Kabanata 6

3.8K 130 58
                                    

Kabanata 6



Kung bakit kahit mukhang mabait naman si Ate Hannah ngunit may parte talaga sa akin na hindi ko siya gusto ay hindi ko rin alam. Siguro dahil iyon sa pagpapakita niya ng interes kay Zach sa kabila ng husay niya sa pagtuturo.

Bobo ako pero alam ko kung kailan gusto ng isang babae ang taong gusto ko. Halatang-halata sa tingin at kilos niya simula pa noong una niyang pagsulpot dito sa bahay namin. Hindi naman ako salbahe, e. Pero sa tuwing nagpapapansin siya kay Zach sa gitna ng pag-tutor niya sa akin---katulad ngayon, parang gusto ko na lang tuloy siyang paalisin at sabihin kay papa na hindi ko na lang pala kailangan ng tutor.

"Zach, ano? Sabihin mo lang kung nahihirapan ka sa pagtuturo kay baby Gold. Tutulungan kita..."

"Grr! Sabing huwag mo akong tatawaging baby Gold, Ate Hannah! Hindi na ako baby!" umalingawngaw sa buong library ang maliit na boses ng kapatid ko.

Namumula na ang kanyang mukha sa pagkapikon habang nakatingin kay Ate Hannah na nakangiti at tila ba hindi sineseryoso ang inis niya. Hindi ko na mabilang sa kamay ko kung ilang beses niya na itong sinabihan na huwag siyang tawaging ganoon kaya naiintindihan ko kung saan nanggagaling ang irita niya. O siguro dahil sa pareho lang kaming may inis na nararamdaman kaya hindi ko masaway-saway ang kapatid ko.

Tumawa si Ate Hannah. "Kuu! Baby ka pa. Hindi ka pa nga tuli, e!"

Namilog ang mga mata ng kapatid ko. Sa pagkakataong ito, hindi ko na naiwasang huwag matawa. Kung hindi pa ito naiiyak sa galit at pagkapahiya na sumulyap sa akin ay hindi pa ako tatahimik.

"Zach..." tawag ulit ni Ate Hannah sa baby ko.

Hindi ko na alam kung gaano na kahaba ang nguso ko habang pinagmamasdan na dinudungaw ni Ate Hannah si Zach mula sa likuran nito. Abala si Zach sa pagsusulat ng problem na ipasasagot sa kapatid ko at kitang-kita ko kung paano siya nagulat nang lingunin niya si Ate Hannah. Ilang dangkal na lamang kasi ang agwat ng mga mukha nilang dalawa! Mas lalo akong nag-apoy sa galit.

Nagtama ang mga mata naming dalawa ni Zach sa kalagitnaan ng panggigigil ko. Halos maputol ko na ang aking ballpen sa diin ng hawak ko at nagngingitngit na ang aking mga ngipin. Kumunot ang noo niya sa akin at pagbalik niya ng atensiyon kay Ate Hannah ay tumikhim siya at lumayo nang bahagya.

"Thank you pero hindi ako nahihirapan," tipid nitong sagot.

Mabilis pa sa alas kuwatro akong nagpigil ng tawa nang matanaw ang dismaya sa mukha ni Ate Hannah.

Ayan kasi!

Walang ibang nagawa si Ate Hannah kundi ang bumalik dito sa lamesa namin. Nagkunwari akong nagbabasa ng libro. Nang makitang bagsak ang kanyang balikat na tiningnan ang mga sinagutan ko, dismayado pa rin at sulyap nang sulyap kay Zach, napangisi ako nang malademonyo. Nilingon ko rin si Zach na ngayon ay tila walang pakialam sa paligid sa amin habang tinuturuan ang kapatid ko.

Humagikhik ako. Hay naku, Zach! Mabuti na lang talaga at wala kang interes sa mga babae!

Nanatiling ganoon sa mga sumunod na araw. Katulad ng schedule ng kapatid ko, gabi-gabi rin akong tinu-tutor ni Ate Hannah sa loob din ng library. Every weekdays lang din.

"Jewel, malapit nang matapos ang school year. Anong plano ninyo sa bakasyon?"

"Ha?"

Kasalukuyan kaming kumakain ngayong apat ng snacks sa canteen. Sobrang daming estudyante at dahil malapit na ang summer ay umiinit na rin ang paligid. Pawisan na ang ilan sa mga nakapila para bumili. Mabuti na lang at maaga kami. Hindi na kami nakipagsiksikan pa roon.

Nilingon ko si Precious na ngumunguya ng bubble gum habang abala rin sa pagpasada ng tingin sa mga dumadaan sa aming table.

"Uuwi kayo sa probinsya ninyo?" tanong niya ulit at binalingan na ako.

TVD #5: The Day She ConfessedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon