Kabanata 14

3.1K 96 38
                                    

Kabanata 14


“Zach! Zach!” paulit-ulit kong tawag, hinihingal na habang hinahabol siya sa hallway.

Pagkatapos niya kasing pumayag sa kalokohan ni Randyll ay bigla na lang siyang umalis. Sumunod ako sa kanya pero kahit anong tawag ko habang nakabuntot sa kanya ay hindi siya lumilingon. Para bang wala siyang naririnig gayong alam kong rinig na rinig niya ako.

“Zach! Sandali! Hintayin mo ’ko!”

“Ano bang kailangan mo?” sabay harap niya sa akin.

Nagulat ako sa biglang kasungitan niya. Hindi naman siya ganito kanina. At sa pagkakataon pang ito, galit siya kaya siya nagsusungit. Napalunok ako at kinabahan.

“G-Gusto ko lang humingi ng pasensiya sa asal ni Randyll—”

“It’s fine,” matigas ang boses na sagot niya.

“S-Sorry pa rin. At… dapat tinanggihan mo na lang ’yong pakulo niya.”

“I already agreed.”

“Pero…” Pumayag ka nga pero parang ayaw mo naman! Mukhang galit ka pa!

“Kung tutuusin kasalanan mo kung bakit ako ginugulo ng lalaking ’yon, Jewel. It’s obvious that he likes you. Dapat doon ka na lang sa kanya. Hindi ’yong nagpapakahirap ka sa ’kin,” mariing sabi niya, matalim ang mga tingin na ibinigay sa akin.

“H-Ha?”

“At isa pa… pabor naman ako sa kondisyon niya. Magpapatalo lang naman ako, hindi ba?”

Napakurap-kurap ako.

“Magpapatalo ka? Bakit? Bakit ka magpapatalo? Hindi mo ba narinig ’yong sinabi ni Randyll kanina? Kapag natalo ka, Zach, lalayuan mo raw ako!”

“That’s why I have to lose. Para lalayuan kita. Ibig sabihin din n’on ay titigilan mo na ’ko.”

Pakiramdam ko, gumuho ang mundo ko sa sinabi niyang iyon.

Nang makita niya ang pagkakatigil ko, walang pagdadalawang-isip na siyang tumalikod at naglakad palayo. Naiwan akong tulala sa kawalan.

Buong araw na naman akong wala sa sarili dahil doon. Paulit-ulit kong iniisip habang nasa klase kung ano ang nagawa kong mali para magalit siya sa akin, pero wala akong maisip na dahilan kahit pa sumakit na ang ulo ko kasusubok. Nagalit ba siya sa akin dahil hinabol ko siya? Hindi. Galit siya dahil ginugulo siya ni Randyll.

Kaya noong recess, kinausap ko si Randyll at pinakiusapan na huwag niya nang ituloy ’yong gusto niya. Sinabi kong naiistorbo lang niya si Zach. Pero…

“Huh! Si Zach ba nag-utos niyan sa ’yo?” nakangising tanong niya.

Umiling ako. “Hindi—”

“Natatakot ba siyang kalabanin ako? Nakakatawa siya. Narinig niya sigurong magaling ako sa chess kaya umuurong na ngayon.” Humalakhak siya.

“Hindi ’yan totoo! Ako ang may gustong itigil mo ’to, Randyll!” sabi ko.

“At bakit? Hindi puwede, Jewel. Hindi ko hahayaang lapitan ka ng lalaking ’yon kung kailan niya gusto. Sasaktan ka lang n’on! Isa pa, hindi ko ugaling mambawi ng sinabi. Maglalaban kami ni Zach sa ayaw at sa gusto mo. Labanan ng lalaki ’to. Kaya please, Jewel.”

Sa sobrang inis ko ay iniwan ko na siya kahit hindi pa siya tapos magsalita. Bumalik ako sa classroom na mainit ang ulo.

Bawat patak ng oras, kinakabahan ako. Mamayang uwian ’yong laban nila. Kumalat ang balitang iyon sa buong campus dahilan kaya marami ang nag-aabang. Lalo na dahil sikat si Zach at transferee naman si Randyll.

TVD #5: The Day She ConfessedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon