Simula

10K 259 141
                                    

Simula

Talo ko na yata ang kabayo sa sobrang bilis ng takbo ko. Hingal na hingal na ako at nangangantog na ang aking mga tuhod ngunit nagpatuloy pa rin ako sa pagtakbo. Naliligo na rin ako sa pawis at naiirita na dahil doon ngunit tiniis ko.

"Sige lang, Jewel! Kaya mo 'yan! Bilisan mo pa!"

"Bilisan mo, Jewel! Ipanalo mo ang section natin! Hindi tayo puwedeng matalo!"

"Go, Jewel!!"

Habang tumatakbo, nagawa ko pang lingunin ang direksyon kung nasaan ang mga kaklase ko. Kitang-kita ko kung paano sila magtatalon sa tuwa dahil sa pangunguna ko sa laban. Kahit pa magaling naman na ako sa larangang ito, mas nagkaroon ako ng kumpyansa dahil sa mga sigaw nila.

Kaya naman hindi na sila magkamayaw sa pagtili nang ako ang tanghaling panalo.

Pagod na pagod akong naupo sa damuhan. Dinulog ako ng mga kaklase ko at niyakap sa tuwa. Ang iba'y binigyan ako ng tubig habang bumabati.

"Congrats, Jewel!" bati ni Sir Aljun, ang class adviser slash P.E. teacher namin.

"Salamat po, Sir!" nakangiting sagot ko sabay tayo.

Hindi ako sanay na pinupuri kaya hindi ko rin alam kung anong dapat kong sabihin. Masarap pala sa pakiramdam. Parang gusto kong purihin ako ulit.

"Sana tulad ng galing mo sa paglalaro ng sports, galingan mo na rin sa pagsagot sa mga quiz, recitation, at exam. . . Ipakita mong hindi ka lang puro ganda," mapagbirong sabi ni Sir Aljun.

Biglang nagtawanan ang mga kaklase ko.

Unti-unting naging hilaw ang ngiti ko dahil doon kaya ngumuso na lang ako.

"Tama! Para naman mapansin ka na ni Zachiro! Hindi ba crush mo 'yon?!"

Nanlalaki ang mga mata ko. "H-Huh?"

Naghiyawan sila.

"Sus! Kunwari ka pa! Ayos lang 'yan, Jewel! Wala naman masama kung mangangarap ka kahit imposibleng matupad!" Sabi ng isa kaya umugong muli ang malakas na tawanan ng aking mga kaklase.

"Aralin mo muna kung paano hindi magkaroon ng bagsak kada exam nang sa gano'n ay magkaro'n ka ng pag-asa!"

"True! Hindi ka mapapansin n'on sa ganda lang!"

Nagtawanan sila ulit.

Hilaw na ngiti na lamang ang naiganti ko sa kanila.

Natigil lang sila nang sinaway na ni Sir Aljun. Mabilis akong kumawala nang makitang wala na sa akin ang kanilang atensiyon.

Ilang beses na rin naman akong nasabihan ng ganito. . . hindi lang ng mga guro kundi maging ng ibang mga estudyate, lalo na ang mga kaklase ko, pero hindi pa rin ako masanay-sanay. Nahihiya ako dahil hindi ko naman ginustong hindi ako magaling sa pag-aaral, pero parang sa tingin at palagay nila, ginusto ko.

Hindi naman ako tamad. Sa katunayan nga, nagsisipag ako at nakikinig lagi. Pero lagi ko lang din nakakalimutan kaya pagdating ng quiz at exams ay bagsak pa rin ako dahil wala akong maisagot.

Todo punas ako ng pawis habang umaakyat ako sa bleachers-papunta sa mga kaibigan kong sasalubungin na rin ako. Tirik na tirik ang napakainit na pangtanghaling sikat ng araw na sumasakop sa buong soccer field. Napapaso na ang balat ko. Kailangan kong maligo agad. Bukod sa nanlalagkit na ako ay baka ang baho-baho ko na rin. Bigla akong napangiwi nang maalala ang pagyakap sa akin ng mga kaklase kong pawisan din kanina.

"Anong nangyari?" Kyuryosong tanong ni Jessa sa akin nang salubungin nila ako.

"Ha?"

"Parang pinagkakatuwaan ka nila kanina sa baba. Binully ka na naman ba?" Si Precious na nag-aalala akong pinagmasdan.

TVD #5: The Day She ConfessedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon