---•••---•••---•••----•••---•••---•••
NARATING na ni Xienna at Don Quasimodo ang bahay-pagamutan ngunit ang naroroon lamang ay si Mateo, Don Tiago, at Enrique na ngayon ay nakadapa sa higaan. Natunghayan ni Xienna kung gaano kalalim ang sugat sa likod ni Enrique kung kaya ay hindi na siya nag atubili na maghanap ng mga gamot panlunas sa mga tukador ni Xavier.
"A-ano ba ang mga naging nangyari? S-si Xavier, saan?" Tanong ni Don Quasimodo kay Don Tiago.
Inilapag na muna ni Don Tiago ang isang bimpo sa isang batya bago nagsalita. "Bigo ako sa pagpainom ng gamot kay Nathaniel. Natapon ang bote dahil may sumipa sa aking kamay. Si Xavier naman ay binalikan ang bilangguan..."
"Mga alipores po ni Don Diego ang lumusob." Singit ni Mateo.
"Paano ninyo nasabi na alipores niya?"
"Kulay pula ang mga talukbong." Sagot ni Mateo.
Doon na nagimbal si Don Quasimodo. Nagsimula na siyang magduda at baka nakinig talaga sa kanila si Estrella noong minsang nag-usap sila ni Xavier. Hindi niya naisip 'yon.
"Hindi nga ako nagkakamali na may tinatago na ugaling Diablo 'yan si Diego." Wika ni Don Tiago at may halong galit ang bawat salitang binibitawan niya.
Napahinga ng malalim si Don Quasimodo at napatingin ngayon sa gawi ni Xienna na ginagamot si Enrique. Minsan napapa-igik sa sakit ang binata. Malalim ang sugat nito na kahit hindi ka lumapit ay makikita mo ang laman sa likod ng binata. Pati ang higaan ay nababahiran ng dugo.
Nabigla silang lahat nang may kumalabog.
Si Xavier ang dumating na nanghihina at malakas na napasandal sa pintuan habang akay si Nathaniel na walang malay.
Agad na napatayo si Mateo at inakay si Nathaniel at pinahiga sa malapit na higaan. Si Xavier naman ay inakay rin ni Don Quasimodo. Maputla si Xavier at nakaramdam siya ng pagkahilo.
Dinampot ni Xavier ang maliit na bote sa sahig. Samantalang si Nathaniel naman ay nakatingin lamang sa kawalan at ngumingiti matapos na kanina'y nagwawala.
"Nathaniel, si Xavier ito... maaari mo akong lapitan, gagamutin kita."
Ngunit nanatiling ganoon pa rin si Nathaniel. Wala ng ibang nagawa si Xavier kundi ang gapusin si Nathaniel gamit ang kaniyang bisig.
"Bitawan mo ako! Mga diablo!" Sigaw ni Nathaniel at pilit na kumakawala sa gapos ng bisig ni Xavier.
Hinawakan ni Xavier ang panga ni Nathaniel upang pilit na ipainom ang gamot. Hanggang sa nalagok iyon ng binata. Bigla itong nawalan ng malay.
"Anak, ano ba ang nangyari? Wala ka namang galos pero tila ba ikaw ay nanghihina?" Pag-aalang tanong ni Don Quasimodo.
Nakapikit lamang si Xavier habang nakahiga at pinapakinggan ang katanungan ng kaniyang ama.
"Sa tingin ko ama ay kailangan rin na gamutin si Xavier. Hindi man siya nagalusan pero sa tingin ko ay inilaan niya ang buong lakas sa pakipaglaban." Saad ni Xienna.
"Hindi malabo." Ikling tugon din ni Mateo sa kanila.
Maya-maya pa ay dumating si Don Alejandrino Cabrera at ang pinsan ng magkakapatid na si Creselda. Natunghayan nila si Enrique na nakahandusay sa higaan na tila ba hirap na hirap sa kaniyang sugat sa likod.
BINABASA MO ANG
Xavier
WerewolfSa taong 1850, sa bayan ng San Fernando kung saan naroroon ang pamilyang nagtataglay ng nakatagong sumpa na siyang gumagambala sa bawat tao kapag sumilay na ang kabilugan ng buwan. Naroroon ang kanilang kakaibang lakas at angking kakayahan na hindi...