Nakaraan,
Kabilugan ng buwan nang gabing iyon. Isang babaeng sanggol ang isinilang ni Matilda-ang pinakamakapangyarihang puting mangkukulam sa ikalabinlimang henerasyon ng kanilang lahi.
Kasabay ng unang pag-iyak ng sanggol ay nakarinig sila ng isang malakas na ungol na wari ay nanggagaling sa isang mabangis at malaking hayop. Nasundan pa ito ng mas maliit na ungol na tila ba'y nagmula pa sa isang mas batang hayop. Nagsimulang magsiliparan palayo ang mga ibon na kanina lang ay magiliw na nakatanaw sa kanila sa loob ng malaking silid. Naging alerto si Orlando dahil sa narinig.
Napakapit na lamang nang mahigpit si Matilda sa braso ng asawa nang maramdaman niya ang itim na kapangyarihan ni Amara. Napatingin sa kaniya si Orlando na tila iisa lang ang kanilang iniisip.
Agad siyang tumayo at isinuot ang kayumangging kapa kay Clara, ang siyam na taong gulang niyang panganay na anak na babae, pagkatapos ay iniabot niya rito ang kaniyang bagong silang na sanggol.
Ang kayumangging kapa ang magsisilbing proteksyon ng dalawa mula kay Amara. Pinipigilan nito ang paglabas ng kapangyarihan ng nagsusuot at sa mata ng mga may kapangyarihan na nilalang ay maglalaho ang gumagamit nito.
Ito ang nag-iisang bagay na ipinagsasalin-salin ng kanilang lahi sa bawat matatanghal na pinakamakapangyrihan na puting mangkukulam. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit nasa sitwasyon sila ngayon ng panganib.
"Mama," natatakot na tawag ni Clara sa kaniya. Mababakas sa maaamo nitong mga mata ang pagkabahala at takot.
Tiningnan niya sa mga mata ang anak. Sinimulan niyang gamitin ang kaniyang kapangyarihan. Nagliwanag at nagkulay lila ang kaniyang mga mata, ganoon din ang kay Clara.
"Tumakbo ka, anak, kasama ang iyong kapatid! Lumayo kayo sa lugar na ito at huwag nang babalik. Mamuhay kayo kasama ang mga normal na tao. Palakihin mo si Jennifer, ang magiging ngalan ng iyong kapatid, bilang isang normal na tao. Hayaan mong ang tadhana at ang kaniyang sarili mismo ang makatuklas ng kaniyang totoong pagkatao. Mahal na mahal namin kayong dalawa. Paalam."
Pagkatapos niyang sambitin ang huling kataga ay hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng kaniyang mga luha. Ibinalik na niya sa normal ang kaniyang mga mata ngunit hinayaan niya sa ganoong kalagayan ang kay Clara. Kinakailangan na nasa ilalim ito ng lila nitong kapangyarihan nang sa gayon ay magawa nito ang ipinag-uutos niya. Dahil kung nasa normal itong kalagayan ay nakasisigurong hindi nito magagawang iwan silang mag-asawa.
Nagsimula nang humakbang si Clara habang karga-karga si Jennifer palabas ng kanilang puting kastilyo. Tahimik lamang sa tabi si Orlando. Ni walang luha ang mababakas sa kaniyang mukha. Sa sobrang sakit ng kanilang sitwasyon ay parang naging matigas na bato na ang kaniyang puso.
Nagsimulang magbago ang kulay ng kaniyang mga mata. Naging lila ang kanan at itim naman ang kaliwa, tanda na nagtataglay rin siya ng dugo ng itim na mangkukulam. Sa kanilang dalawa ni Matilda ay siya lang ang may kakayahang umatake sa kalaban sapagkat tanging depensa lamang ang kayang gawin ng mga purong puti. Dahil kung makakasakit sila ng isang nilalang, gaano man ito kasama ay mababahiran ng itim ang kanilang lila na dugo.
Alam ni Orlando sa kaniyang sarili na ito na ang katapusan nilang mag-asawa. Ngunit nakahanda siyang paslangin ang mga nilalang sa labas, kahit pa ang isa sa mga iyon ay ang nakababata niyang kapatid na babae, maipagtanggol niya lamang ang kaniyang asawa na si Matilda.
BINABASA MO ANG
Before Us (COMPLETED)
WerewolfSet in 90's times... Jennifer Largo used to be a cold hot headed teenage girl. She was living a normal life, not until a faithful encounter with Akira Dela Cruz, a college guy who spilled a 1 peso worth of juice on her 7,000 worth of peso bag. Sh...