Kinaumagahan, naligo ako sa tabi ng balon doon sa likod-bahay. Kakaiba ang sarap at lamig ng tubig na sa bawat dampi nito sa katawan ko, gumagaan ang pakiramdam ko. Pagkatapos maligo, para akong bago.
Pinupunasan ko ng tuwalya ang buhok ko nang makita si Dave, sakay ng pulang motor, umaarangkada palapit. Huminto siya, pinatay ang makina at mula sa likod ng kawayang bakod na hanggang ilalim ng dibdib niya ang taas ay sinabing,
"May pupuntahan tayo."
"Saan?" tanong ko.
"Basta. Nagpaalam na 'ko sa lolo at lola mo kaya dalian mo."
May kung ano sa paraan niya ng pagsasalita dahilan kung bakit sinunod ko siya. Dali-dali akong nagpunas at pumasok sa loob para magbihis. Nagsuot ako ng maluwag na puting T-shirt at itim na jersey shorts. Kinuha ko ang cell phone ko, headset, shades, lighter at sigarilyo. Paglabas ng pinto sa kusina, nandoon siya. Naghihintay. Nakashades.
"Tara!" sabi niya.
Umangkas ako sa motor. Sa likod niya. Mataas na ang araw kaya nagshades na rin ako. Pinagana niya ang motor at umalis kami. Wala akong ideya kung saan niya ako dadalhin. Hindi ko rin tinangkang tanungin. Pinagmamasdan ko lang ang tanawin. Naeengganyo sa dampi ng araw sa balat ko at sa hampas ng hangin sa mukha ko. Maya-maya pa, nagsalita siya.
"Ganyan ka ba talaga? Tahimik?"
Napatingin ako sa side-mirror. Nakatingin siya sa akin mula roon. Sumagot ako. Sinabi ang totoo. "Wala kasi akong gustong sabihin."
Ngumiti siya.
May nalampasan kaming simbahan ng mga saksi ni Jehova at simbahan ng mga katoliko. May katabing plaza na walang bubong kung saan naglalaro ng basketball ang grupo ng mga kalalakihan. Nasa kaliwang gilid ng kalsada ang Tori-Tori Barangay Hall. May nadaanan din kaming sementeryo. Pinabilis ni Dave ang pagpapatakbo. Nang palapit na kami sa puting waiting shed na may nakasulat na Barangay Sablig, pinabagal niya ang motor saka kumanan. May nakita akong paaralan at sa kulay berdeng bubong ng dalawang palapag ngunit sirang gusali nito, nakapinta sa malalaki at puting letra ang Anda National High School.
"'Yon ang magiging school mo," sabi niya. Tahimik pa rin ako. "Doon ako nag-aral," dagdag niya.
Naisip ko, ang dating paaralan ni Dave ay magiging paaralan ko.
Huminto kami sa tapat ng isang makitid na daan malapit sa kalsada. Iniwan namin ang motor sa gilid at ipinaliwanag niyang nakasisiguro siyang walang kukuha nito. Naglakad kami papasok. Nasa unahan ko si Dave at sinusundan ko siya. Liblib ang daan. Pinapalibutan ito ng nagtataasang talahib na tumutusok ang dulo sa balat ko sa tuwing nasasagi sila. May mga insektong nagliliparan sa paligid. Sampung minuto kaming naglakad sa pasikot-sikot na daan bago marating ang kinapaparoonan kung saan bumungad ang nakabibighaning tanawin. Isang paraiso. Tinanggal ko ang shades ko. Ganoon din siya.
"Wow!" pagkamangha ko habang pinagmamasdan ang malawak na asul na dagat sa ilalim ng asul na langit. Lumilikha ng biswal na ilusyon ang liwanag ng araw na tumatama sa dagat kung kaya parang may mga nagkalat na dyamante sa ibabaw ng tubig na sobrang ningning ang pagkislap.
"Ito ang spot ko," pagmamalaki niya. Tumingin ako sa kanya at tumingin siya sa akin; nakangiti ang mga labi, maging ang mga mata.
"Ang ganda," sabi ko.
Umupo kami sa damuhan, sa ilalim ng madre cacao, malapit sa tabing-dagat. Niyakap ko ang mga tuhod ko, pinagmamasdan ang mga pagkislap sa tubig at ang mga mahinahong alon habang siya ay naghahagis ng maliliit na bato sa dagat. Ilang sandali pa, binasag niya ang katahimikan.
BINABASA MO ANG
SUMMER OF 2010: A Novel
Romance🏆 The Wattys Awards 2022 Shortlisted First friend. First love. A summer of many firsts. Walang ibang ninanais si Jeffrey kung hindi ang malayo sa magulong buhay sa Maynila. Gumawa siya ng paraan para pauwiin ng kanyang mga magulang sa bahay ng ka...