Chapter Three

24 3 0
                                    

Hindi ako makapaniwala na hindi siya multo, at totoong nayayakap ko siya. Kung panaginip lang naman ito ay susulitan ko na. "Ikaw ba talaga 'to? Totoo ka ba talaga?"

Ramdam ko ang mga haplos at paghalik niya ng paulit-ulit sa aking ulo at sintido.

"Hindi ko alam kung paano, Cally. Pero ang mahalaga nandito ako," mahinahon na sabi niya. Niyakap niya ako nang mahigpit, damang-dama ko ang malamig niyang katawan. Siguro dala na rin sa malakas na buhos ng ulan.

Tiningala ko siya saka pinakatitigan. Kulot niyang malagintong buhok, makapal na kilay, matangos na ilong, mapulang manipis na labi habang nakatitig ang gray niyang mga mata.

"Baby. . ." Naramdaman ko ang pag-unahan ng aking mga luha sa pisngi. "Miss na miss na kita. Masaya akong narito ka. Kahit na hindi ko alam kung totoo ba ito o namamalikmata."

"Shh." Hinalik-halikan niya ako sa pisngi, pinunasan ang aking pisngi. "Miss na miss na rin kita, Baby Cally. Huwag na muna nating isipin kung totoo ba ito. Ang mahalaga ay nandito ako, kasama kita, sa gitna ng ulan."

Dinala niya akong muli sa kanyang mga bisig at niyakap nang mahigpit.

"Saan ka galing? Bakit ngayon ka lang?"

"Hindi ko alam, Cally. Basta ang alam ko malayo ang aking nilakbay. Galing ako sa isang lugar na puro karagatan, malakas ang ulan doon. Maging ang kulog at kidlat. Wala akong ibang makita kundi malawak na dagat. Sa gitna ang isang bahay kung saan ako naroroon," sagot niya sa tanong ko, ramdam ko ang paghigpit muli ng kanyang yakap. "Sinundan ko ang liwanag na nagmumula sa isang pinto. Binuksan ko 'yon, baby. At natagpuan ko na lang ang sarili kong naririto. Ikaw ang iniisip ko sa mga oras na 'yon. Hindi ko alam, hindi ko alam kung paano. Pasensya ka na, baby."

Tumango-tango ako nang paulit-ulit. Naririnig ko siya, naniniwala ako sa kanya kahit mukhang kahibangan na lang ang lahat nang 'to. Kahit hindi kapani-paniwala ang mga sinabi ni Jones, ay kailangan ko pa ring maniwala.

"Kailangan ko nang gawin ang mga bagay na naiwan ko rito, baby. Alam mo kung ano ang totoo. Maari mo ba akong tulungan?" Malumanay ang boses niyang pumukaw sa akin.

Gusto ko hindi na siya pakawalan, gusto ko yakap ko lang siya hanggang sa katapusan ng mundo. Gusto ko rito lang siya sa tabi ko. Ayaw ko nang iwan akong muli ni Jones. Kahit maging selfish ako sa pagkakataong 'yon, gagawin ko.

"Kailangan ba talaga? Hindi ba pwedeng dito na lang tayo? Dito ka na lang sa akin," pakiusap ko sa kanya kahit alam kong malabo, kahit man lang sabihin niyang oo; kahit kasinungalingan na lang.

"Hindi na ako aalis, dito lang ako. Sasamahan kita."

Alam kong walang katotohanan iyon, pero pinaniwalaan ko pa rin. Dahil masakit ang totoo, at pakiramdam ko pinapatay ang puso ko ng paunti-unti.

Humanap kami ng masisilungan ni Jones nang makalabas na kami ng gubat. Ngayon ko lang napansin na ako lang ang nababasa ng ulan, samantalang siya ay hindi. Alam ko sa sarili ko na isa na talaga siyang multo, pero hindi ko alam kung multo lang ba siya at ako lang ang nakakikita sa kanya.

Hindi ko na muna isipin ang mga bagay na 'yon, isipin ko muna kung ano na ang gagawin at paano ako makauuwi na kasama siya.

"Multo ka na lang ba?" tanong ko, na hindi yata nakaabot sa pandinig ni Jones, pumiyok ng bahagya ang aking boses. "Pero wala na akong paki sa bagay na 'yon. Maglakad na tayo pauwi."

Nagsimula na akong maglakad sa kalsada. Pabalik sa pinanggalingan ko kanina. Sumunod sa akin si Jones, hinila niya ako mula sa kamay at pinasilong sa kanyang braso na nakataas. Napatingala ako sa kanya, titig na titig sa umiigting niyang panga.

Ngayon ko lang siya ulit napagmasdan ng ganito kalapit. Parang kailan lang noong huli ko siyang natitigan. Rinig na rinig ko ang tibok ng puso ko, habang nanginginig ang buong katawan. Hindi ko alam kung sa ulan pa ba 'yon, o sa nararamdaman ko para kay Jones.

Gosh! Paano ko nagawang ewan at balewalain ang taong ito noon? Tapos noong mawala siya labis kong pinagsisihan ang mga nagawa. Kaya ba narito siyang muli para bigyan ako ng pagkakataon na gawin ang mga bagay na pinagsisihan ko? Ito na ba ang pagkakataon para magawa ko ang gusto kong gawin para sa kanya?

Pumasok kami sa loob ng milk tea shop. Kitang-kita ko sina Vicente at Mico na naroon pa rin kasama ang kanilang mga girlfriend. Napalingon ako kay Jones, nakahanap na siya ng pwesto para sa aming dalawa. Hindi ko alam kung nakikita ba siya ng mga nandoon o ako lang?

Agad ako naglakad papunta sa kanya at naupo sa upuang pinanghila niya para sa akin. Ang lamig naman sa loob pero pinagpapawisan ako ng malagkit.

Paano kung may makakita kay Jones? Ano ang gagawin ko? Ano'ng sasabihin ko? Sasabihin ko ba'ng hindi siya patay na muli siyang nabuhay? Na patay nga siya pero narito siyang muli para bumalik?

Parang sasabog ang ulo ko sa mga naisip. Kahit kailan hindi pa ako nahihilo sa mga maraming tanong na bumabagabag sa isip ko, pero ngayon parang ganun na ang nangyayari.

Palingon-lingon pa ako sa paligid, inaaral kung may nakatingin ba sa aming dalawa, pero wala. Ang lahat ay abala sa pakikipagkwentuhan, sa paggawa ng kanilang mga homeworks, at pagtingin sa kanilang mga cellphone. Napapikit ako ng mga mata sabay buga ng hangin.

"Don't worry, baby. They can't see us."

Napaangat ang tingin ko kay Jones ng marinig ang sinabi niya. Kunot na kunot ang noo ko. "Ano ang ibig mong sabihin, Jones? Hindi nila tayo nakikita? Bakit?"

Hindi ako sinagot ni Jones. Sa halip ay tumayo siya at tinawag ang staff na siyang kumukuha ng order. Nanlaki ang mga mata ko dahil doon.

"Shit!" Napatayo ako nang wala sa oras at pinakatitigan ang mga bawat sandali.

Ngumiti si Jones sa staff matapos sabihin ang pagkain na bibilhin. Tumungo pa siya sa likod ng shop, hindi ko alam kung ano ang kinuha niya roon. Pagbalik niya may dala na siyang t-shirt, shorts at jacket. May bitbit din siya sa kabilang kamay na sapatos at payong.

"Jones. . . ano ang nangyayari?" tanong ko muli sa kanya, pero hindi niya ulit ako pinansin.

Itinaas niya ang mga dalang gamit, sumenyas sa banyo. "Ito magpalit ka na muna, baby. Nilalamig ka na, bantayan kita sa labas ng banyo," sabi niya at nauna nang maglakad papunta roon.

Kahit kating-kati na ako at naiinis sa hindi pagsagot ni Jones sa mga tanong ko, hindi ko na siya pinilit. Sinunod ko na lang muna ang sinabi niya. Pakiramdam ko mababaliw na ako sa mga nangyayari.

Kinuha ko ang mga damit mula sa kanya at saka pumasok sa bakante. Tinitigan ko ang mga damit na binigay sa akin ni Jones. Ito ang paborito niyang suotin sa tuwing magkikita kami sa shop na 'to.

Paano napunta sa shop na 'to ang mga damit niya?

Napalunok ako nang malalim. Napatingin sa pinto na sarado na. Si Jones ba talaga ang kasama ko? Bakit hindi siya pinapansin nila Vicente at Mico kanina? Nakita ba nila siya? O, nanaginip lang talaga ako?

Kinurot ko ang aking kaunting balat, pero nakaramdam ako ng sakit.

Ibig sabihin totoo ang lahat, hindi panaginip.

Dali-dali kong pinalitan ang aking mga damit na basa na. Nang matapos ay huminga ako nang malalim. Pagkalabas ko rito, kailangan kong makausap nang masinsinan si Jones.

Raining with YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon