Mabagal ang bawat hakbang ko habang papasok sa loob ng university. Ang lahat ng mga mata ay nasa akin. Rinig na rinig ko ang kanilang mga bulungan, at ramdam na ramdam ang mga matatalim nilang tingin na tumatagos sa aking liluran at maging harapan.
Tanggap ko naman ang klase ng mga tingin nilang may panghuhusga. Mga titig na may galit at pagdisgusto na makita ako. Pero wala akong pakialam sa kung ano ang kanilang tingin sa akin. Alam ko kung ano ang totoo kong nararamdaman.
Sa mga oras na ito, panigurado akong maraming nagtataka kung bakit pumasok ako ngayong araw, kahit na kahapon ang libing ni Jones. Alam ko ang mga klase ng titig nila, ako lang din naman kasi ang sinisisi nila kung bakit nawala nang maaga ang kaibigan at kaklase nila.
Kilala kasi si Jones bilang vocalist ng banda ng school. Tuwing may battle of the bands siya talaga ang pambato kasama ang mga kaibigan niyang sina Vicente at Mico. Marami ring mga nagkakagusto kay Jones, dahil gwapo rin talaga ang isang 'yon.
Huminga ako nang malalim saka tuloy ang lakad sa hallway. May mga nakasinding kandila sa gilid, isang pagbibigay ng respeto sa kaluluwa ni Jones. Nakasabit din ang iilan niyang tarpaulin sa announcement board at maging sa entrance kanina.
We will miss you, our beloved Mr. Jones Garcia.
Huminto ako sa isa niyang tarpaulin sa gilid ng entrance papuntang first building. Nakaumiporme siya roon habang ang laki ng kanyang ngiti. Pakiramdam ko sa mga sandaling 'yon, nakatitig siya sa akin at sinasabing magiging maayos din ang lahat; na huwag ko nang isipin ang sasabihin ng ibang tao; na dapat mas isipin ko kung ano ang tunay na nilalaman ng puso ko.
Humakbang ako palayo mula sa nakatitig niyang mukha sa akin, at tinalikuran ko siya. Maraming nakadikit na mga letters at sticky notes sa green board. May mga printed papers doon kung saan ang mga mukha ni Jones. Mukhang mga mensahe nila para sa lalaki. Ramdam na ramdam ang lungkot na awra sa lugar na 'yon.
Hindi tulad dati na maririnig ang tawanan at sigawan pa lamang sa hallway. Makikita ang mga estudyante na nag-aasaran, nagyayabangan ng mga bago nilang biling gamit, naglilinis ng corridor at may pinapagalitan ng mga guro.
Pero ngayon, mukhang hindi na mangyayari. Isang malaking parte si Jones sa ingay na 'yon. Natanaw ko ang dalawa niyang kaibigan na si Vicente at Mico na nakatayo sa pinto ng kanilang room, bakas ang lungkot sa kanilang mukha— namumugto ang mga mata at nangingitim ang ilalaim— indikasyon na wala silang tulog.
Huminto ako nang umangat ang kanilang tingin sa akin. Bigla akong dinuwag. Unti-unting umatras ang mga paa ko papalayo sa kanila.
Hindi na muna siguro ako papasok. Maiintndihan naman siguro ng mga guro ko kung bakit wala pa ako.
"Cally! Sandali!" Malakas ang sigaw nina Vicente at Mico na 'yon, pero nagpanggap akong hindi ko sila narinig.
Mabilis ang takbo ko, at ang ilan sa mga estudyante ay nabunggo ko na. Sa halip na humingi ako ng tawad, hindi ko na ginawa. Tuloy-tuloy lang ang takbo ko palabas ng gate. Lumiko sa sidewalk sa kanang bahagi, at dumeretso ako sa tahimik na play ground.
Habol ko ang hininga habang nakapatong ang dalawa kong kamay sa magkabilang tuhod. Ewan ko kung luha ba o pawis ang dumadaloy sa aking pisngi.
Humanap ako ng upuan at naupo roon. Natatabunan ako ng fountain at ng isang malaking puno. Ibig sabihin ay hindi ako makikita o mapapansin ng kung sino ang mapadaan doon.
Ako ang dahilan kung bakit nawala si Jones. Kung hindi niya sana ginawa 'yon, buhay pa sana siya ngayon. Kaya walang ibang sisihin kundi ako. Kung maibabalik ko lang ang lahat at maipaliwanag ko nang maayos kay Jones ang mga pangyayari ay gagawin ko.
BINABASA MO ANG
Raining with You
ParanormalWhen Callista's boyfriend died from an accident, he showed up in front of her in the rain. As she made a promise to Jones, she has to help him accomplish his goals to the Monsoon Count. *** Nang mamatay si Jones, nagbago ang lahat sa buhay ni Calli...