Kabanata 32

3.3K 113 60
                                    

Kabanata 32




Tulala akong nakatitig sa kisame ng aking kuwarto habang nakaunat ang parehong braso’t binti na nakahiga sa kama. Punong-puno ng tanong ang utak ko at hindi ko alam kung ano ang dapat kong maging reaksiyon. Mula pa kaninang makauwi ako, wala na ako sa sarili. Lumilipad ang utak ko.

Ano ’yon? Ano ’yong nakita ko? Hinalikan ni Zach si Jackie…

Bakit? Bakit niya ginawa ’yon? Iniwasan niya na kanina, e. Nakita ko. Malinaw kong nakita. Kaya hindi ko maintindihan. Bakit? Bakit… Zach?

Muling pumasok sa isip ko ang imahe ng mga labi nilang magkadikit. Ang kamay ni Zach na nakahawak sa batok ni Jackie bilang suporta habang naghahalikan sila. Nanikip ang dibdib ko at awtomatikong bumuhos ang aking mga luha.

Alam kong wala naman kaming relasyon ni Zach pero masakit makitang may hinahalikan siyang ibang babae. Lalo na dahil minsan niya na rin akong hinalikan. Hindi ko maintindihan. Bakit niya hinalikan si Jackie? Naalala ko ang kagustuhan ko kaninang pumasok pa rin sa loob ng science room, bitbit ang sakit at wala nang pakialam kung maistorbo ko man sila, basta’t ang mahalaga ay masagot ang lahat ng tanong na namumuo sa utak ko. Pero napigilan ko pa rin ang aking sarili sa takot na baka mapahiya lang ako.

Baka kasi… magalit sa akin si Zach. Tapos… baka mas lalo lang akong masaktan sa mga isasagot niya sa akin.

Pumikit ako at hinayaang dumaloy pababa sa aking pisngi ang mga luha kong parang tubig sa gripo. Nanginig ang labi ko.

Siguro nga dapat hindi ko na ipilit pa ang sarili ko sa kanya.

Alam ko naman sa simula pa lang na imposible pero umasa pa rin ako. Umasa ako sa katiting na atensiyon niya sa akin na pilit ko lang isinasantabi para hindi ako masiyadong masaktan kung sakaling mali ako. Ngayon tuloy, ako ang nasasaktan.

“Ate Jewel, pabigay naman nito kay Kuya Zach…”

Hinahalo ko ang cereals ko sa bowl. Bagsak ang aking mga balikat at nanlulumo pa rin ako. Nakatulog na lang ako nang basta kagabi habang umiiyak kaya tuloy medyo namamaga ang mata ko.

Nilingon ko si Gold na napatalon nang makita ang mukha ko.

“A-Ate? Anong nangyari sa ’yo?” gulat na tanong nito.

Binalingan din tuloy ako nina mama at papa. Pareho din silang napatanong pero napako na ang atensiyon ko sa nakatiklop na papel na hawak ng kapatid ko. Iyon iyong pinasusuyo niya sa akin para ibigay kay Zach. Uminit agad ang ulo ko.

“Bakit ako ang pinapabigay mo niyan? Bakit hindi ikaw?” tumaas ang boses ko.

Natigilan si Gold. “Ate?”

“Simula ngayon huwag mo nang babanggitin ang pangalang iyan sa harapan ko, Gold. Naiintindihan mo?”

Laglag ang panga nilang tatlo habang nakatingin sa akin.

“J-Jewel? Anak, may sakit ka ba? Sigurado ka ba sa mga sinabi mo? Si Zachiro ang tinutukoy ng kapatid mo…” ani mama at sinubukan pang lapitan ako pero agad siyang pinigilan ni papa.

“Hon, hayaan mo na. Baka may dalaw ’yang anak mo kaya mainit ang ulo…”

Namuo ang iritasyon sa akin pero hindi na ako nagsalita.

Tikom ang bibig na itinago ni Gold ang papel. May bahid ng pagkapahiya ang mukha niya at halatang nagulat talaga sa galit ko. Gusto kong mag-sorry bigla pero ayaw kong isipin niyang nagkamali lang din ako kahit sa sinabi ko. Seryoso ako roon.

Papasok na ako sa gate ng school nang matanaw kong nakatayo roon si Zach. Para bang may hinihintay siya at noong makita niya ako ay umayos siya ng tayo habang nakatingin sa akin.

TVD #5: The Day She ConfessedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon