapos biglang nag-shift ang senaryo, nasa isang bahay ako at may nakitang dalawang batang nanonood ng TV. Ibinabalita sa telebisyon ang nanyari sa city na pinangyarihan ng 'apocalypse.'

Nasaan ang iba kong kasama? Sina Gwendina? Sina Lexus at Pransinley?

Hindi ko maintindihan ang nangyari at ang kasalukuyang nangyayari. Basta, sigurado ako na nakita ko ang sariling litrato sa telebisyon, sinasabing patay na raw ako dahil sa COVID.

Gusto kong gumalaw at magtanong, subalit tinatalo ako ng bigat ng katawan. Umiikot ang aking paningin, nahihilo ako kahit nakapikit. May kung anong pumupukpok sa ulo ko at masakit iyon. Nasusuka ako pero parang wala namang lalabas.

Mayamaya pa’y biglang sumigid ang kirot sa dibdib ko, nahihirapan akong huminga. Nanigas ang aking katawan habang ang bibig sa ilalim ng oxygen mask ay nakabuka, humihingal dahil kinakapos sa hangin. Sa bawat mabigat kong paghinga ay ang pagtunog ng dibdib at likod dahil sa plema at tubig sa baga.

Namuo ang luha sa aking mga mata. Sobrang sakit, gusto kong tubtubin ang sariling dibdib ngunit walang lakas ang mga kamay ko. Ni hindi ko na napapansin ang aking paligid, pero siguradong ang mga nurse at doktor ay tarantang-taranta na.

Naghahalo ang kati at sakit sa lalamunan ko. Ang aking ngala-ngala ay mahapdi at masakit sa tuwing lumulunok ako, parang may maliliit na organismong kumakalukay do’n.

Coughtivated (SOON TO BE PUBLISHED UNDER PAPERINK PUBLISHING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon