Chapter Four

22 3 0
                                    

Nakatitig ako ng maigi kay Jones habang tinatantya ko ang reaksyon sa kanyang mukha. Pagkalabas ko ng banyo kanina, kinuha niya sa akin ang basa kong damit at nilagay 'yon sa loob ng isang plastic bag. Pagkatapos no'n muli kaming bumalik sa aming mesa at naroon na ang dalawang medium size na milk tea at dalawang shawarma.

Nakalumbaba si Jones habang nakatingin sa amin, tapos na kaming kumain na dalawa. At hindi ko maipaliwanag ang lahat ng pangyayari. Alam ko na impossible ang lahat, lalo na at alam kong patay na talaga si Jones. Hindi naman pwedeng nabuhay siyang muli, dahil kita ng dalawa kong mata kung ano ang itsura niya noon sa hospital. Nandoon ako nang sabihin ng doctor ang time of death niya.

Ngayon, lalo akong naguluhan dahil napagtanto kong hindi siya multo. Nakakain pa siya ng shawarma at nakainom ng milk tea. Buhay na buhay. Kung multo siya hindi niya magagawa 'yon. Kaya nakapagtataka na talaga ang lahat, hindi ko na alam kung ano pa ba ang dapat kong isipin.

"Jones. . ." Muli kong tawag sa kanya para makuha ang kanyang atensyon.

Umangat naman siya ng tingin, at binaling muli ang atensyon sa labas ng shop. Unti-unti nang humihina ang buhos ng ulan. Ibig-sabihin makaraan ng ilang sandali ay makakauwi na rin ako sa bahay. At si Jones, hindi ko alam kung ano ang gagawin sa kanya; at kung paano ko siya madadala sa amin na hindi magugulat si mama at ate.

"Malapit nang tumila ang ulan, baby. Malapit na rin akong maglaho. Kailangan ko nang sabihin sa iyo ang muli nating pagkikita. Sa tuwing uulan lang ako babalik at ayusin ang gusot ko na iniwan dito. At ang maayos na pagpaalam sa inyo," sabi ni Jones habang hindi tumitingin sa akin.

Natuod ako sa aking kinauupuan habang inaanalisa ng isip ko ang aking mga narinig mula sa kanya. Nanginginig ang kamay kong nakapatong sa ibabaw ng mesa. "A-ano?"

Napiyok ako pagkatapos bigkasin ang isang salitang tanong na 'yon.

"Hindi ko alam kung ilang beses ang pag-ulan sa buwan na ito, Baby Cally. Forty days lang ang binigay sa akin. Kaya kapag uulan sa susunod na araw, gusto ko sulitin natin ang bawat sandali. Wala tayong dapat na sayangin, hindi na pwedeng tumakbo sa oras na ito, baby. Kailangan na nating harapin ang lahat, ang mga tinakbuhan natin noon."

Pagkatapos kong marinig ang sinabi ni Jones, parang gusto ko na lang na huwag nang tumigil ang ulan. At umulan na kang sa loob ng apatnapung araw. Kung kinakailangan kong tumungo sa simbahan, at tawagin ang Diyos araw-araw; magmakaawa sa kanya habang nakaluhod at lumuluha ay gagawin ko. Gagawin ko ang lahat para kay Jones, maibigay lang ang huling hiling niya sa akin. Kung kinakailangan na magsaboy ako ng asin sa kalangitan, hindi ako magdadalawang-isip na gawin 'yon para sa kanya.

"Sa tingin mo ilang oras itatagal ng ulan? At ilang beses uulan sa loob ng forty days, Jones?" tanong ko sa kanya, pinipigilan ko muli ang pagkapiyok ng aking boses.

Hindi ko dapat ipakita sa kanya na nasasaktan ako sa rebelasyon na 'yon. Hindi ko dapat ipakita na manghihina ako na pagkatapos ng pagbalik niya'y mawawala rin pala siya sa akin.

"Hindi ko alam. Ilang oras na ba ang ikinatagal ng ulan ngayon?" Balik tanong niya.

Nilingon ko na siya sa pagkakataon na 'yon. "Sa banta ko mag-iisang oras na," sagot ko sa kanya. Kumuha ako ng notebook saka ballpen sa aking bag. Mabuti na lang at hindi nabasa at bahagya lang. "Kailangan nating magplano ng maayos, Jones. Para hindi masayang ang oras ng pagbalik mo rito. At dapat matapos ang kailangang matapos sa loob ng kung gaano katagal matapos ang ulan."

Sumalubong ang dalawang kilay ni Jones, habang nakatingin sa notebook at ballpen na nakapatong sa mesa. "Isusulat mo riyan ang mga gagawin natin?"

Tumango ako. "Oo, top priority na muna unahin natin saka na ang less."

"Hindi ko pa alam  kung ano ang uunahin ko, baby." Malumanay niyang turan, habang magkasalubong ang dalawang kilay.

Naiintindihan ko siya kung bakit. Alam ko na mahirap din ito sa kanya, at nakakapanibago. Maski ako ay hindi rin alam kung ano ang gagawin at uunahin sa pagkakataong 'to.

"Marami akong bagay na gustong gawin, Cally. Gusto kong manatili na lang, at gawin ang mga bagay na gusto ko. Kaya nakapanibago na may limitado na," dugtong pa niya.

Ngumiti ako sa kanya. Noon siya ang palaging nagsasabi sa akin ng mga magagandang salita para maibsan ang mga isipin ko sa buhay. Hindi ko napansin na maging siya ay kailangan din ang suporta ko, ang mga sasabihin ko. Mga bagay na hindi ko pala nagawa noon kay Jones. Ngayon pagkakataon ko na para fawin iyon.

Hinawakan ko ang kanyang kamay saka pinisil iyon. "Nandito ako, Jones. Tutulungan kita. Magagawa natin ang mga gusto mong ayusin. Pagkasyahin natin sa mga oras. Tutulungan kitang tumingin ng weather forecast, para may ideya tayo kung kailan uulan o hindi."

"Salamat, baby." Isang ngiti ang sumilay sa mukha ni Jones.

Kasabay ng mga ngiting iyon ay ang unti-unti niyang paglaho sa aking harap; siya ring pagkawala ng mga patak ng ulan, pagtila nito. Natagpuan ko ang sariling nakatitig sa kawalan.

Wala na si Jones, naglaho siyang parang bula. Wala na ang kamay niyang hawak-hawak ko kanina. Napahawak ako nang mahigpit sa damit kong suot. Pero isa ang naoatunayan ko ng gabing 'yon. Totoong bumalik si Jones, hindi ako namamalik-mata lang, o nanaginip.

Bumalik siya pero sa tuwing uulan lang at sa loob lamang ng apatnapung araw. Napatingin ako sa notebook na nakabuklat sa ibabaw ng mesa.

Kailangan kong tanungin sa susunod na pagkikita si Jones kung ano ang mga bagay niyang gustong gawin. Sa ngayon, alamin ko na muna kung kailan ulit uulan.

Iyon lang muna ang maitutulong ko kay Jones. Sana maging tagumpay ang lahat. Hindi ko man alam kung ano ang mangyayari sa susunod na araw, ang mahalaga maibigay ko kung ano'ng tulong na hinihingi sa akin ni Jones.

Raining with YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon