Akira POV
Nanlalabo ang aking paningin ng muli akong magising at imulat ang aking mga mata. May nakatutok sa mukha ko na liwanag na nanggagaling sa flashlight. Nang maka-adjust na ang aking mata ay napatingin ako kay Dani. Inalis na niya ang flashlight sa mukha ko at inilapag niya iyon sa may tabi ko na hindi pinapatay ang ilaw nito.
Tinulungan niya akong makabangon. Masakit pa rin ang buong katawan ko. Napatingin ako sa mga sugat ko na ngayon ay nababalutan na ng puting tela. Wala ng mababakas na tumutulong dugo sa aking buong katawan tanging sa damit na lamang na may mantsa ng mga dugo.
“Mas madali sanang babalik ang lakas mo at gagaling ang mga sugat mo kung gagawin ko iyong natural na paraan sa’yo ngunit mahal ko pa ang buhay ko. Mahirap ng galitin ang isang witch na taong-lobo,” pabirong saad ni Dani sa akin.
Hindi ko na rin maiwasan ang mapangiti kapag naiisip ko ang magiging reaksyon ni Jennifer kapag nga ginawa ni Dani iyon. Ngayon ngang magkasama ulit kami ay paniguradong awtomatikong sisimangot ang kaniyang mukha sa oras na masilayan niya kami.
“Salamat nga pala at dumating ka,” saad ko sa kaniya.
“Of course, dadating ako kasi nasa panganib ka na naman. Akala ko dati nakatadhana akong maging asawa mo dahil sa mag-mate tayo. Iyon naman pala ay nakatadhana akong maging nurse mo,” kunwari ay iritadong niyang saad na ikinatawa ko.
Tinapik ko ang kaniyang balikat. “Ang mahalaga may ambag ka sa mundo,” biro ko na ikinairap niya.
Inaya ko si Dani na hanapin ang mga magulang nila Vanessa at Kuya Vince. Nasisigurado ko na malapit lang sila sa amin. Nagpalit ng anyo si Dani at kahit mahirap ay pinilit kong sumakay sa kaniyang likod. Nagsimulang lumakad at umamoy ang kaniyang itim na lobo. Bitbit ko ang flashlight na kanina ay dala-dala niya. Hindi na ako nag-abalang pailawin pa iyon para makatipid.
Mayamaya ay tuluyang huminto si Dani. Binuksan ko ang hawak kong ilaw at nang itutok ko iyon sa unahan namin ay nakita ko ang mag-asawa na walang malay at nakahiga sa nagkapira-pirasong mga istruktura. Naliligo na sila sa sarili nilang mga dugo. Kaagad ako na bumaba kay Dani. Habang si Dani naman ay kaagad ding nag-anyo bilang tao.
“Patay! Naubos na iyong gamot na dinala ko mula sa mundo ng mga tao. Akala ko kasi ikaw lang ang nasa panganib.” Problemadong saad ni Dani habang nakatingin sa dalawang matanda.
Lumuhod ako sa kanilang tabi upang alamin kung may pulso pa sila. “Buhay pa sila,” saad sa akin ni Dani. Oo nga pala at malakas ang pangdama kapag nasa anyong lobo at pati ang pagtibok ng puso ng ibang tao ay naririnig namin kung aming gugustuhin.
Hinubad ko ang aking t-shirt at pinunit ko iyon. Gumawa ako ng mahahabang piraso mula dito at itinali ko iyon sa malalang sugat ni Tito Rogel upang kahit papaano ay makatulong ito upang bumagal ang paglabas ng kaniyang dugo. Habang si Dani naman ay bumalik sa kaniyang anyong-lobo upamg paghilumin niya ang sugat ni Tita Elena. Nang matapos siya sa kaniyang ginagawa ay unti-unting nagkamalay si Tita Elena.
Kaagad na nabaling ang atensyon niya sa kaniyang asawa na hanggang ngayon ay wala pa ring malay. Kung nakakapagpalit lang sana ako ng aking anyo ay magagawa ko ding magamot ang kaniyang asawa ngunit kahit anong subok ko ay talagang hindi pa kaya ng aking katawan. Si Dani naman ay hindi niya magagamot ang sugat ng isang lalaki na hindi naman niya mate ngunit kung kaparehas niya ng kasarian ay magagawa niya iyon, ganoon din sa aming mga lalaki.
“Mabubuhay pa ba ang asawa ko?” Naluluhang tanong ni Tita Elena sa amin ni Dani. Pinagsalit-salitan niya kami ng tingin habang humihingi ng sagot sa amin.
Hinawakan siya ni Dani sa kaniyang mga kamay. Nginitian niya ang ginang kahit nasa ganitong sitwasyon na kami. “Huwag po kayong mag-alala. Mabubuhay siya dahil kakayanin niya ‘yan,” pagsagot ni Dani. Nakikita ko na sigurado si Dani at alam niya ang kaniyang mga sinasabi.
BINABASA MO ANG
Before Us (COMPLETED)
WerewolfSet in 90's times... Jennifer Largo used to be a cold hot headed teenage girl. She was living a normal life, not until a faithful encounter with Akira Dela Cruz, a college guy who spilled a 1 peso worth of juice on her 7,000 worth of peso bag. Sh...